BAHA

Ang ulan at pagbaha nga ba’y pag ganti ng kalikasan

Pagkat tayo’y mga palalo at walang pakundangan

Basura’y tapon dito tapon doon kung saan saan

Kaya naman pagbaha kahit saa’y nararanasan

 

Ang pagputol ng mga puno ay isa ring dahilan

Nitong pag ragasa ng tubig mula sa kabundukan

Naiipon sa mga ilog at mabababang lugar

Napupuno ang mga dam at ito ay umaapaw

 

Kaya ang naging sanhi ay pag bahang katakot takot

Sa bubong ng mga bahay kahit kay taas umabot

Mga taong apektado’y ‘di alam kung san susukot

Pagkat bahang rumaragasa’y nakakapanghilakbot

 

Marami ng buhay at mga bahay ang natampalasan

Sa rumaragasang baha pati walang malay ay nadamay

Ang mga alagang hayop, halaman at mga sasakyan

Makikita sa kalye’t mga daan palutang lutang

 

Kahit saang lugar laging may pagbabadya ang ulan

Wala raw namang namumuong bagyo kundi habagat lang

Ngunit kung puminsala animoy dagat ang umapaw

Bakit nga kaya ganito ngayon ang dulot ng tag ulan

 

Ito nga ba ay sanhi rin ng ating kapabayaan

Ang pagiging walang paki alam sa kapaligiran

Ang pagiging palalo natin at walang pakundangan

O sadyang galit na at gumaganti ang kalikasan

 

HAMON NG PANAHON


 

Bahagya ko ng naaaninag ang magarang korona

Dumampi’t sumilay sa nakapikit kong mga mata

Tilaok ng manok sa kapit bahay, narinig ko na

O kay sarap namang gumising, bumangon ng maaga

—–

Makasilip nga sa ming bintana at ng maramdaman

Ang sinag at dampi ng haring araw sa ‘king katawan

Bago bumaba ng hagdana’t magluto ng almusal

Makakain bago magsimula ng gawaing bahay

—–

Mahimbing rin ang aking pagtulog sa malamig na gabi

Kahit bago nahiga sa kama’y uminom pa ng kape

Sa ganda ng panaginip ko’y waring ipinaghele

Kaya kumpletong tulog ko, dulot ay ibayong ngiti

—–

Bahagya palang umulan kamakalawa at kahapon

Kumulimlim man ngayon sana’y manatili lang ambon

Pagkat ang ganitong buwan ay sadyang napapanahon

Walang magawa kundi tanggapin, hamon ng panahon

1:00pm—–

Katanghalian ngayon ngunit walang tindi ang init

At matapos si Pedring mukhang nagbabadya ang langit

May dalamhati atang muli sa ‘ti’y ipababatid

At paulan ulan, paambon ambon nais magsungit

—–

Lumulungkot na rin ang liwanag sa ‘ting kalawakan

May natanaw na rin akong bahaghari sa kanluran

Nakayuko doon sa kalawakan ng karagatan

Kung saan naroon din ang habagat at ang amihan

—–

Asul na kulay ng langit kanina, ngayo’y naging abo

Dagdag pa ang mabilis na ulap sa kanyang pagtakbo

Kay lupit naman pagkat may susunod pa nga raw bagyo

Marahil buong Pilipinas may ulan buong lingo

(Tula) ALA-ALA SA TAG ULAN

May na-aalala ako tuwing umuulan

Doon sa maliit naming baryong sinilangan

Parati kaming nakatingala sa bubungan

Baka pag ihip ng hangin ito’y magliparan

 

Ngunit parang ayaw kong ito’y balik balikan

Ang mga gunita ng nagdaang karanasan

Buong bubong ng bahay namin ay inilipad

Sa bahay ng kapitbahay namin dun napadpad (kina Siony)

 

Di kaya pinagpakuan ay kahoy na gato

At bubong namin ay nilipad ng buong buo

Grabe! sobrang hina naman ng pagkakapako

Ng aming karpenterong si manong “pitik” Vito (pinsan ni tatay)

 

Nananatili sa ‘king gunita’t kamalayan

Ang lahat na magagandang naming kagamitan

At pati ang mga inadikang kasangkapan

Pawang lahat nabasa at nababad sa ulan

 

Bakas ng ala-ala ng aming kabataan

At ang mga larawang pinakakaingatan

Ngayon, ni isa ay wala ng ngang matunghayan

Dahil sa ulan at hanging hindi napigilan

 

Matagal ng panahon, aking natatandaan

Ang mga naging pinsala, sa aming tahanan

Mga kapit bahay sa ami’y kusang dumamay

Sa masaklap na pangyayari sa aming buhay

 

Ang karanasan ay isang gintong ala-ala

Kay sarap balik balikan ng ating memorya

Ito’y nasa isipan walang pwedeng magbura

Mapwera lang kung ang tao’y sadyang pumanaw na

(Tula) UMUULAN NA NAMAN

Ayan! nanamlay na naman itong langit

Wala ng makitang talang nakadikit

Wala na pati ang buwang mapang akit

Tanda ng gabing panahon ay masungit

__________

Nagbuhos na naman ng luha sa lupa

Ipandidilig sa halamang nalanta

Pampawi sa kanilang matinding uhaw

At handang muli, sa pagsikat ng araw

__________

Heto na naman tayo’t nanggigitata

Ang mga paa, laging basa sa baha

Mga damit natin, amoy alimuom

At sa mangingisda, panahon ng gutom

__________

Sa aming bubungan, dinig ko ang patak

Nang ulang walang hanggan, lumalagaslas

Pati ang tunog ng hanging anong lakas

At mga dahon, dinuduyan sa labas

__________

Tila pagbuhos ay walang katapusan

Patuloy ang pagdilim ng kalangitan

Animoy luha ‘syang hindi mapigilan

Ng babaeng iniwan ng kasintahan

__________

Bakit ka ba biglang sa ami’y dumating?

Sino ba kaya, dapat namin sisihin?

Hindi naman pwedeng itanong sa hangin

Sa bahaghari, kulog at kidlat man din

__________

Kailangan ng maapula ang ulan

At ng muling sumigla ang kalangitan

Upang matanaw ang araw sa silangan

At magliwanag yaring kapaligiran

ALA-ALA SA TAG ULAN

May na-aalala ako tuwing tag-ulan

Doon sa aking munting baryong sinilangan

Parati kaming nakatingala sa bubungan

Baka pag ihip ng hangin ito’y magliparan

__________

Ngunit parang ayaw kong ito’y balik balikan

Ang mga gunita ng nagdaang karanasan

Buong bubong ng bahay namin ay inilipad

Sa bahay ng kapitbahay namin dun napadpad (kina Siony)

 __________

Di kaya pinagpakuan ay kahoy na gato

At bubong namin ay nilipad ng buong buo

Grabe! sobrang hina naman ng pagkakapako

Ng aming karpenterong si manong “pitik” Vito (pinsan ni tatay)

 __________

Nananatili sa ‘king gunita’t kamalayan

Ang lahat naming magagandang kagamitan

At pati ang mga inadikang kasangkapan

Pawang lahat nabasa at nababad sa ulan

 __________

Bakas ng ala-ala ng aming kabataan

At ang mga larawang pinakakaingatan

Ngayon, ni isa ay wala ng ngang matunghayan

Dahil sa ulan at hanging hindi napigilan

__________

Matagal ng pahanon, akin pang natatandaan

Ang mga naging pinsala, sa aming tahanan

 Mga kapit bahay sa ami’y kusang dumamay

Sa naging masaklap na pangyayari sa buhay

___________

Ang karanasa’y isang gintong ala-ala

Na kay sarap balikan ng ating memorya

Nasa isipan walang pwedeng magbura

Mapwera ang tao’y sadyang pumanaw na

(Tula) NGAYON

Ika 3 ng Mayo 2011 ngayon

Alas kwatro y media ng hapon

Pagal ang katawan sa maghapon

Sa Labas tila umaambon

 PANSARILING TULA

(DAMDAMIN)

Hindi ko talaga malaman

Itong aking nararamdaman

Heto’t nakatitig na naman

Sa tikatik na patak ng ulan

_____

Itong isip ko’y nagwawala

Puno ng salitang hiwaga

Hirap man sa simpleng kataga

Di mapigilan sa pag katha

_____

Nais ko sanang makalikha

Ng isang PANSARILING tula

Na hindi ko pagsasawaan

At lagi kong kagigiliwan

_____

Na pwede kong balik balikan

Kapag naibigang malibang

Magsilbing pang alis ng lungkot

Kapag nakaramdam ng bagot

_____

Isang tulang makabuluhan

Na aking pakakaingatan

Di nais ipagngalandakan

Pagkat ayaw kong mapintasan

_____

Kung pweding isulat sa hangin

At dumampi na lang sa akin

Kung pweding iguhit sa langit

At tula ko’y do’n tingalain

_____

Tamang kataga’y ‘di mausal

Talinhaga’y ‘di masumpungan

Waring tinaboy sa karimlan

Nitong pusong may alinlangan

_____

Heto’t utak ko’y kinakalog

Habang puso ko’y kumakabog

Damdamin ko’y nais magsabog

Nang isang makatang tagalog

_____

Takot akong lagyan ng drama

Lakipan kaya ng pantasya

At ng mahiwagang salita

Kulayan ang mga kataga

_____

Subalit ngayo’y may pangamba

Baka tula ko’y ‘di mabasa

Kinulang sa titik at letra

At hitik sa malabong tema

_____

Kung ‘di pa titila ang ulan

Ang aking tulang hinahangad

Paliparin na lang sa ulap

At mananatiling  pangarap

%d bloggers like this: