AKO AT ANG PULIS TRAPIKO

Heto na naman ako’t nagsusumikap

Kinapa sa utak kwentong isusulat

Pag katha ng tula, ‘di maawat-awat

Kahit mata’y bumabagsak ang talukap

 —–

At ngayon nga’y nasalat sa isipan ko

Isang karanasan sa pagmamaneho

Sa kahabaan ng liko likong kanto

Habang natutuliro’t wala sa wesyo

 —–

Isang police sa sasakyan ko’y pumara

Di ko pinansin at ako’y nagtataka

Ngunit dibdib ko noo’y balot ng kaba

May batas ba ‘kong nilabag, wika ko pa

 —–

Patuloy kong tinapakan ang aking gas

Sasakyan ko’y humarorot, kumaripas

Ngunit sa paligid, ako’y nagmamalas

Baka kasunod ko’y alagad ng batas

 —–

Pagtawid ng kanto, sa trapik naipit

At sa harapan ko’y may biglang sumingit

Motorsiklo ng police aid, nangigitgit

Kumatok sa pintuan, ako’y sinilip

—–

Pumasok sa isip ko’y mukha ng pera

Pagkat nakita ko, ticket ang hawak ‘nya

Kaagad pang hiningi, aking lisensya

May nilabag raw akong batas kalsada

 —–

Patuloy pa rin ang aking pagtataka

Kaya naisip ko’y magtanong sa kanya

Ano po bang batas ang aking nilabag

At bakit ‘nyo po ako pinagbabayad

 —–

At napansin ko ang police aid, napailing

Saka ko naisip sasakyan ko’y coding

Labi ko’y napangiti, saka humiling

Mamang police ako’y inyong patawarin

 —–

Sa totoo lang po’y aking nalimutan

Ngayon pala’y coding ng aking sasakyan

Di ito pag-arte sa inyong harapan

O nagsisinungaling, batas lusutan

 —–

At mukha ko’y pinagmasdan ng police aid

Nabighani ‘sya sa ngiti kong kay tamis

Lisensya’y binalik, ako’y pinaalis

Wika’y pagbibigyan kita wag uulit

 —–

Mabuti na lang police aid walang bugnot

Mabait, kasalanan ko’y pinalusot

Kung nagkataon ako’y mapapakamot

Sabay kunot ng noo sa ‘king pagdukot

 —–

Kaya pagmamaneho’y laging tandaan

Kalsada’y may batas na pinaiiral

Maging disiplinado at ‘wag lumabag

Upang sa police aid ‘di tayo masilat

(Tula) ANG AKING SASAKYAN

 

Kailangan kong magtungo mamaya sa pagawaan

Pagkat kay rami na ng sira nitong aking sasakyan

Baka sa edsa ako’y itirik sa kalagitnaan

At pagkatapos sa kalsada ako’y mapag iwanan

Nasabitan pa naman ang aking bumper sa unahan

Nang isang van doon sa edsa corner ng kalayaan

Nagmamadali at nag over take sa aking sasakyan

Kaya sa pagliko’y kinapos, bumper ko’y tinamaan

May kaiba rin akong napansin sa gasolinador ko

Ayaw kasi umusad kahit tapakan ko ng todo

At marahil nadamay na rin pati ang aking preno

Napaka hirap ihinto at tuloy tuloy ang takbo

Mas lalong kailangan makina nito ay matingnan

Ang tumatagas nitong langis dapat ng mapigilan

Panay ang pagtulo baka ito ngayo’y matuyuan

Gasolina’y apektado ngayon ay napakamahal

Ganun din ang motor ng erkon dapat na ring palitan

Pagkat ang lamig ay hindi ko na rin nararamdaman

Buga ng hangin ay mainit na sa’king pakiramdam

Sasapit ang tag-araw tiyak ako’y pagpapawisan 

Ang maingay na wiper ay ipa-paayos ko na rin

Sapagkat mahirap kapag umuulan at madilim

Baka madisgrasya kung malabo ang aking salamin

Babagal ang pagtakbo direksyo’y mahirap basahin

Palyado at mahina na ang pag andar ng makina

Masama ang tunog at pakiramdam ko’y bibigay na

Kailangan bigyan ng pansin agad maipagawa

Upang pagbyahe kong muli ay magdulot ng ginhawa 

%d bloggers like this: