“ANG PUSTISO” (NI MR. ALBERTO LOPEZ)

 

Ano na ba ang nangyari dito sa aking sarili?

Pustiso ko ay nahati hindi ako mapakali

Nais ko sanang idikit, pero hindi naman pwede

Baka ako ay malason kung lalagyan ko ng rugby

 —–

Lumipas ang mga araw tiniis ko ang nangyari

Di ko maipagawa ito pagkat wala akong money

Upang ito ay magamit, Fixodent aking binili

Para hindi ito mahulog, dumikit na mabuti

 —–

Mga araw  ang lumipas, buwan, taon ay nalagas

Inisip kong palitan na ang pustisong walang kupas

Tinungo ko ang klinika ni doctora Esperanza

Upang aking malaman kung ang money ko’y magkakasya

 —–

Bagama’t may kamurahan, sapagkat ako’y suki na

Mahal pa ring ituturing lalo na sa walang pera

Kaya’t ang aking ginawa, unti unti’y nag- ipon na

Upang aking mapalitan at ako ay pumogi na

 —–

Ano ba at isang araw inalis ko ang pustiso

Pagkat gilagid ay masakit at may gasgas pa ito

Ang inalis kong pustiso ibinalot ko sa tissue

Ipinatong ko sa table, doon sa aking kuwarto

 —–

Ang mabait kong katulong, masipag na, malinis pa

Araw-araw nagwawalis, nagluluto naglalaba

Minsang naglinis ng bahay, pati tissue dinampot ‘nya

Walang malay na pustiso, isinama sa basura

 —–

Ang una kong naramdaman ay galit at hinayang

Pitong taon kong kasama ang pustisong minamahal

Nililinis, tinutoothbrush, may garapon na lalagyan

Subalit sa isang iglap, ito’y naglaho’t naparam

 —–

Pano na ako kakain? Pano na ako ngingiti?

Kahit na ako’y pangit, pag may pustiso feeling pogi

Pero ngayong nawala na, gumuho na ang pag-asa

Na ako ay makanguya pa ng paborito kong pizza

 —–

Kaya ngayon aking ginawa, pumunta ng klinika

Ni doktora Esperanza, ang magaling na dentista

Mura ‘sya kung sumingil, ang kamay ‘nya ay kay gaan pa

Ang pustiso ‘nyang ginawa pitong taon ko kasama

 —–

Dapat nga ay tatlong taon lang ito’y palitan na

Subalit dahil sa tibay, pitong taon inabot ‘nya

Kung ‘di pa nabali, at napagkamaliang basura

Baka umabot ng walong taon, aming pagsasama

 —–

Kaya ngayon ang payo ko sa sino mang may pustiso

Wag ninyo ito ibalot sa papel o sa tissue

Baka ito ay madampot, o makagat pa ng aso

O masama sa basura, magba-bye din ang pustiso

 —–

Dito ko na tinatapos ang kasaysayan ko’t kwento

Sa malungkot na sinapit sa naparam na pustiso

Masakit man sa sarili, dapat ay tanggapin ito

Na lahat ay may hangganan at katapusan ng kwento

 —–

Kaya muli ang payo ko ingatan mo ang pustiso

Kagaya ng pag-iingat sa sarili at mahal mo

Mahalin ito’t ingatan, kung pwede nga ay ikwadro

Nang ngiti’y ‘di maparam, feeling pogi pag may pustiso.

  

SAGOT KO SA IYONG TULA MR. LOPEZ

ANG “PUSTISO”

 

Alam mo Mr. Lopez, ako sa iyo’y natutuwa

Di ko akalain ikaw pala’y isa ring makata

Sandali nating pag uusap agad kang nakalikha

Nangyari sa kawawang pustiso, agad mong natula

 —–

Nang iabot mo sa akin ako’y namangha’t nagulat

Sa ‘sang kapirasong papel mo lang ito naisulat

Ang ginamit mo pa ngang panulat, mukhang nagkakayat

Ngunit ang ginawa mong tula ay may tugma at sukat

 —–

Pitong taon na pala ang pustiso mong ginagamit

Kaya pala pakiramdam, sa gilagid pumupunit

Huwag ka ng manghinayang sa kanyang pagkakawaglit

Sa tagal ng panahon, luma na, dapat ng magpalit

 —–

Wag kang mag-alala presyo kong binigay mababa lang

Ang kalidad naman nito sa halaga’y katamtaman

Syempre ako’y natutuwa’t ako’y iyong binalikan

At pustiso kong ginawa iyo palang nagustuhan

 —–

Artipisyal man ang ‘yong ngipin dapat kang  maging pogi

Mag mukhang natural at may ngiting nakakabighani

Kumportable sa bibig at naingunguyang mabuti

Di kukupas, matibay at ‘di madaling mababali

 —–

Bago mong pustiso sana’y iyo pa ring magustuhan

Pinili ko’y tamang hugis, sa mukha mo’y ‘syang babagay

Hindi maputi, ‘di rin gaanong madilaw ang kulay

At sa kutis mong kayumanggi, iyan ay katamtaman

 —–

Payo ko sa ‘yo, bagong mong pustiso’y paka ingatan

Huwag mong ugaliing tissue ang pagbabalutan

Lalo na kung pagpapatungan ‘di mo matatandaan

Pamihadong hahabulin mo ‘ yan dun sa basurahan

 —–

Kalimitang kwento ng pasyente ay parepareho

Pagdating sa kanilang iniingatang pustiso

Kapag inalis sa bibig ay binabalot ng tissue

Pagkatapos, ‘di na malaman kung saan naipwesto

 —–

May ibang nagtataka kung bakit ngipin ay natanggal

Ganong kinain lang daw nila ay kapirasong pandesal

Biro ko baka naman tinapay nila’y sobra ng tagal

Di malayong ngipin sa pustiso ay sadyang mabungal

 —–

Ang pustiso natin ay isang artipisyal na ngipin

Di ito pwedeng ikagat ng matigas na pagkain

Piling pili at minsan pa’y iyong pakakaisipin

Kung ang pagkaing ngunguyain, kaya nitong ngalutin

ANG BUHAY PARANG NGIPIN (Part 2)

Yugto ng pagtubo ng ngipin sa yugto ng buhay ng tao

  

“Doc parang awa ‘nyo na bunutin nyo na ang ngipin kong ito hirap na hirap na ako” Hehe! Heto na naman tayo saka maaalaalang pumunta sa dentista kapag sumasakit na ang ngipin. Halos sa loob ng isang linggo nakakarinig ako ng ganitong pagdaing. Hanggat maaga magpakonsulta na at baka nga may nagsisimula ng masira at maagapan ang mabilis na pagkawasak sa ating ngipin at ng ‘wag mauwi sa sakit na napaka tindi. Habang maaga pag-ingatan ang inyong ngipin. Huwag nating hayaan na sa bandang huli pa natin malaman ang kahalagahan nito, sa ating pag ngiti, pagsasalita at pagkain.

Totoo ngang pwede natin ihalintulad sa yugto ng ating buhay ang bawat yugto ng ating ngipin.

Ang ngipin ay nagsimula sa tinatawag na tooth bud, hinubog sa loob ng panga at ng nasa hustong pnahon ay lumabas sa ating gilagid. Parang buhay din ng tao, nabuo sa sinapupunan at nang nasa hustong panahon ay lumabas na sa mundo.

TOOTH BUD

Ito ang yugto na kung saan nagsisimula pa lang mahubog ang ating mga ngipin sa loob ng panga at habang ito’y hinihintay nating tumubo o lumabas sa gilagid nakadepende sa ating magulang ang ating pagkain . Tulad din ng buhay ng tao habang nasa  sinapupunan ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan sa oras na sya ay iluwal sa mundo at sa oras na sya ay isilang ay unti unting hinuhubog ng ating magulang sa mabuting asal mula sa ating pagiging musmos na kaisipan pa lamang.  

MILK TEETH

 

Sa yugtong ito nagsisimula ng tumubo ang ating maliliit na ngipin tinatawag nating milk teeth o baby teeth. Isa isa nyang pinupunan ang bawat bakante ng gilagid hanggang ito ay mahustuhan. Kinakailangan mapangalagaan sa pamamagitan ng pagsisipilyo para mapanatiling malinis at matibay at upang ating manguya ang matitigas na pagkain. Ganun din ang buhay ng tao habang lumalaki ay kailangan nating matuto sa maraming bagay. Natututo na tayong alagaan ang ating sarili. Dito sa yugtong ito nagsisimula tayong maging mapagmasid at makiramdam, sa tatahaking buhay. Dito rin nagsisimula ang ating pagpapahalaga sa ilang bagay bagay na may kinalaman sa takbo ng ating buhay.

PERMANENT TEETH

Ito ang yugto ng ating permanenteng ngipin. Sa pagtubo nito nahaharap na sya sa matinding pag aalaga dahil dito nagsisimula ang pagkakaroon ng sungki sungking pagtubo, ang pagkapit ng tartar at plaque na sumisira sa gilagid, at matinding acid dulot ng maraming klaseng nginunguya ‘nya sa araw araw. Dito rin ‘nya mararanasan na magkaroon ng sira at lalaban sa mangilong pag papapasta dulot ng kapabayaan.  Ganun din ang buhay, sa yugtong ito nagiging mature na tayo. Kailangang alam na nating patakbuhin ang ating buhay. Alam na natin pag ingatan ang ating sarili, marunong na tayong makibaka at makipaglaban sa bawat hamon ng mga problema sa buhay. Nakakayang gawan ng sulusyon ang bawat pagsubok, salimoot at pasakit na dumarating sa buhay.

TOOTH CAVITY

Kahit pinag iingatan natin na wag masira ang ating ngipin minsan ay sadyang nagkakaroon pa rin ng tinatawag na pagkasira o tooth cavity, dahil na rin sa uri ng ating kinakain at sa maling paraan ng pangangalaga. Hanggang sa tuluyang hindi na tayo makaiwas na makaramdam sa matinding sakit na dulot nito. Ganun din ang buhay ano mang ingat ang ating ginagawa minsan ay nagkakamali rin at sa patuloy na pagkakamali sa bandang huli ay makakaramdam tayo ng kirot at pasakit na dulot nito.

CROOKED TEETH

 

Sa pagtubo ng ibat ibang hugis ng ating mga ngipin bagaman meron silang espasyo para sa kanilang pag tubo minsan hindi maiwasang may sumungki o hindi matuwid na pagtubo hindi naman ito inaasahan at hindi ginusto kaya kailangang maituwid sa pamamagitan ng tinatawag na orthodontic braces, upang maging kaaya aya ang pag ngiti. Ganun din ang buhay ng tao minsan namamali ng landas ng hindi sinasadya pero natutunan din naman maituwid sa tama ang pagkakamali ng maging maayos ang takbo ng buhay.

FALSE TEETH

Ito naman ang yugto na kung sakaling naaksidenteng masira at mawala ang ating mga ngipin bagaman ating inaalagaan, huwag tayo mawalan ng pag asa at meron tinatawag na pustiso or dentures na pwedeng ipalit sa nawalang ngipin upang magpatuloy ang ating masarap na pagkain, magandang pag ngiti at mahusay na pagsasalita. Tulad rin ng ating buhay hindi tayo dapat mawalan ng pag asa kung magkawendang wendang man ang ating pangarap dahil siguradong may darating pang pag asa para mapunan ang mga kakulangan sa ating buhay.

Kaya Pag-ingatan natin ang ating mga ngipin habang meron pa dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong magkaron ng perpekto o kahit naaayon lang sa iyong gustong pustiso para punuan ang ispasyo sa ating buhay.          

Abangan ang Part 3 Kung paano ang ngipin ay pwede ring ihalintulad sa pag-ibig.

ANG BUHAY PARANG NGIPIN (Part 1)

Ang buhay nga naman kay lalim ng kahulugan, Di mo alam kung ano ang kapalaran. Di mo batid kung ano ang kahihinatnan. Hehe! Kanta ata ito… Gaano nga ba kahalaga ang buhay natin? San ba ito nasusukat sa yaman ba o sa kalusugan? Sadya lang maraming daing ang tao sa buhay.

Para sa akin ang buhay ay ‘pwede kong ihalintulad sa mga napapansin ko sa loob ng aking klinika dito mismo sa maliit na kwartong ito. Tingnan ninyo..

1. Ang buhay parang bulok na ngipin.. hehehe! bakit? Hindi lahat na maganda, lahat ng mabango ay matatamasa ko syempre pati na ang baho. Pati ang bulok na paligid ng mundo ay makakaharap ko. Subalit naaayos rin naman at lahat ng alingasaw ay napapalitan ng halimuyak na bango.

2. Ang buhay ay parang mga nagkasungki sungking ngipin.. bakit? Hindi na malaman kung saan ang direksyon, masalimoot at bawat pag iisipan at pagpaplanuhan kong galawin ay parang sumusuong sa pagsubok at kailangang masiguro kong maitutuwid upang maging maayos .

3. Ang buhay ay parang bagong pustiso.. bakit? Minsan maluwag, minsan masikip at kalimita’y may masakit yong tipong nakakapangiwi. Yong tipo bang isang bagay na nakakainis at ang sarap itapon, malimit kong marinig yan, linya ng mga nakakaramdam ng sakit. Pero wag mag-alala at balang araw ay makakaranas ka rin ng kaginhawaan, talagang ganyan bago pa lang e.

4. Ang buhay ay parang topical anesthesia at local anesthesia.. bakit? Dahil siguro maanghang mapait kahit sinasabing nakakamanhid, hindi pa rin masarap ang lasa, nakaka mukhasim talaga ‘di mo malaman kung mapait, mainit o maanghang, nakakapaluha nakaka tulo ng laway . Hahaha! Ibig sabihin masarap pala ang buhay.

5. Ang buhay ay parang electric tooth brush na panlinis ng ngipin.. bakit? Depende kung pano ko din pinapahalagahan ang mga bagay sa buhay. Nililinis nito ang mga marumi at mantsa pinapakinis o ginagawang smooth.  Minsan makikita ko sa brush kung paano ko ipinanlinis ng dumi. Minsan makikita ko sa pudpod na brush kung paano ko ito ginamit sa tama at mali.

6. Ang buhay ay parang brace elastics.. Bakit? Masyadong makulay. Pero kadalasan mas gusto nila ang wala. Minsan mahigpit minsan maluwag pero makulay pa rin depende, mas matindi kung kulay itim at wala ng buhay na elastics yan.

7. Ang buhay ay parang pag bibigay ko ng presyo.. bakit? Minsan kikita ako minsan lugi pa ako. At kapag kumita ako may pambili na ako ng aking bolpen, lagi kasing ubos ang tinta ng bolpen ko dito, wala na akong maipang sulat ng pang gamut sa masakit na buhay este.. ngipin para guminhawa naman ang pakiramdam.

Sadyang ang buhay minsa’y puno ng kagalakan o di kaya naman ay kalungkutan. Ang bawat pangyayari sa ating buhay ay may dahilan. Panginoon ang gawin nating gabay sa tinatahak nating buhay.

 

(Tula) DITO SA AKING KLINIKA (Part 1)

 

Gigising ng maaga, maliligo at magsusuklay

Haharap sa salamin kung ang bihis ko ay mahusay

Aalis na may dalanging pasyente ko’y masiyahan

At sana ang serbisyo ko ay kanilang magustuhan

 

Ang mga pasyente tatawag at magpapalista

Magpapalinis magpapabunot at mag papapasta

Ang sabi nila ganitong oras kami’y darating na

Instrumento at sarili ko’y aking inihanda na.

 

Isang oras ang nakalipas ay wala pa rin sila

kaya’t ako’y nakakaramdam ng inis sa kanila

Ngunit naka kubli ang mukha kong hindi maipinta

Pagkat baka sabihing ako ay napaka suplada

 

Isa pang nakaka inis kapag sila’y umupo na

Sa aking dental chair na maganda at kaaya-aya

Bibig ay ipinabubuka waring nahihiya pa

Paano ko susuriin ang ngipin niyang maganda

 

Habang ginagamot ulo ay lagi kong pinipihit

Di malaman kung natatakot puwet ay alumpihit

Kaya naman pala ganun sa celfun ‘nya ay may nagtext

Kasintahang naghinhintay sa kanya ay naiinip

Ayaw kong gumawa ng may naghihintay na kasunod

Pagkat instrumento ko ay  kung saan napapasundot

Sa pagmamadali  ay sa dila na napapakutkot

Kung sila’y masugatan tiyak dudugo at kikirot

 

Ngunit may mga pasyenteng pagbalik mayron ng dala

Regalo nila sa akin iaabot na may saya

Siguro’y nasiyahan ngipin nila ay napaganda

Paano pa ang pag presyo sa halaga’y bahala na

 

At may pasyenteng pumupunta rito’y anong babait

Sila’y nagbayad na’t sukat dito’y muling babalik

Magugulat na lang ako may abot sa aking bitbit

Baka raw ako ay magutom at tiyan ko’y sumakit

 

Pumupunta rito kalimita’y inirekomenda

Nang mga kaibigan, kamag-anak at kakilala

Kaya presyo ko sa kanila di ko na kinukwenta

Isip ko’y bawi na rin sa mga pasyenteng mapera

 

Dito sa clinic marami akong kwentong nakakalap

kwentong masasaya, nakakatuwa at masasaklap

Pati sekreto ay di maiwasang maisiwalat

Pagkat dentista nila’y magaling din makipag usap

 

%d bloggers like this: