Posted on August 26, 2011 by dregm

Nanunukso ka na naman sa akin dyan
Parang ‘di makali na ako’y titigan
Mga sulyap, akala mo’y ‘di ko alam
May pa-irap irap ka pang nalalaman
—–
Ninanakaw mo, tamis ng aking ngiti
Na sa ‘yong pwesto mata ko’y nagagawi
Pano’y pang gayuma mo’y ganun katindi
Nang ako’y lumapit, wag mag atubili
—–
Ayaw kong patukso sa pang-aakit mo
Mga kilos at asta mo’y di ko gusto
Sarili kong plano ay ‘yong ginugulo
Pati takbo ng utak ko’y nababago
—–
Ngunit bakit nga ‘di kita maiwasan
Ano bang uring gayuma meron ka dyan
Kahit unti-unti kang nilulubayan
Paglapit sa ‘yo, di ko kayang pigilan?
—–
Inaakit mo pa ang aking panlasa
Pakiramdam ko’y unti-unting nag-iba
Naantig na rin pati puso ko’t diwa
At ngayon nga ako’y iyong nahalina
—–
Sabi ko pa naman na ikaw ay iwasan
Ngunit pasaway at ‘di mapagsabihan
Ang “cholesterol at uric” nagtaasan
Kawawang katawan gamut ang kelangan
—–
Lechon sa handaan ayaw ko na sa’yo
Wag akong titigan, wag kang manunukso
Pagkat sakit sa puso, mapapala ko
Hayaan mo na lang kung sinong may gusto
18.948290
72.828827
Like this:
Like Loading...
Filed under: Masarap na Putahe, Tula para sa Pagkain | Tagged: Lechon, Tula ni "Dregm" | 2 Comments »
Posted on August 22, 2011 by dregm

Sa hirap ng tulang aking ginagawa
Sa tagal pag isipan, tyan ko’y nagwala
Agad naisip puntahan ang kusina
Namungkal para sa gutom na sikmura
Ako’y napapikit at may naalala
Inaanak ko pala’y may dala-dala
Isang platong pansit, na napakasarap
Paborito pagkain, sa tuwina’y hanap
Pag silip sa ref ay ‘di magkandatuto
Sa ‘king nakita ako’y biglang nalito
Pagkat may tira pang masarap na biko
Ito’y bigay rin ng pasyente kong gwapo
Paboritong binibili sa probinsya
Tawag sa Batangas sinukmani baga
Masarap kanin kape ang kapareha
Kahit almusal, pati na sa meryenda
May nakita pa akong tapang espesyal
Mula naman ito sa bayan ng Taal
Tapang masarap sa aking almusal
Lalo kung ang kanin sinangag sa bawang
Ako talaga’y nakaramdam ng gutom
At natalo ko pa, ang hilong talilong
Sa dami ng nakain, t’yan ko’y umusbong
Di alintana kung tumaas ang presyon
Dahil sa mga pagkaing nilantakan
Pusod ko’y umusli ‘di na nakagalaw
Ito ang napala sa ‘king katakawan
Sa pag gawa ng tula, ‘di nakahataw
18.948290
72.828827
Like this:
Like Loading...
Filed under: Tula ni "Dregm", Tula para sa Pagkain | Tagged: Kagutuman, Tula ni "Dregm" | Leave a comment »
Posted on July 18, 2011 by dregm

Bumangon ako sa kamang inaalimpungatan
Ako pala ngayon ang magluluto ng agahan
Kay haba ng magdamag hindi ko napag-isipan
Kung anong aking ihahain sa hapag kainan
—————
Mag-isa lang pala ako’t walang dapat asahan
Pagkat kasama ko’y sumama na sa kasintahan
Kayat pupungas pungas na nagtungo sa lutuan
Hinagilap ang kawali’t pinaningas ang kalan
—————–
Sa sinangag kong iluluto, walang sasarap pa
Kayat ako’y nag pitpit ng bawang, agad ginisa
Inihulog ang kaning lamig, kagabi’y natira
Hinaluan ko rin ng magic sarap na panlasa
—————
May mixed vegetables pa akong naisip na isama
Nag prito ako ng itlog at espesyal na tapa
May mainit na 3 in one coffee na kapareha
Kayat ang sinangag ko’y swak sa kanilang panlasa
—————
Agad kong ginising ang mga anak sa higaan
Upang almusal sa hapag kanila ng matikman
Ngunit napansin kong tila kay daling nagtayuan
Almusal kong inihanda ‘di pala nagustuhan
18.948290
72.828827
Like this:
Like Loading...
Filed under: Tula ni "Dregm", Tula para sa Pagkain | Tagged: Almusal namin, Tula ni "Dregm" | 1 Comment »
Posted on March 14, 2011 by dregm

Isa sa aking paboritong pagkain
Masarap hawakan malambot pisilin
Matamis pero mayr’on ding konting asim
Pang himagas matapos akong kumain
Paglapat sa dila’y masarap namnamin
At sa lalamuna’y mabilis hagurin
Dahil sa lambot ay madaling lunukin
Kahit tatlong piraso’y sabay sabayin
Ito ay mayroong iba’t ibang kulay
Pag pinagsama sama’y puno ng buhay
Pati ang lasa nito’y walang kapantay
Pag iyong natikma’y ‘di mo tatantanan
Sa unang tikim malalasaha’y asim
Mapapapikit paligid mo’y didilim
Pagkat lasa nito’y ang sarap lasapin
Waring kinakai’y masarap na icecream
Maasim ngunit sa dila ay may tamis
Sa unang kagat paglunok ay kay bilis
Di pa naglalao’y agad mong mamimis
Parang mahal mo na kaylan lang umalis
Jelly Ace bakit ba ikaw ay kay sarap
Ang katulad mo’y isang mithing pangarap
Na kay saya kapag ito’y natutupad
Ang pakiramdam ko’y halos nasa ulap
At dahil nasa ‘yo ang lasang hanap ko
Ang panghimagas na aking paborito
Sanay ‘di maglaho at laging narito
Kung wala ka’y guguho ang aking mundo
18.948290
72.828827
Like this:
Like Loading...
Filed under: Tula ni "Dregm", Tula para sa Pagkain | Tagged: Paborito Kong Jelly Ace, Tula ni "Dregm" | Leave a comment »
Posted on December 7, 2010 by dregm

Iniisip ko ngayo’y anong aking iuulam
Sawa na ang dila ko sa mga luto ni manang
Parati na lamang isda o baboy na sinigang
Putaheng naiiba naman ang aking titikman
Ulam namin sa probinsya’y aking naalala
Nilagang talong, talbos ng kamote at okra
Tiyak na masarap kaya dapat kong iluto na
Para sa dilang ang hanap ulam na naiiba
Sawsawang toyo’t kalamansi’y inihanda ko na
Pati ang bagoong na may kasama pang mangga
Kapag ganito ang ulam pagkain ko’y magana
Sinaing ay damihan siguradong mauubusan ka
Bigla akong nanabik sa ganitong mga pagkain
Naisip ko tuloy ano’t mag prito pa ng daing
Mayron pala si manang sili at sukang maasim
Dito naman isasawsaw ang prito kong uulamin
Isa pang masarap ang itlog na pula o maalat
Kamatis naman ang isasama yan ang katapat
Kapag inulam pa ito tiyan ko’y mabubundat
Pano pa ang paglakad siguradong nakahiyad
Tunay na napakasarap ng ganitong pagkain
Lalo’t malambot lambot pa yaring aking sinaing
Dito’y bagay na bagay naman ulam ay bilutin
At gagamitin ko’y kamay sa pagsubo ng kanin
Gusto ‘nyo rin ba ng ganitong klase ng pagkain
Halina’t sumabay at kayo’y aking bubusugin
Pagkat sobra sobra na itong aking uulamin
Sa maliit kong t’yan kung ito’y aking sosoluhin
Sarap ng ulam ko noh?
18.948290
72.828827
Like this:
Like Loading...
Filed under: Tula ni "Dregm", Tula para sa Pagkain | Tagged: Ang Sarap ng Ulam ko, Tula ni "Dregm" | Leave a comment »