MASAYA KAHIT PAGOD

Ang nais ko sana, pag uwi ng aming bahay

Ipahinga ko muna ang pagal na katawan

Subalit sa dami ng gawaing nakaabang

Ang ngawit kong kamay, baka’di na maikampay

 

Matapos ang hapunan ay aking sinimulan

Ang trabahong bahay na sa aki’y naghihintay

Ang balikat ko sana ay hindi manlupaypay

Baka gawain, abutan ng bukang liwayway

 

Naidlip na sana pagsapit ng hating gabi

Ngunit sa higaan katawan ko’y ‘di makali

Sa lakas ng paghilik nitong aking katabi

Minabuti kong bumangon at tula’y hinabi

 

Ngunit sa dami ng gumugulo sa ‘king tuktok

At mata ko’y lumuwa na, kulang na sa tulog

Kinalog ko na rin habang nagkukumahog

Ni isang kataga, sa utak, walang pumasok

 

Ang naisip ko’y mahiga’t matulog na lamang

Ngunit orasan, bigla namang umalingawngaw

Upang ako’y bumangon, magluto ng almusal

Pagkat mga anak papasok sa eskwelahan

 

Kaya pag pasok sa klinika ay inaantok

At pagharap sa pasyente, tutuka tukatok

Pag tutok sa kumpyuter ang ulo’y nauuntog

Magugulantang, pag sa mesa’y may kumalabog

 

Pagsapit ng tanghalian, ‘di muna kakain

Ang oras na ito, itutulog ng mahimbing

Ang mahapding sikmura, ‘di muna iindahin

Upang pagsapit ng hapon, ‘di na aantukin

 

Pagod man pakiramdam sa ulap lumilipad

Kaakibat ma’y hirap patuloy na sasabak

Pagkat inspirasyon ko ang aking mga anak

Sa pagtupad yaong pangarap na hinahangad

 

Sana ang katawa’y parating puno ng lakas

Laging may ngiti sa mga darating na bukas

Dumarating na problema, agad nagwawakas

Kaya pasasalamat pa rin ang aking bigkas

%d bloggers like this: