LESSON OF TIME

Advertisements

SA LIKOD NG MGA ULAP

 

Sa aking paglabas ng aming tahanan

Mata ko’y napasulyap sa kalangitan

Maliwanag na ulap ay pinagmasdan

At naaliw sa kulay ng kalawakan

 

Ang oras ko’y pinalipas sa pagtitig

May ibat ibang hugis kaibig ibig

May dilim at liwanag, ako’y naantig

Tuloy may nabuong tanong sa ‘king isip

 

Baka sakaling dito ko maapuhap

Sagot na wari’y nasa likod ng ulap

Buhay at pangarap na aandap andap

Agam agam at problemang hinaharap

 

Ang buhay ng tao’y ulap ang kawangis

Sadyang may saya at mayroong hinagpis

Ang ulap manding nagdidilim sa langit

Kapara’y buhay natin minsa’y kay lupit

 

Dumanas man ng dilim sa tubig ulan

Nagliliwanag rin pag sikat ng araw

Tao mang kaakibat ang kalungkutan

Naglalaho napapawi’t napaparam

 

Sadyang ganito ang ating kapalaran

Kapara’y tanawin sa ‘ting kalawakan

Inog ng panaho’y walang katiyakan

May liwanag at minsa’y may kadiliman

 

Ano mang hirap ang ating pagdaanan

Wag susuko pagkat ating makakamtan

Dahil ang liwanag sa likod ng ulap

Ang pag asa sa problemang kinakaharap

 

PITAKA KO

Gastos ‘di ko mawari, bakit ganito?

Sunod sunod na dumating buong linggo

Pitaka ko ay biglang nag alburuto

Wala na ‘kong madukot, kahit ‘sang libo

Sabay sabay dumating mga bayarin

Paano ba ito, saan ko kukunin?

Nakakahilo, kung laging iisipin

Manapa’y iwaksi, tinago’y dukutin

Bakit ba ang pera’y kay dulas sa kamay

Di pa nahawakan, ibig ng bumigay

Para sa mga bilihing walang humpay

At bayaring kung dumating sabay sabay

Mga bagay na kailangang gastusan

Ano’t nangyari sa loob ng isang b’wan

Pigilan ko man ay ‘di na naiwasan

Kaya ngayon, panahon ng kagipitan

Parang inaapanas aking katawan

Alumpihit sa ‘king kinatatayuan

At sa bawat minuto’y nasa isipan

Na kaylangan ang pitaka ko’y malamnan

Malapit pa naman sumapit ang pasko

Di pwedeng walang laman ang pitaka ko

Baka mga inaanak ko’y mamasko

At isa –isang humingi ng regalo


LARAWAN NG BUHAY

Ang larawan nitong ating buhay ay maganda

Katulad ng liwanag na ating nakikita

Ngunit kung may dilim ay itawag mo sa Kanya

Ito’y kanyang papalitan ng kaaya-aya

——

Kaya huwag kang padadala sa iyong lungkot

Sa mga bagay na sa iyo’y makakabagot

Nararapat na iwaksi ang mga himutok

Pagkat madadagdagan lang ang iyong kulubot

—–

Dumarating na pagsubok ay ‘yong paglabanan

Pasasaan ba’t magagawanrin ng paraan

Pagka minsan ay kusang dumarating na lamang

Kalutasan sa problema’y ‘di namamalayan

—–

Masamang pangyayari dapat ng kalimutan

Ang hinaharap ang dapat na mapaghandaan

Upang maging maayos ang inyong pagsasama

Sa piling ng mga anak at ng sinisinta

—–

Hindi lamang naman ikaw ang nagkakaganyan

Di mo rin kasalanan ang naging kamalian

Kung kaya maging payapa ang ‘yong isipan

Kaysa maglupagi at umiyak ka na lamang

—–

Lagi kang umasa sa ating Poong May Kapal

At pagtiwalaan mo ang Kanyang pagmamahal

Sadyang makikita mo’t iyong mararamdaman

Ang payapa’t katiwasayan ng ‘yong isipan

—–

Walang uuna pa sa ating nilalapitan

Sa bawat oras ‘Sya ang ating tinatawagan

Sapagkat ‘Sya lang ang ating tanging kalutasan

Sa ‘ting mga suliraning pinagdadaanan

—–

Nararapat lang tayong lahat ay maging handa

Sa ating pagharap sa biro nitong tadhana

Ano mang unos ang dumating sa ating buhay

Itawag sa Poon, tayo’y kanyang tutulungan

—–

(Tula) BUKANG LIWAYWAY

Bagong araw bagong pag-asa sa buhay

Ang kahulugan nitong bukang liwayway

Bumangong masigla’t ‘wag magpalungangay

Ang pakpak ng pag-asa’y ating ikampay

 

Ang matitinding balita sa ‘ting bansa

Na nakakatulala’t nakakabigla

Malungkot at minsa’y nakakapaluha

Kapayapaan, dalangin sa Maylikha

 

Kahit presyo ng gasolina’y tumaas

Lahat ng bilihin, kasama ang bigas

Pasalamat pa rin sa sakit ay ligtas

Kaysa maospital bulsa’y mabubutas

 

Kahit puno ng alikabok ang paligid

May sari saring tunog na naririnig

Iba’t ibang sasakyang umaagit-it

Halina’t, salubungin biyayang hatid

 

Kahit maraming bagay ang nagsiksikan

Mga tao’y nagpapatentero sa daan

Halos wala na waring katahimikan

Taggapin natin tadhanang nakalaan

 

Kahit saang dako ibaling ang tingin

May makitang bagay na kapansin pansin

Wag pakatitigan at sadyang limutin

Bagong pag-asa ang pakaisipin

 

Kahit bukas ay puno ng alinlangan

At sa hirap ng buhay ‘di makabitaw

Ang saya’t pag-asa’y malayo matanaw

Kaginhawaan mandi’y masusumpungan

 

Kahit sa kaginhawaan tayo’y salat

Maging ano pa man ay magpasalamat

Pagkat kay raming biyayang ikakalat

Sa ating harapan biglang sasambulat

 

Sadyang mayrong pangyayaring mahiwaga

Minsan sa buhay bigla lang bubulaga

Bagay na minsa’y ‘di maipaliwanag

Malabo at naghahanap ng liwanag

 

Ngunit pag bukang liwayway sumambulat

Wag tumameme’t ika’y makukulelat

Baka pag-asa sa buhay ay ikalat

Pihadong ika’y mananatiling salat

 

Kaya’t pasayahin ang bukang liwayway

Pagkat ito’y biyaya sa ‘tin ng Maykapal

Maghintay at may gantimpalang ibibigay

Hindi maglalaon ‘di rin magtatagal

(Tula) BUHAY NAKAKAUMAY

Ano nga ba itong ating buhay

Parang kalamay, nakakaumay

Laging daing ang hirap ng buhay

Problema pa’y laging sabay sabay

———–

Ginawa ng lahat na paraan

Lahat ng bagay ay sinubukan

Hinanap sagot sa katanungan

Pawang kay ilap na matagpuan

———-

Mga luha’y ibig ng bumigay

Sa mga problemang walang humpay

Pagsubok na wala sa pag lubay

Sunod sunod dumaraang lumbay

———-

Talaga bang ganito kabigat

Minsa’y ‘di na makayang mabuhat

Ngalay at laylay na ‘tong balikat

Nanaisin na lang pumalakat

———

Utak nais ng maghuramintado

Dahil sa isiping nakakahilo

At mga tanong na nakakalito

Buhay nga ba sa mundo’y ganito

———-

Magrelaks lang tayo kaibigan

Lahat ng ito’y may kalutasan

Ipagpatuloy ang pagdadasal

Wag pangunahan ng pag atungal

———-

Kaya ang pag nguyngoy ay tigilan

Buhay sa mundo’y talagang ganyan

Ito’y may simula’t may hangganan

Tibayan ang loob at labanan

———-

Sa panalangin, laging sambitin

Na parati nawang pagpalain

Pasaning mabigat pagaanin

Mga suliranin ay akuin

———-

Sa biyaya, magpasalamat ka

Ang nagdarahop, bahaginan pa

Sa dulo ginhawa’y makakamit

Kaya tiis sa mga pasakit

BALIK TANAW SA AKING KAMUSMUSAN

Hating gabi na hindi pa rin ako dalawin ng antok, biglang sumagi sa aking isipan ang mga ala-ala ng aking kamusmusan kaya minabuti kong bumangon sa kama at tumipa na lang.

Kanina kasi ay kumain ako ng kaymito at naalala ko yung puno ng kaymito na aking inaakyat sa harap at likod ng aming bahay ang mga bayabas na nasa balisbisan, ang puno ng  himbabao na ginagataan ng aking tatay. Ang baboy, kambing, mga manok, aso, pusa at ang mag asawang gansa na alaga namin. Tuwang tuwa kami kapag umiitlog na ang aming gansa malaki kasi ang itlog ‘nya at syempre sagana sa ulam. Ang pag tiba ng saging sa parang o sa bukid na malayo sa aming tahanan. Pahihinugin at iuuwi sa bayan sunong sa bakol ng aking ina at ang iba ay bitbit ko sa bayungan, maglalakad ng may 4 o 5 kilometro bago marating ang lugar kung saan may sasakyan patungo sa bayan para ilatag sa gilid ng kalsada ang aming tindang saging. Mauubos hanggang tanghali at di man lang naming iniinda ang init ng araw sa paglalakad pauwi sa aming bahay mabuti kung yun ay kapatagan ahon at lusong ang aming nilalakad. Masaya na kami basta makabili ng ice candy pagbaba ng jeep bago maglakad.

Naalala ko rin ang aming paglalaro pag dapit hapon at sa liwanag ng buwan sa harapan ng aming bahay, ang patentero, ang tumba lata, ang luksong tinik, ang taguan, ang bahay bahayan, walang pinipiling laro panlalaki man o pambabae, ang mga awitin ni Eddie Perigrina, ni Victor Wood ni Celeste Ligaspi na pinatutugtog ng aming kapitbahay. 

Bigla ko tuloy na miss ang mga panahon na yun at ang pagtira sa isang simpleng tahanan. Ang kanin namin na may kisang kamoteng kahoy, tapilan, buto ng sitaw at mais. Ganito ang aming kinakaing kanin kapag malayo pa ang tag-ani at kokonti na ang aming palay na inimbak, tapos sasabawan namin ng mainit na kape at may inihaw na tuyong sapsap. Parang lagi na lang ganito ang aming ulam noon.  

Naalala ko rin ang pananahi namin ng gwantes na iniexport sa malalamig na bansa. Wala pa akong muang noong panahon na yun basta tahi lang kami ng tahi pero hindi ko alam kung para saan yun at bakit kailangang tahing kamay pa pwede naman sa makina tahiin. Malayo rin ang pinagkukunan namin ng ganitong tahiin at pagkatapos ay sako sako naming ibinabalik sa may ari ng kasa para maging pera. Masaya na naman kami noon makakabili na naman ng ice candy. Hehehe!

Mahirap ang buhay noon, payak, simple, pero ang sarap balik balikan. Parang ang sarap bumalik sa nakaraan, panahon ng aking kamusmusan, simple ang buhay, ang lahat ng bagay sa mundo simple, mahirap, napakahirap, pero alam kong masaya. Walang maraming iniisip, walang maraming problema. Ngunit gustuhin ko mang bumalik ang aking buhay bata noon malabo na.  Sana’y huminto ang oras at araw noong panahon na yon.  Sana…

 

 

 

%d bloggers like this: