LILISAN KA NA


Ang bawat sandali ngayo’y kumukumpas

Habang ang damdamin ay nagpupumiglas

Ngunit ang bibig walang maibulalas

Nananatiling tikom ‘di maibukas

 

At bumibilis ang pagdilim ng gabi

Kumakaripas rin ang bawat sandali

Bawat oras ay waring nagmamadali

Ngunit salita’y ayaw pang mamutawi

 

Sige na nga ikaw ngayon ay lilisan

Iiwan mo kami ng siyam na buwan

Baunin mo yaring aming pagmamahal

Pero suklian mo ng maraming dolyar (hehe)

 

Ingatan ang sarili sa araw-araw

Manatiling masaya, ‘wag mamamanglaw

Nandito lang kami sa ‘yo’y maghihintay

Sama samang uuwi sa bagong bahay

 

Tayong dalawa’y talagang pinagtagpo

Nitong tadhanang lubha ngang mapagbiro

Pagkat minsa’y ‘di maarok, ‘di matanto

Ang mga reklamo’t hinaing ng puso

 

Ngunit sa bawat paglipas ng panahon

O kaya’y pagdaan ng maraming taon

Ang mga problemang sa ati’y nabaon

Kapit kamay, hinanapan ng solusyon

(Tula) SA AKING PAG-ALIS

Sa aking pag alis pagsusulat ay aking mamimis

Limang araw na gugugulin t’yak ako’y maiinip

Hindi ko mapipigilang daliri ko ay manginig

Hahanapin ang pagtipa mga letrang nasa isip

 

Pagkatha ng tula pansamantala kong ipipinid

Trabahong marami ay akin na munang iwawaglit

Ipapahinga ang katawan ganun din ang aking isip

Pagkaraan ng limang araw ako’y muling babalik

 

Maging masaya sana kami sa aming paglalakbay

Sa Poong May Kapal kami po ay inyong patnubayan

Sa himpapawid piloto ay inyo pong alalayan

Salpok ng hanging malakas sa eroplano’y pigilan

 

Pagdating namin doon kaming tatlo ay mamamasyal

Pagmamasdan ang paligid nitong bansang pinuntahan

Laging nakahanda sa pag papakuha ng larawan

Sa magagandang tanawin na aming mamamataan

 

Magpapahinga sandali matapos ang pamamasyal

Pagkain nilang masasarap ay amin ng titikman

Masasayang ala-ala ay aming pagkukwentuhan

At kapag daka bilihan naman aming tutunguhan

 

Pagbalik ng hotel ang pinamili ay bubuklatin

Bago umidlip ay isa isang pakakaisipin

Ipinagbilin ng mga anak ang unang uukilkil

Dapat ito’y kumpleto bago matulog ng mahimbing

 

Sa aming pag-uwi di mapipigilan ang paglingon

Sa bansang pinanggalingan may maganda kaming baon

Masasayang karanasa’y aming ipapasalubong

Kung aming ikukwento pihong kulang ang maghapon

 

%d bloggers like this: