“BLOGSITE KO”

Mistula na ako ditong kitikiti

Ang mga daliri ko’y ‘di rin makali

Ang nais ay tumipa na lang parati

Sa pag gawa ng tula ay nawiwili

 ——

Bagong tula, laging pinag-iisipan

Mahirap man ay nagsisilbing libangan

Lalo sa oras na may katahimikan

Dito sa loob ng aking pagamutan

 ——

Laking pasalamat sa “blogsite” kong ito

Dito’y nagagamit ko aking talento

Kaibigan na nga ang turing ko dito

Pagkat ‘sya ang parating kakwentuhan ko

 ——

Pang-aliw rin sa ‘king matang inaantok

At pang gising sa diwa kong natutulog

Pang-alis rin ng nararamdamang bagot

Minsa’y sumbungan rin ng mga himutok

 ——

Di ko nararamdaman ang pag-iisa

Pagkat oras-oras lagi ko kasama

Kaisa ng puso’t damdamin ko t’wina

Dulot nito sa aki’y ibayong saya

 ——

Di ko na kelangan pang mag “chat” sa “ym”

Upang sarili ko ay aking aliwin

O di kaya’y atupagin ang mag “Farmville”

Dito’y mabubulok lang ang aking tanim

 ——

Kaya sa ‘king mga “friends” dito sa “facebook”

Sa aki’y wag ipaalaga, tanim ‘nyong “fruits”

Salamat na lang sa maraming klaseng “gifts”

Pasensya na kung “I ignore and don’t accept”

Advertisements

LIBANGAN KO ANG MAGSULAT

Naging madalas kong aliwan ang pagsususlat

Ang humabi ng tula sa halip makipag chat

Dito’y madali’t malaya kong naihahayag

Ang mga katagang sa inyo’y nais  ilahad

—–

Kapag tuluyang dumaloy sa isip ang paksa

Para sa aki’y ‘di mahirap magtugma tugma

Madali kong naaabot tamang talinhaga

At sa pag-iisip ‘di ako natutulala

—–

Kahit anong pangyayari, aking masalabid

Agad kong ginagamit ang naisipang tiknik

Mabilis kikilos ‘di magpapatumpik tumpik

Hahagilapin ang keyboard at isasatitik

—–

At kung hindi ganado sa pag katha ng tula

Napaka hirap mahagilap tamang salita

Na waring utak ko’y mistula ng nakokorta

At pati mata kong dilat, nagmumuta na

—–

Tulad ngayong katahimikan ng hatinggabi

Di dalawin ng gana sa tulang hinahabi

Mabuti pang tumayo’t maghilamos sandali

Upang maibsan mga mata kong nanghahapdi

—–

Nagkabuhol buhol na rin itong aking utak

Sa kakaisip sa mga gawain ko bukas

Ang oras pa naman ay kay daling lumilipas

Nag-aabang na gawain ko’y namumutaktak

—–

Heto’t matutulog pa lang ay iniisip na

Ang pagkaing lulutuin bukas ng umaga

Ilang oras lang itutulog, ipapahinga

At manok ng kapit bahay ay titilaok na

—-

Magkakape pa sana ako’t magtitinapay

Pag tingin ko sa garapon ay walang asukal

Kaya tumungo sa paminggalan at namungkal

Subalit wala na rin palang natirang bahaw

—–

Mabuti pa kaya’y matulog ako ng mahimbing

Kaysa isipin ko na agad ang aking pag gising

Pagkat wala na rin palang bigas ni katiting

Pano na ang pag gising kung walang isasaing

—–

Mabuti na lang at bukas ay araw ng linggo

Tiyak tanghali ang gising ng mga anak ko

Makakapamalengke pa’t makakapag luto

Kaya may solusyon rin sa pinoproblema ko

—-

O’ Kay hirap naman ng walang kasambahay

Wala man lang makatulong pag-uwi ng bahay

Ang mga anak pagod na rin galing eskwelahan

Kaya lahat ng gawain ay pagsisikapan

—–

Dito sa pagsusulat sarili ko’y inaaliw

Nahahasa pa itong utak kong inaagiw

Kahit ano mang bagay ay isinisiwalat

Walang paki alam kung mga mata’y mapuyat

(Tula) ANG AKING MGA NAGING LIBANGAN

 

                                                                   

     Ang mag chat noon sa ym ang aking libangan

Magandang kwentuhan ay ayaw naming tigilan

At pati ang pagtulog ay nakakalimutan

Minsan pa nga’y umaabot pa ng magdamagan

 

May panahon din namang ako ay nagsasawa

Gabi-gabi iyon ang lagi kong ginagawa

Kahit pagod sa trabaho’y ayaw pang mahiga

Upang ang katawa’y makaramdam ng ginhawa

 

May isa pang social network akong sinubukan

Una kong tingin ay hindi ko maintindihan

Nang maglao’y unti unti kong naunawaan

At ‘di nagtagal naging isa ko ring libangan

 

At sa bagong social network ako’y nawiwili

Napansin kong sinusulat ko’y napaparami

At sa mga kumento ako’y napapangiti

Kung minsan naman ang labi ko’y napapangiwi

 

Sabi ng aking kaibigan ako ay magsulat

Magbukas na raw ako sa wordpress ng aking blog

Dito’y mapapagana raw ang aking isipan

At mapapalalawak pa ang aking kaalaman

 

Itinanong ko sa kanya kung pa’no simulan

Kaagad naman ako ay kanyang tinuruan

Nagkar’on akong muli ng isa pang libangan

Na tinuturing ko ngayong bagong kaibigan

 

Pwede ko raw isulat lahat ng aking gusto

Pagkat wala raw ditong matalino at bobo

Di ko akalain ako pala’y may talento

Kaya ko palang gumawa ng tula at kwento

 

Dito pala sa blog ay maraming p’wedeng gawin

P’weding isulat lahat ng aking saloobin

P’wede ko ring sabihin ang aking suliranin

At ang dulot nito’y pagluwag ng damdamin

 

Dito sa aking blog site may napapansin ako

Lahat ng aking sinulat ay mula sa puso ko

At hindi idinidikta ng kahit na sino

Nagpapahiwatig ng pagpapaka totoo

 

Marahil marami sa akin ang nagtataka

Maaring ang tanong ano ang aking makukuha

At sabihing dito’y wala akong mapapala

Pero ‘di nila alam ang dulot nitong tuwa

(Tula) PAGKATHA NG TULA ANG AKING LIBANGAN

 

Sa akin ay may nagtanong, bakit ko nakahiligan

Ang pagkatha ng tula, ‘di ba mahirap pag isipan

Ang sagot ko kung minsan, ito ay kusang bumubukal

At ang salitang i-uugma, pag-arala’y kay tagal

 

Ang bigkas ng mga kataga, kaylangan ring timbangin

Ang pantig ng salita ay narararapat pang bilangin

Upang pag basa ay tama, sa pandinig ay may dating

Kagaya ng musika, sa tenga ay mayrong taginting

 

Hindi na kaylangan, ang mga karanasan sa buhay

Upang ikaw ay makabuo ng tulang iaalay

Di na rin kaylangan pilitin at kusang wawagayway

Ang mahalaga’y malinaw ang mensaheng ibibigay

 

Kaylangan mo lang ay maghanda, ng maraming salita

Pagkat kapag naubusan ay tiyak matutulala

At sa buong maghapon, ikaw ay mapapatunganga

Hanggang sa ang tula mo ay hindi na rin magagawa

 

Tunay ngang ang pag katha ng tula, minsan ay mahirap

Higit sa tulad kong hindi naman sanay bumalangkas

Ngunit kapag nasimulan kay daling maipamalas

Hanggang sa makuha ang tamang bigkas na hinahanap

 

Sa mga makakata, ako’y talagang humahanga

Kaya’t naisip ko ring sumubok, kumatha ng tula

Noong una’y alinlangan pang ipabasa’t ilathala

Ngunit noong maglao’y, nawala rin ang aking hiya

 

Ang kumatha ng tula ang ‘syang aking naging libangan

Lalo sa mga oras na ganado yaring isipan

Kahit kay hirap magtugma tugma ay pagsisikapan

Pagkat para sa akin ito’y isa kong kayamanan

 

Ako’y nagpapasalamat sa bigay Niyang karunungan

Nakakatuwa ang talentong sa puso ko’y nanahan

Sapagkat kung minsan ito’y may dulot ring kabutihan

Sa tulad kong ang mensahe, nais sa tula idaan

 

%d bloggers like this: