HETO ANG AKING KWENTO

Noong kamakalawa:

Naramdaman ko ang kalungkutan

Ang aking mga mata’y malamlam

Talo ko pa nga ang namatayan

Bingi sa iyong katahimikan

 

Noong isang gabi:

Isipan ko’y laging naglalakbay

Habang paa ko’y humahakbang

Ang mensahe mo ang hinhintay

Ngunit napagod rin pag-aabang

 

Kinabukasan ng umaga:

Ganun pa rin ang pag-aalala

Bakit nga ba bigla kang nawala

May nasabi ba akong masama

Iyan lagi aking winiwika

 

At kahapon ng hapon:

Inihiga, pagal na katawan

Sa dami ng ngiping pinastaan

Saglit akong naalimpungatan

Ika’y nawaglit sa ‘king isipan

 

Ngunit heto sa aking pagdilat

Pangalan mo, nasa aking utak

Kaya agad, laptop hinagilap

Upang kwento ko ay maisulat

 

Hehe! 

NATRAPIK

NATRAPIK

 

Ang utak ko’y natrapik sa pag-iisip

Pinipilit kong tula, tuloy naipit

Heto’t oras ng trabaho’y nagpipilit

Kahit daliri sa keyboard, mamilipit

 

KATAMARAN

 

Katamaran, bakit ka ba dumadalaw

Wala ka bang magawa’t nambubulahaw

Kay rami ko pang gawaing naghihintay

Pwede bang sa aki’y lumayo’t lumubay

 

Iba na lang tao ang iyong kulitin

Pakiusap, ako muna’y iyong sundin

Trabaho ko ngayon, kelangang tapusin

Madodoble bukas ang aking gagawin

 

Balak mo bang umalis sa ‘kin o hindi?

O, baka gusto mo’y parusang matindi

Teka’t kukuha ako ng enerhiya

Pihong lagot ka sa ‘king katamaran ka

 

EHERSISYO

 

 

Aalis sa bahay ng maaga

Upang doon sa gym ay magpunta

Naaaliw maigi mag treadmill

Nang mabawasan, malaking bilbil

 

Napudpod na ang bagong sapatos

Sa makalyong paang may paltos

Ang pawis sa mukha, umaagos

At hanggang sa dibdib, bumubuhos

 

Pero bakit ‘di nababawasan

Ang bigat, ganun pa rin ang timbang

Araw-araw nag eehersisyo

Magbunga sana ang sakripisyo

 

Pag-uwi, paa’y nasa timbangan

Dismaya, pag timbang natunghayan

Dating bigat ‘di nababawasan

Kahit pakiramdam ay gumaan

 

PITAKA KO

Gastos ‘di ko mawari, bakit ganito?

Sunod sunod na dumating buong linggo

Pitaka ko ay biglang nag alburuto

Wala na ‘kong madukot, kahit ‘sang libo

Sabay sabay dumating mga bayarin

Paano ba ito, saan ko kukunin?

Nakakahilo, kung laging iisipin

Manapa’y iwaksi, tinago’y dukutin

Bakit ba ang pera’y kay dulas sa kamay

Di pa nahawakan, ibig ng bumigay

Para sa mga bilihing walang humpay

At bayaring kung dumating sabay sabay

Mga bagay na kailangang gastusan

Ano’t nangyari sa loob ng isang b’wan

Pigilan ko man ay ‘di na naiwasan

Kaya ngayon, panahon ng kagipitan

Parang inaapanas aking katawan

Alumpihit sa ‘king kinatatayuan

At sa bawat minuto’y nasa isipan

Na kaylangan ang pitaka ko’y malamnan

Malapit pa naman sumapit ang pasko

Di pwedeng walang laman ang pitaka ko

Baka mga inaanak ko’y mamasko

At isa –isang humingi ng regalo


MASAHE SA AKIN NG BULAG

Bakit ganito ang aking pakiramdam

Lahat masasakit ang aking kalamnan

Waring nanghihina ang buong katawan

Sakit at kirot ‘di matukoy kung saan

_____

Kapag tumayo parang mababaligtad

Araw-araw pakiramdam ay may lagnat

Laging masasakit braso at balikat

Ang tuhod at siko’y ‘di ko maiunat

_____

Di ko na matiis, ‘di rin mapakali

Ito’y maidaing sa aking katabi

Sa bulag raw ako ay magpamasahe

Kayat sa nabanggit ‘di nag atubili

_____

Sa mga mall raw sila matatagpuan

Di gumagamit ng langis sa katawan

Diin at pisil ng kamay na marahan

At giginhawa na aking pakiramdam

_____

Kami nga’y nagtungo ng aking kaibigan

Upang masahe nila ay masubukan

Pinaupo ako’t kamay hinawakan

Sa ganung paraan ako’y sinimulan

_____

Pag hawak sa kamay ko’y may lumagutok

At matapos ay dumako sa ’king batok

O’ kay sarap naman ng kanyang paghagod

Nawawala ang dagok sa aking likod

_____

Ipikit raw ang mata para marelaks

Marahang haplos sa aki’y pinamalas

Hagod ng kanyang kamay sa ’king balikat

Dulot sa katawan ko’y ibayong lakas

_____

At ngayon katawan ko nga ay sumigla

Sa masahe mula ulo hanggang paa

At bawat diin ng mga daliri ‘nya

Tila nasa langit aking nadarama

_____

Umuwi akong may ngiti sa ’king labi

Tila may magic ang kamay ‘nyang dumampi

Bawat diin ng kanyang mga daliri

Ginhawa ang dulot, kirot napapawi

(Tula) MINSAN

Minsan kapag hindi ako makatulog

May kung anong pumapasok sa ‘king tuktok

Minsan ay puro trabahong pang klinika

Kung minsan nama’y bagay na walang kwenta

 

Minsan matutulog ng nakatagilid

Pero kamay at braso ko’y namamanhid

Minsan gumagawa ng tula sa isip

Hanggang sa tuluyan na akong maidlip

Minsan kapag may linya ay magpipilit

Babangon bigla at ‘di muna pipikit

Sa computer ay muli akong sisilip

Ititipa ang laman ng aking isip

 

Minsan maghahanap ng magandang website

Kung wala ay babalikan ang aking site

Minsan ay maghahanap ng madadownload

O magtetex, uubusin ang aking load

 

Minsan ang kisami’t dingding tititigan

O kaya nama’y titingin sa kawalan

Ako’y iinum ng gatas pagka minsan

At kung wala naman ay kahit tubig lang

 

Minsan kung di pa rin dalawin ng antok

Lalapit sa stereo, magpapatugtog

Kapag naingayan na ay papatayin

Ang chanel ng tv ang kakalikutin

 

Minsan si Cysai ay aking kukulitin

Hanggang sa magalit na at umangil

Sa kanya kasi ako ay nanggigigill

Pano ay laging nakatingin sa akin

 

Minsan iisipin ang iluluto para bukas

Dahil puyat malamang ulam namin ay sardinas

Kay hirap pag nagmaktol ang aking mata

Hanggang kinabukasan ako’y mangangalumata

(Tula) BUTAS NA NAMAN ANG BULSA KO

 

Sa dami ng gagastusan buong linggo

Siguradong mabubutas ang bulsa ko

Wala ng pambili ng ano mang gusto

Uutang na lang kaya ako sa inyo

 

Sumabay pa naman sa init ng panahon

Pumalya ang compressor ng aking aircon

Pagpapawisan ako buong maghapon

Buti pang mamasyal na lang ako sa mall

 

Itong mga tumatawag na pasyente

Ayaw maniwala sa aking sinasabi

Na ngaun hanggang bukas ay imposible

Pagkat kelangan ng installer mag survey

 

Bagong aircon unit ang ikakabit dito

Di na raw pwede ang dating compressor ko

Baka raw sa replacement ako’y maloko

Pagkat wala na raw ganitong modelo

 

Pag banggit ng presyo bigla akong nagulat

Muntik pang mabitawan ang aking hawak

Bagong celphone pa namang ‘di ko pa rin bayad

Kung nagkataon isa pa ring pahamak

 

Sa presyong nabanggit ako’y nahihilo

Optiong pagpipilian ako’y nalilito

Di ko tantya kung sa replacement o sa bago

kaliwa’t kanan ng utak ko’y nagtatalo

 

KASAL

Kadarating ko lang mula sa valenzuela Bulacan

Galing kay Our Lady of Fatima, nag-anak ng kasal

Binagtas ang kahabaan ng edsa buti luwag naman

Naligaw pa nga kanina dahil ‘di ko tukoy ang daan

 

Sabado na naman, nais kong maagang magpahinga

Hinihintay ako ng unan, kumot at aking kama

Kailangan ko bukas ng ibayong lakas at sigla

Sapagkat ako’y may gagawing bagay na mahalaga

 

Bagsak na talaga ang pagal kong katawan

Daig ko pa ang nagbitbit ng limang kilong pakwan

Talukap ng mata’y namimigat nais ng magshotdown

Kaya paalam na good night na lang sa inyong lahat dyan

(Tula) KAWAWANG DRIVER

Maaga akong pumasok sa trabaho
Bago magsimula ako ay nagplano
Una ang parlor magpalinis ng kuko
Para ng tricycle sakay naman ako
Kumuha ako ng barya sa aking bag
Kimkim sa palad at handa kong ibayad
Ang takbo ng tricycke parang lumipad
Kaya ulirat ko’y waring bumaliktad
Parlor kong hanap ay sarado pa pala
Kaya ang naisip ko’y gumala na muna
At tumingin tingin sa mga paninda
Babalik ako kapag sila’y bukas na
Hanggang ako’y napadako sa palengke
Maaga pa naman ako’y mamimili
Mga sariwang gulay, isda at karne
Ngunit heto ang sunod na pangyayari
Dadampot na sana ng napiling gulay
Ngunit bakit kamay ko’y may baryang tangan
Ang kawawang driver ‘di ko nabayaran
Anak ng pating! nakakahiya naman
Pagbalik sa parlor ay sarado pa rin
Kaya’t hinanap ko ang kawawang driver
Ako’y nagtungo sa pila ng tricycle
Kasamaang palad wala doon mandin
Paano na ngayon ang aking gagawin
Ang kawawang driver nagalit sa akin
Baka ako balikan at ako’y sitahin
At balang araw ‘di ako pasakayin
Ngunit ako sana’y pagpapasensyahan
Pagkat ako’y driver ng aking sasakyan
Pagsakay ng tricycle di nasanayan
Kaya’t pagbabayad aking nalimutan

(Tula) HILONG TALILONG

 

Habang tinitipa ko ang aking kwento

Animo’y sumasakit ang aking ulo

Di naman ako antok o nahihilo

Marahil dala ng init sa ‘king kwarto

 

Nais kong magkwento ng nangyari sa ‘kin

Mula kanina kahapo’y isama rin

Mga kapalpakan tungkol sa ‘king bayarin

Sa dami ay umabot ng singkwenta (50)mil

 

At ang kwento ay nagmula sa ganito

Mula pag gising hanggang sa pag alis ko

At nais kong ikwento ng detalyado

Walang labis at kulang handa ba kayo?

 

Kumakain ako’y nagbip ang aking fun

S’ya ang pasyenteng nagpatala kahapon

Sabi ko raw dapat maaga s’ya doon

Ano nga’t kay aga biro ko lang iyon

 

Pagsakay ng kotse ay nalimutan ko

Ang pasyenteng naghihintay sa clinic ko

Harurot pag takbo iba ang tinungo

At sa ibang lugar ako napadako

 

Nagulat ako biglang nagbip na naman

Tawag ni pasyenteng sa aki’y nag aabang

Siya ay aking binunutan ng mabilisan

Mabuti naman at ‘di ko sya nasaktan

 

Matapos maglinis ng mga aparatu

Agad kinuwenta mga bayarin ko

Ako’y mukhang nawala sa ‘king huwesyo

Pagkat tatlong credit memo lahat ay due

 

May bill ng ilaw, tubig at telepono

Nagkasabay sabay ang babayaran ko

Sinong ‘di mahihilo kung nagkaganito

Lalo kung kulang ang pera sa wallet mo

 

Paghabol sa oras karipas ng alis

Di na nag-isip bag lang pala ang bitbit

Pag pila sa bayad center saka naisip

Ang mga bayarin naiwan sa clinic

 

Pag sakay ng kotse hagilap si celfun

Tumawag sa kasama upang magtanong

Panay ang hello at aking pagtatanong

Ibang numero pala nadial sa phone

 

Bagaman nagngingitngit ako’y natawa

Ang init ng araw di ko inalintana

Pinilit ko lang ngumiti at magsaya

At baka pumangit mukha kong maganda

 

(Tula) SUMUSULAT AKO NG TULA

Magandang tula ang isinusulat ko

Kahit patuloy akong nagmamaneho

At sa gitna ng mabilis na pagtakbo

Isip ko sa pagkatha’y di nagugulo

 

Sa kahabaan ng kalyeng binabagtas

Liko liko, mabato at butas butas

Habang ako ay nasa byaheng kay bilis

Anaki’y hilo ngunit ‘di nalilihis

 

Nakabantay yaring aking mga mata

Sa bawat tanawing aking nakikita

Sinisipat ko rin ang bawat angulo

Sa lahat ng kalyeng madaraanan ko

 

Kahit na minsa’y di ko mapag isipan

Ang bawat katagang aking iuugnay

Pinipilit pa ring hanapan ng buhay

At ng tula ko’y magkaroon ng saysay

 

Ang direksyon ng tanaw ko ay lagpasan

Kahit walang kwenta’y pinag-iisipan

Humahabi pa rin ng mga salita

Upang tula ko ay mabigyan ng diwa

 

Sakdal hirap man ang ganitong sitwasyon

Patuloy pa rin ang pagsulat ng tula

May mababaw, malalim na talinghaga

Upang bigyang buhay ang lutang na diwa

ISANG UMAGANG PAGDALAW (Kwentula)

Napadaan ako sa Maynila noong isang araw

Meron akong kaibigan na aking dinalaw

Parati kasing hinihiling na kami’y magkita

Pinagbigyan ko hindi ako umalma

Hindi ko ‘sya makilala anong nangyari

Mukha ‘nya ay puno ng kulerete

Ang ayos ‘nya mukhang Christmas tree

Hindi naman ‘sya ganun nung college pa kami

Kaibigan ko ‘sya dati, pero  sa ibang iskul

Lagi ‘sya sa boarding house at nagbubulakbol

Kapag may asignment sa akin nagtatanong

Hindi ko naman alam ang kanilang lesson

Dumating ang kapatid  bumati nakangiti

Nakilala ako panay ang  papuri at ngisi

Biglang kasunod ‘sya raw ay aking  ilibre

Ng brace kahit na alambre.. hehe

Meron ‘syang kuya na matangkad

Laging nakadukot sa bulsa kung lumakad

Hindi ko gusto ang kilos at ugali

Suplado, hindi marunong mambati

Ang sabi ‘nya ‘sya raw ay gwapo

Gwapo ba ‘yong may poknat sa ulo

Ang itsura ‘nya mukhang sabungero

Pero ang sabi ‘nya ‘sya ay may negosyo

Ang dati kong kaibigan bulaklak ang pangalan

Ang sabi ng iba maganda raw naman

Pero para sa akin ay pangkaraniwan lang

Pagkat ang bewang kapantay ng balikat at balakang

Ngayon ‘sya ay may tindahan at kainan

Doon pa rin nakatira sa dati kong tinirahan

Mga anak ang kanyang katulong

At asawang bilog na bilog na parang gulong

Inalok ‘nya akong kumain panay ang pilit

Kahit ako’y nagmamadali ay aking pinagbigyan

Ngunit ng ako’y tumayo at magpapaalam

Damit ko’y sumabit sa silyang pilipit, punit

Nagtawanan kami na parang walang anoman

Buti na lang may dala akong sasakyan

Kung wala e paano nakakahiya naman

Sasakay sa FX punit ang aking laylayan

Kahit ‘di kami malimit magkita lapat ang aming samahan

Pano kasi dati sabay kami umuutang sa metrobank

Gusto ‘nya kasing bilhin ang kanilang inuupahan

Ang nangyari ‘sya ang pianautang, ako’y tinanggihan

Inirekomenda ko ang abogado kong pinsan

Sa ibinayad sa kanya, ‘sya nama’y nasiyahan

Hindi ‘nya akalain na ganong kagalante

At tinanong pa ako kung ‘sya ay aking kumare

Paalis na ako, panay ang pigil sa akin

Humagilap ng plastic bag may isinilid na pagkain

Hindi magkamanyakot panay ang pagbabalot

At may tocino pa’t relyenong bangus na isinupot

Kahit na ganyan itsura ng ang aking kaibigan

Para ‘syang matanda kung ako’y payuhan

Sa pagmamalasakit ay iyong maaasahan

Kaya naman nakonsensya akong hindi ko pasyalan

 

Isang Umaga(Kwentula)

Pag gising ko isang umaga

Bumangon na agad sa kama, inunat ang buong katawan

At sabay tingin sa orasan, ako’y tumungo sa pintuan

Upang ito ay aking buksan, at bumaba na sa hagdanan

 Pagbaba sa unang baiting, hindi ko na ito nasundan

Sige baba pa sa hagdanan

Inaantok pa yata ako

Ngunit kelangan ko magluto, ng almusal naming tuyo

Dumiretso na sa kusina, iluluto ko’y inihanda

Sa wakas kami’y may ulam na, isusunod na ang labada

 Ngunit pagbalik sa lamesa, ulam na toyo’y nawawala

Kinuha na yata ng daga

Pagbalik sa aking labada

Hanap, sabong ipaglalaba, bigla na lang akong nadulas

Lintek pahamak kong tsenelas, ang puwet ko ay napataktak

Hindi na ako makabangon, kamay ay hindi maituon

Ako yata ay nabalian, ang sakit ng aking balakang

Ang paa ko’y ‘di maihakbang

Patay kang bata ka pano na!

Mga anak ay naghihintay, kakain sila’y walang ulam

Mga anak ko, sandali lang, kayo ba ay makakahintay

Pwede bang tikoy ang almusal, hihiwain ko, sandali lang

Ngunit pagbukas ng aking ref, Hehe! ako ay napangiti

Maligo muna kayo, pwede?

Isa isa na silang nagsitayo

Tungo sa banyo, maliligo, bitbit ang tuwalyang mabaho

Sigaw ng isa at ang sabi, mommy wala pong shampoo dini

Ang isa kong anak ang sabi, di na kami mag-aalmusal

Sa amin na lang eskwelahan, lumapit sa akin si bunso

Di na bale mommy, bigyan mo lang ako ng perang marami.

USAPANG PATULA.. KWENTUHANG WALANG HUMPAY

Si Ako:

Sa aking mga kaibigan, ako muna ay inyong pagpasensyahan.

Kung dito sa fb pangalan ko’y hindi nyo muna masisilayan.

Pagkat kasama ko dito sa bahay, sumama na sa kasintahan.

Kagabi sa aking pagbusina, ang kasama ko ay nagbukas na.

Pag parada, mata nya ay aking nakita, namamaga, namumula.

Pag sara ng gate sya’y pumasok na, maya maya ako’y kasunod na.

Pangalan nya’y aking tinawag, upang sa harap ko’y magpaliwanag.

Sandali’y bumaba ng hagdanan, upang pakita sa’king harapan.

Bibig ko’y di ko napigilan, magtanong kung bakit ka nagkakaganyan.

Ikaw ba’y nababagot? nalulungkot? ano’t ngayo’y di ka makasagot?

Mata mo’y namumugto, noo’y naka kunot nguso’y nakasibangot.

Maya maya nga’y biglang nag maktol, salita ko yata’y naka pukol.

Kanina nga ay nag umaga na, aso kong mahal ay kumahol na.

Pag dungaw ko sa aking biranda, si Bombay (bf) ay nasa gate ko na.

Hinarap kapag daka at sinabing ang pinto ko’y nakapinid na.

Itong si Bombay na kasintahan nya, sa compound namin nakikitira.

Kasama ko’y don nagpupunta, gawaing bahay napapabayaan na.

Ilang buwan ng nakakairita, buti ngayo’y nagpaalam na.

Ngayong wala na sya sa ‘ming bahay ginhawa ang aking naramdaman,

Baga man wala nang kasambahay, pag alala ko nama’y naibsan

Ang mga gawaing bahay isa isa na lang naming gagampanan.

 Yol:

 Hehehe! Ay naku miss ko na nga kayo lalo na tayong hindi magkikita niyan .
 
Huwag ka mag alala kaibigan
Dahilan mo ay nauunawaan
Kung di ka man masilayan
Huwag mo lang kami kalimutan
Frend ingat na lang palagi… miss ko na rin kasi yung kwentuhan natin nila Berlyn yun bang walang katapusan na kung saan saan na napupunta usapan. Siguro next year na tayo makalabas ng bansa malapit na kasi matapos ang taon and it seems lahat tayo ay busy.
Si Ako:

Mahal kong mga kaibigan , wag kayong mag alala,

Ang bago kong kasama kahapon nga ay dumating na,

Mga gawaing naantala ngayon’y tuloy tuloy na,

Plano nating pag lamyerda , siguro ay pupwede na.

Ngunit, ang nangyari pag gising  ko  kaninang  umaga

Ang inyong magandang dentista ay biglang namroblema

Kung sabihin ko sa inyong dalawa nakakahiya ,

Baka ang sabihin ninyo anong klaseng dentista ka!.

Ngipin kong dating sira di ko man lang naipagawa,

Di na malingilan sa dami ng aking ginagawa

Yol: Ha ha ha frend ano ba ito natatawa ako ah. Parang gusto ko ng maging makata niyan ah. See you before Christmas ha.
Ha ha ha kaibigan kong mahal
Di ko nais na ikaw ay mabungal
Alagaan yang ngipin ng magtagal
Para beauty mo laging nasa pedestal.
 
Kung gusto mong may magpukpok
Sayong ngiping maaring bulok
Tawagin lang inyong lingkod
At mabilis darating na may lugod.
 Si Ako:
Puyat ako sa paglalaba kasi kakahiya naman sa bago kong kasama kung isang tambak na labahin ang isasalubong ko sa kanya. Kaya naglaba muna ako, naglinis at nagplantsa. Unang umaga ng kasama ko kelangan ko turuan sa pagluluto dahil di pa nya alam ang gustong pagkain at babaunin ng mga anak ko sa eskwelahan. Kelangan ako muna ang magmaluto para sa mga anak ko.
 

Bakit ba itong aking sarili, sa pagsusulat ay nawiwili,

Napansin kong kay aga-aga, daliri ko’y saka di mapakali.

 

Ganong alam naman nitong ang ginagawa ko ay napakarami.

Tuloy ang oras ng pagluluto ng pagkain nila’y nahuhuli. 

 

Di nga ba at ang sabi ko ang kasama ko sa bahay ay lumisan

Ang iniwan niya sa akin dito ay isang tambak na labahan

 

Sa sipag kong ito paglalaba unti unti kong inumpisahan

Maya maya pa nga hapdi sa kamay ko ay akin ng naramdaman

 

 Ang iniisip ko ngayo’y papano na itong aking mga kamay

Mamaya ay haharap sa pasyente makikita nila’y sugatan 

 

Hindi naman pupwede na sa araw na ito ako ay lumiban

Sapagkat nakatala na ngayon ang araw ng kanilang gamutan

 

Ano ang dapat kong gawin alangan namang ito ay aking takpan

Pagkat paghawak ko ng instrumento ay baka naman mabitawan

 

Bahala na mamaya kung ano ang nararapat kong idahilan

At sana naman sa pagkakataong iyon ako’y maunawaan.

 
Yol:                                                                                        
Aba ang kaibigang kong dentista
Tila inspiradong maging makata
Dami ng trabaho hindi iniinda
 Makalikha lang ng tulang maganda
  Si ako:

Ewan ko ba kaibigan, dentista mo’y bigla na lang nagkaganyan

Gustong tumula araw araw, lalo na’t kung ang kausap ay ikaw

Musta ang isa nating kaibigang abala sa kanyang computeran?

Sa sobrang sipag nya ngayon, hindi malayong agad sya ay yumaman

Di pa ba niya namimiss ang kwentuhan at tawanang walang humpay

Pagkat pag tawag ang sagot, teka frend bc ang inyong kaibigan

Ano’t tayong dalawa’y kumain, mamasyal wag nating ipaalam?

Pagkat manhid sa alaala, mabuti pang ating iwan na lamang

Haha! Frend, huwag ka lang maingay baka magtampo lagot ako dyan

Pagkat magpapasko give away at regalo ay di na ako bigyan

Yol:   
Inspirasyon ka ng lahat
Sa yaman kahit nun ay salat
Sa kaibuturan ng puso ko                          
Isipin mo laging totoo ako.
 
Alam ko na kaibigan
Minana mong kaalaman
Pagkatha ng tula
Kay amang dakila
 
Ay ano ba at nasa iyo na lahat
Kaalaman pati sa panunulat
Akala koy dunong paggagamot lang
Pagkarpintero at pagtubero pagminsan
Labandera pa pagkalingguhan
Tagamaneho pa pag kailangan.
 
Kaibigan natin wag alalahanin
Isip ay pera’y pagyamanin
Mga anak at apo  maraming hiling
Ngayong paskong darating.
Si ako:   

Ay! kaibigan sobra ka naman,

Papuri mo’y tagos sa’king laman,

di mo ba alam, itong pag katha

ng tula’y akin lang nilalambang.

ngunit kapag kausap na’y ikaw,

ito’y kusang kumakata na lang.

 

Wag kang magtaka kaibigan,

ngayon ay dapat kang pasalamatan,

Sapagkat inspirasyon din kita

at sa buhay ko’y naging huwaran,

Sinabi kong ito’y hindi biro,

sa puso ko ay nararamdaman.

 

Pangungusap kong ito’y dikta ng

puso, sinulat ng aking kamay,

Hinango sa magulong utak

maiparating sa kaybigang mahal,

Upang isagot sa magagandang

salitang sa aki’y  binitiwan.

 

Ako’y natutuwa kaibigan,

pagkat tula ko ay pinatulan,

Kapag laging ganito ating usapan,

ganado akong ikaw ay tulaan,

Pagkat pakiramdam ko ngayon,

mga problema lalong gumagaan.

Yol:      
 Salamat sa nga papuring binitawan
Magkaibigan nga tayong nagmamahalan
Kasi pati isip natin nagkakaintindihan
Kahit sa pagkatha ng tula man lamang.
Si ako: 

Napansin ko nga kaibigan tema ng ating tulaan,

Magkaibigan nga tayo at tunay na nagmamahalan,

Sa puso’t diwa tingin nati’y iisa ang nilalaman.

Teka lang kaybigan humahaba na ang ating tulaan,

At ang tunay na usapan mukhang ating nalilimutan,

Ano na nga ba ang kinahinatnan ng planong kainan.

Patapos na ulit ang isang buwan usapan ay nasan,

Haba ng di pagkikita di malayong magkalimutan,

Pasko’y malapit na baka regalo/y di na magbigayan.

Kaybigan, ano ba yan! Pigilan mo aking mga kamay,

Hangga’t ang diwa ko’y nagdidikta di nito titigilan,

Kaya nga magkita na tayo at saka na magkwentuhan

Yol:           
Ewan ko ba sa inyo mga kaibigan
Planong kainan di ko rin maintindihan
Hinihintay ko lang  paroroonan
Para grupo ay makapagkwentuhan
Nakalipas na panahon mabalikbalikan.
 
Kahit timbang ko ay tumaas na
Hindi ko ito alintana
Basta lakad lang matuloy na .
 
Si ako:  

Dumating ka na pala kamusta ang iyong kasama

Siya ba ay nasiyahan sa kanyang mga nakita

Nawa ay hindi madala at siya ay bumalik pa

Dito sa’ting bansang Pilipinas na ubod ng ganda

 

Sunod na linggo pilitin nating tayo’y magkita na

Pagkat malapit na ang pasko lalo tayong abala

Ang kaibigan natin bukas ay tatawagan ko na

Ngunit kung aayaw pa siya ay mabuting iwan na

 
Yol:
Ang galing mo talaga kaibigan
Sa pagkatha ng  nga tula
Akala mo ay sanay na makata
Bawat bigkas na nakakatulala.
 
Ako ay hindi mo kasing galing
Nagpipilit kunwari lang
Mga salitang nasa dibdib
Kahit sa tula  maipahatid sa iyo lang.
 
 Ako ay nag aalala
Baka kaya  pag di na kaya
Pagsagot ko na patula
Di  na pansinin itong itinala
Ng kaibigan mong fake na makata.
 
Hiling ko ay wag naman sana
Pagtatawa mo ay di ko alintana
Basta pasensiyahan na lang muna
Kaalamang konti ko sa pagkatha.
 Si Ako: 

Napansin ko nga talento ko sa pagtula

ay napukaw na sa pagkakahimbing

mula ng tayo ay mag usap ang e-mail mo

ay laging inaabangan sa pagdating

Di naman ako magaling ang pagtula

kong ito ay para na ring paglalambing

sapagkat kaibigan mong ito ay gusto

lang yata sa yo ay magpakitang giliw

Alam mo ba kaibigan pagkatha ng tula,

di ko inisip na kaya kong gawin?

pero ng minsang subukan  kong lumikha,

talento ko dito ay aking napansin

Hindi rin pala pahuhuli sa mga lumilikha

ng tulang, akala ko ay napakagaling,

pagkat sa tingin ko ang mga tula ko

sa kanila ay pwede ring maihambing

 Yol: 
Kaibigan mong ito’y naging abala
Maraming gawaing ginawa                                        
Isip ko ay magulo                                                                    
Hindi makalikha ng kahit na ano.
 
Kahi’t sa gabi’y di makatulog                                                                          
Pati katabi nabubulabog                                                                        
Ganito yata pag inirungan na                                                                                   
Ng alam mo na                                                                               
Oh kay hirap pala.
 
Kaya’t pagpasensiyahan na muna                                                                          
Itong abang kaibigan
Frend ayan hindi ko na masundan pa…. he he he. Nxt time ulit pag hindi occupied isip ko haLove you!
Love you!
 Si Ako:

Mabuti ‘t naisipan ko ang ganitong paraan,

na ang kwentuhan natin ay daanin sa tulaan

Unang tulang pinadala ko ay katuwaan lang,

di ko akalain ngayo ay naging totohanan

Di ba at nakakatuwa ang ganitong kwentuhan,

na kahit minsan lang tayo’y maging makata naman

Di mahirap isatitik salitang binitawan,

Isip ko’y daig pa ang wari’y nagbabalagtasan

Tanong ko lang  kaibigan, ano ba ngayon ang

pinag kakaabalahan bakit ka nagkakaganyan

Puwede bang kalimutan mo na lang muna yan

at tayo naman ay lumabas na at magkwentuhan

Araw ay di nauubos, buwa’y matagal matatapos,

kaya’t oras ng trabaho di makakapos

Huwag bulabugin ang katabi, matulog ng mahimbing

at paminsan minsan naman ikaw’y maglambing

Wag guluhin ang isipan, sakit ng ulo’y iwasan

baka ka matuluyan, bagsak mo ay sa mental

Di ba’t kawawa  naman, mga kasama sa bahay,

Kaya’t pagod ay iwasan, ipahinga muna ang

magulong isipan, palitan natin ng tawanan

Nang sumigla ang ating buhay, sumariwa ang katawan

at wag isiping ikaw ay inurungan.

Yol:
Ngayong araw may aabangan
Resulta ng pinagkaabalahan
Sana ay manalo naman
Para hirap maibsan kahit konti lang.
 
Minsan iniisip ko
Negosyong ito tama kaya?
Sa nga maiiwan
Mabigyang halaga nawa.
 
Si Ako:

Anong nangyari sa inabangang pagkita?

Iyan ba ay maganda ang naging resulta?

Magbunga nawa ang iyong pag aabala

Para naman tayo‘y makapag lamyerda na

Palagay ko naman negosyo mo’y maganda

Pagkat mga anak naturuang maaga

Kanilang magulang magandang halimbawa

Kaya’t siguradong pagyayamanin nila

Mangamba sa negosyo di dapat isipin

Matatalinong anak magandang hangarin

Ipamamana’y kaya nilang palaguin

Kaya’t kayong dalawa’y puwedeng magliwaliw

Kumusta na ba ang bisita ninyong intsek

Anong nasabi dito sa ating paligid

Siguro wika’y dami ng nanlilimahid

Dito sa mga kalying ubod ng sisikip

%d bloggers like this: