TULA SA AKING KAPATID

 

 

Si Necing na aming kapatid mabait mapagtiis

Lumisan sa bansa damdamin sa anak ay tiniis

Nagpunta ng Roma sa kagustuhan ay nagpumilit

Pangarap na mithiin isip nya’y doon makakamit

 

At ngayon nga ay natupad ang matagal na pangarap

Bagaman ang iniwang utang ay naging sandamakmak

Nagt’yaga sa trabaho upang agad ay makabayad

Kahit mga kamay niya ay nagkandalipak lipak

 

No’ng unang mga buwan panay ang aming kumustahan

Sapagkat naalala ‘nya ang aming mga magulang

Higit sumoporta sa kanya ng walang alinlangan

Nagpakita sa anak ng taos pusong pagmamahal

 

Hindi nagtagal unti unti niyang nakasanayan

Malungkot na ala-ala ay kanyang kinalimutan

Mahirap na trabaho ay lalo ‘nyang pinag igihan

Upang sa ganun ang kikitain ‘nya ay madagdagan

 

Mga anak na iniwan sa probinsya ay nagdiwang

Pagkat sinapit ng ina sa buhay ay nakagaan

Pag-aaral ng mga apo kanyang sinuportahan

Kinita’y ‘di alintana kung sa sarili’y nag laan

 

Lumipas ang mga taon ang utang ay nabayaran

Unang inisip ang mga anak naman ang tulungan

Bigyan ng puhunan para sa kanilang hanapbuhay

At yon nga ay naibigay at naisakatutaparan

 

Subalit sa hirap ng buhay sa probinsyang nilisan

Pinadalang pera ay unti unti na ring nalustay

Pagkat hindi naman sila sanay na maghanapbuhay

Tulad ng inang sa anak ay halos magpakamatay

 

Nang dahil pa rin sa kaniyang taglay na kabutihan

Awa pa rin sa mga anak ang ‘syang nangingibabaw

Hinaing nila’y isa isa pa ring pinakikinggan

Di na nag iisip para sa kanyang kinabukasan

 

Ganun pa man magulang namin ‘di ‘nya nalilimutan

Pagpapadala ng pera ay sadyang may nakalaan

Pagtanaw ng utang na loob laging kinalulugdan

Puso’t isip ‘nya nangunguna sa pinaglalaanan

 

Tuwing magpapadala kapatid nasa ala-ala

Giniling na malagkit, asukal at may nutella pa

Lulutuing spaghetti may mantika pang kasama

Pagkwenta sa halaga ng timbang ‘di ‘nya iniinda

 

Sa aming kapatid payo namin minsan ay pakinggan

Wag pairalin damdamin ng pusong nangangatwiran

Sa sarili ay maglaan para sa kinabukasan

Pagkat di masasabi panaho’y baka pagsisihan

 

Pag gawa ng tula sa’yo bigla na lang naisipan

Pagbangon sa pagkakahiga binulong ‘yong pangalan

Dalidaling tumipa ang daliring ‘di mapigilan

Sumabay na rin magdikta ang utak kong nag-iingay

 

Kumusta na ba diyan sa Roma ang ‘yong kalagayan

Bakit ‘di ko nakikita sa fb ang ‘yong pangalan

Waring abalang abala sa ‘yong paghahanapbuhay

Kailangan naman minsan ika’y makipagtawanan

 

Trabaho’y ‘wag mong seryosohin ingatan ang katawan

Pagkat edad mo ngayon ‘di na dapat mahirapan

Lagi mo tandaan magpahinga’y ‘di pinagbabawal

Nang  buhay mo’y lalong tumagal at mapakinabangan

 

Kaylan ka ba nagbabalak umuwi sa bansa natin

Pagkat gusto ni inay makita ka’t makapaglambing

Tagal ng paghihintay sa’ yo’y tiniis na magaling

Sakit ng mga paa’t kamay ‘di na idinadaing

 

Ang ating ama naman pagsusulat naging aliwan

Pakikinig ng musika nadayo sa’king tahanan

Dala lagi ang bigay mong papel ‘yon ay susulatan

Nang mga tulang pagdating mo ay kanyang ibibigay.

Advertisements

KULAY NG BUHAY ‘NYA

May iba’t ibang kulay ang larawan ng buhay

May makulay at mayrong mahirap maaninaw

Kadalasan, may kadiliman ang lumilitaw

Na animoy parating nagtatago ang araw

 

Katulad ng  isang nilalang na naglagalag

Ang matinding pag asa ay kanyang nabanaag

Itong pira pirasong mailap na pangarap

Sa malayong lupalop daw niya mahahanap

 

Ngunit limang taon na ang matuling lumipas

Walang pagbabago sa guhit ng kanyang palad

Hanggang ngayo’y nakasilip sa pag-asang hangad

Na parating buntong hininga ang kaakibat

 

Mukhang hindi tumamis sa kanya ang pukyutan

Waring naging mailap, mahirap alagaan

Ang sarap ng hagod nito sa ‘ting lalamunan

Sana kahit papano kanya itong matikman

 

Ano mang uring bagyo sa kanya’y humagupit

Humampas man malakas na hanging anong sakit

Katawa’y ‘di makitaan ng pamimilipit

At sa pagkakatayo ay ‘di nag alumpihit

 

Di rin inaalintana ang pagod at hirap

Lumaban sa mga pagsubok, kanyang hinarap

Magampanan lang ang tungkulin sa mga anak

Kahit katawa’t bulsa’y unti unting nawarak

 

Maging tag araw man o tag ulan ang panahon

At kadalasan pa’y walang tigil sa pag ambon

Lahat ng paghihirap, sinikap maiahon

Ngunit bakit pag-asa ay waring nababaon

 

Matuwid na landasin ang tanging hinahanap

Ngunit liko likong daan, sadyang naapuhap

Noong unang hakbang maganda naman ang bungad

Subalit maglao’y dawagan ang nagalugad

 

Sa bawat araw patuloy ang pagsusumikhay

Dahil sa pag-asang mababago kanyang buhay

Kahit tulay na dinadaanan ay mabuway

At katawang lupaypay kelangan pa ng saklay

 

Ngunit ang ating buhay may kanya kanyang landas

Na sadyang may nakatakdang tayo ang tatahak

Na kung minsa‘y sa dawagan tayo masasadlak

Pasalamat na lang kung patag ang binabagtas

%d bloggers like this: