SA PUSO MATATAGPUAN


 

Bakit kapag ako’y tulala at nag iisa…

Langit ay tinitingala, tuloy magtataka

Tatanungin ang araw, buwan at mga tala

Pati ulap paghahanapan ng nawawala

 

Bakit kay init ng araw at nakakasilaw

Tinatanong ang b’wan, bakit gabi lumilitaw

At ang mga ulap, may hugis at gumagalaw

Bakit ang mga tala wala pag umuulan

 

Pagtataka’y sinasambit sa buwang maliwanag

Ang tanong sa mga tala bakit makikislap

At inuurirat ang likod ng mga ulap

Pilit do’n hinahanap kasagutang kay ilap

 

Kung bakit mayrong nagagalit sa kalawakan

May nakabibinging dagundong sa pagpalahaw

At kung paanong lumuluha ang kalangitan

Wala mang sagot pauli-ulit ang pag-usal

 

Nais kong  mag isa sa gitna ng kalikasan

Dito’y ramdam ko ang sinag ng bukang liwayway

Samyo ko dito ang simoy ng hanging amihan

Tanaw ko ang agos ng tubig sa kabundukan

 

Paningin ko’y nalilibang sa ‘king natatanaw

Mga ibong lumilipad do’n sa kalawakan

Sabay sabay na huni parang nag-aawitan

 Kalooban ko rito’y payapa’t matiwasay

 

Mabuti pang dito manahan sa kaparangan

Kaulayaw ko’y bulaklak na nagbabanguhan

Kasaliw ko ang mga ibong nag-aawitan

Sa indayog ng mga dahon ako’y dinuduyan

 

At habang ako rito’y malayang nalilibang

Sa puso ko’y mayrong  namumuong katanungan

Ano nga baga itong tunay na kaligayahan

Kasagutan ba’y saan natin matatagpuan?

 

Doon ba sa lalim ng tubig sa karagatan?

O sa lawak ng masukal nating kagubatan?

Kung ‘di masagot ng langit sa kaitaasan

Baka nasa sulok ng pusong kinandaduhan

 

Di nga maaarok kung sarado ang isipan

Kung ang puso’y nakapinid at kinandaduhan

Di sapat ang manalangi’t parating umuusal

Manapa’y buksan ang puso’t do’n matatagpuan

Advertisements

HINDI AKO NAPIPIPI

 

Kailangan ko ng kataga maibibigay mo ba?…

kahit ang talinhaga mahahanap mo ba?

blanko ang isipan ko’t ‘di mawatasan,

kasagutan sa katanunga’y nasaan?

Gusto kong malaman ang totoo sa hindi,…

ibig kong makita ang tama sa mali

habang sinisikap mahanap sandali,

ayaw kong sa isang sulok ay magkubli.

Nasaan ba ang maliligayang araw…

bakit pawang lahat bigla lang natunaw?

dahil ‘di ako bulag o nabibingi,

‘di ako namamanhid o napipipi

Marunong lang magtimpi’t tumahimik…

magpasensya sa magulong paligid

ayaw kong punahin kahit magsumiksik

ang nanunukal na sakit sa ‘king dibdib.

Ako’y natutunaw sa kilos at galaw mo….

huwag kang masanay na ok lang ako

sapagkat bawat bigkas ng ‘yong salita

 nakakaramdam ako ng aligaga.

Puno ng pag aatubili itong diwa….

kung kaya ang puso ko ‘di ka matantya

nalulunod nauubos ang hininga

dahil hindi bago ang ganitong drama.

Lahat ng guni guni ayaw kong makita…

nawa’y maglaho sa isang kisap mata

at unti-unting mabura sa gunita

ang  lalim ng diwa sa pagkatulala…

 

LATAK

Magulo ang isip ko ngayon busy sa trabaho at ilang bagay bagay. Tinatamad akong magsulat. Kahapon pa ng umaga ako nag-iisip kung ano ang pwede kong isulat na kwento dito sa aking blog site, pero wala akong mapigang bagay na maisulat parang puro latak na lang ang laman ng aking utak. Ilang araw na rin akong hindi nakakapag update.

Hindi biro ang mag maintain ng isang blog, kailangan maging malikhain ka sa iyong mga paghahayag para naman maging kaigaigaya ang kanilang pagbabasa. Mahalaga na may maisulat kang kwento kahit isa sa loob ng isang linggo. Kung kaya naman makapagsulat ng araw-araw mas lalong mabuti. Mahirap talaga. Gusto kong magpost ng entry kaso tinatamad akong tumipa, ayoko rin mag-isip. Kanina pa nagtatalo ang kaliwat kanang bahagi ng aking utak kung  magsusulat ba ako o hindi.

Ikwento ko na lang kaya ang buhay ng kapit bahay naming magsusugal na ang asawa ay nagtitinda ng kikiam sa labas ng bahay nila, tapos ang mga anak puro minatamis na kung ano ano ang tinda? May halo halo, banana que at kamote que.  Wag na lang kaya mukhang hindi ko rin naman gusto ang chemistry ng kanilang pagsasama.

Wala talaga akong maisip. Pipilitin ko pa bang magsulat? Bukas na lang kaya baka may laman na ang utak ko.

WALKING AID

Nabanggit ko ang matamis naalala kong bigla, kanina pala bumili ako ng walking aid ng nanay ko. Medyo mahina na at wala ng kakayahang mailakad ang kanyang mga paa dulot ng sakit niyang diabetes. Mahirap kapag ganito ang karamdaman ng isang tao. Totoo bang dahil sa sobrang pagkain nya ng matatamis kaya sya nagkasakit ng diabetes? Ang sama naman ng kumplikasyon nito, posible rin daw mabulag at magkasugat na matagal gumaling.

Hehehe! Meron palang isang bagay na halos kapareho nito ang mararanansan mo kapag lumabis ang iyong paniniwala sa matatamis na pananalita, pwede kang mabulag at makaranas ng sugat na matagal gumaling.

 

Protected: Nais kong Iblanko ang Aking Isip

This content is password protected. To view it please enter your password below:

TANONG KONG BAKIT

 

Kailangan bang may format pa ang aking pagsusulat kung ang isusulat ko lang naman ay galing sa magulo kong isip  na para bang gusto lang ilabas ang mga tanong ng utak ko?.

  1. Unang tanong bakit nakipag usap ka na darating ng ganong oras, tapos ‘di ka naman dumating?
  2. Bakit kaya ang bilis ng araw kahit ang bagal naman mag isip nitong utak ko at hindi ko pa mabuo ang tula ko?
  3. Bakit may taong ang pambayad nila sa telepono ay uutangin sa akin ganung magbabayad din ako?
  4. Bakit kaya maraming tao ang nagsasabing abala sila at kulang na kulang ang oras ganung wala naman silang trabaho?
  5. Bakit ba hindi maubos itong labahin ko kalalaba ko lang kanina, maglalaba na naman?
  6. Bakit kaya ang dilim dito sa amin kahit ang liwanag naman ng ilaw sa loob at labas ng bahay?
  7. Bakit ako nilalamig hindi naman naka on ang aircon namin? (ay! umuulan pala ngayon)
  8. Bakit kaya pakiramdam ko ay nagsosolo ako sa bahay kahit narito ang tatlo kong anak?
  9. Bakit kaya ang mga taong nagsasabing wala silang pera ay nakita kong nag shopping sa SM?
  10. Bakit kaya sinasabi nyang wala siyang alam ganung alam naman niya?
  11. Bakit kaya naghihirap ang mga mahihirap at pati ang hindi mahirap ay nahihirapan na rin?
  12. Bakit hanggang ngayon hindi ka pa nagbabayad ng rental? Bahala ka dadami ang utang mo!
  13. Bakit hindi pa ako inaantok ganung gusto ko ng matulog?

Protected: NAKAHIMLAY NA PANULAT

This content is password protected. To view it please enter your password below:

%d bloggers like this: