Bakit kapag ako’y tulala at nag iisa…
Langit ay tinitingala, tuloy magtataka
Tatanungin ang araw, buwan at mga tala
Pati ulap paghahanapan ng nawawala
Bakit kay init ng araw at nakakasilaw
Tinatanong ang b’wan, bakit gabi lumilitaw
At ang mga ulap, may hugis at gumagalaw
Bakit ang mga tala wala pag umuulan
Pagtataka’y sinasambit sa buwang maliwanag
Ang tanong sa mga tala bakit makikislap
At inuurirat ang likod ng mga ulap
Pilit do’n hinahanap kasagutang kay ilap
Kung bakit mayrong nagagalit sa kalawakan
May nakabibinging dagundong sa pagpalahaw
At kung paanong lumuluha ang kalangitan
Wala mang sagot pauli-ulit ang pag-usal
Nais kong mag isa sa gitna ng kalikasan
Dito’y ramdam ko ang sinag ng bukang liwayway
Samyo ko dito ang simoy ng hanging amihan
Tanaw ko ang agos ng tubig sa kabundukan
Paningin ko’y nalilibang sa ‘king natatanaw
Mga ibong lumilipad do’n sa kalawakan
Sabay sabay na huni parang nag-aawitan
Kalooban ko rito’y payapa’t matiwasay
Mabuti pang dito manahan sa kaparangan
Kaulayaw ko’y bulaklak na nagbabanguhan
Kasaliw ko ang mga ibong nag-aawitan
Sa indayog ng mga dahon ako’y dinuduyan
At habang ako rito’y malayang nalilibang
Sa puso ko’y mayrong namumuong katanungan
Ano nga baga itong tunay na kaligayahan
Kasagutan ba’y saan natin matatagpuan?
Doon ba sa lalim ng tubig sa karagatan?
O sa lawak ng masukal nating kagubatan?
Kung ‘di masagot ng langit sa kaitaasan
Baka nasa sulok ng pusong kinandaduhan
Di nga maaarok kung sarado ang isipan
Kung ang puso’y nakapinid at kinandaduhan
Di sapat ang manalangi’t parating umuusal
Manapa’y buksan ang puso’t do’n matatagpuan
Advertisements
Filed under: Damdamin ko, Tanong ko, Tula Kapag Ako'y Nag-iisa, Tula ni "Dregm" | Tagged: Sa Puso Matatagpuan, Tula ni "Dregm" | Leave a comment »