SULYAP SA ULAP

Dito sa biranda ng aming tahanan

Mata ko’y napasulyap sa kalangitan

Oras ko’y pinalipas sa kagalakan

Habang nakatitig sa liwanag ng b’wan

 

Kay gandang pagmasdan ng mga bituin

Nakakaakit, may ningning sa paningin

Ngali ngali ko na nga, silang abutin

Tulad ng mga pangarap na mithiin

 

Nakaka-aliw tingnan ang mga ulap 

Iba’t-ibang hugis aking namamalas

Bawat galaw may puwang, nagliliwanag

Pangarap ko’y waring don mababanaag

 

Ilang sandali pa sa aking pagtitig

Ano’t unti-unting dumilim ang langit

At may kakambal na kidlat, gumuguhit

Parang buhay mandin, minsan ay kay lupit

 

Ang simpleng pangarap kong aandap andap

Na sa likod ng ulap maa-apuhap

At ang buhay na sana’y nagliliwanag

Bigla namang naging maitim na ulap

 

Sadya nga bang ganito ang kapalaran

Kapara’y tanawin sa ‘ting kalawakan

Inog ng panaho’y walang katiyakan

May liwanag at minsa’y may kadiliman

 

Ang kapalaran daw ‘di mo man hanapin

Kusang dumarating kung para sa atin

Ngunit maiging pagsikapang abutin

Nang sa gano’y madali nating maangkin

 

Ano mang hirap ang ating pagdaanan

Wag susuko pagkat ating makakamtan

Yaong magandang buhay na nakalaan

Ipagkakaloob ng Poong Maykapal

MAG EHERSISYO TAYO

Binibilang ko ang bawat kisap

Nitong ilaw sa aking harap

Pati ang lagitik at tiktak

Nitong minuto sa pagpatak

 

Binibilang ko ang bawat hakbang

Nitong paa kong walang ngalay

Pati kamay ko sa pagkampay

Kasabay ng bawat paghakbang

 

Bumibilang ang aking isip

Hanggang maka tatlumpong ulit

Sabay ang masahe sa leeg

At pahid ng pawis sa bisig

 

Hingal na ako’t namumula

Sa pawis na kumakawala

Sa katawan kong sobrang taba

At sa bilbil kong lumba lumba

 

Ilang hakbang din ang nalakad

Nitong paa kong malalapad

Umaga’t gabi kong ginagawa

Nang “cholesterol” ko’y mawala

 

May mabigat pang binubuhat

Nang mga braso ko’y tumigas

Humihiga pa ako’t nag-iinat

Upang binti’y wag mamulikat

 

Kapag katawa’y napunasan

Masarap na ang pakiramdam

Parang sa isip ko’y gumaan

Kahit sa timbanga’y ‘di pa man

 

Kaya ipagpapatuloy ko

Wag lang mabali aking buto

Hanggang makuha tamang timbang

At “cholesterol” ko’y matunaw

LILISAN KA NA


Ang bawat sandali ngayo’y kumukumpas

Habang ang damdamin ay nagpupumiglas

Ngunit ang bibig walang maibulalas

Nananatiling tikom ‘di maibukas

 

At bumibilis ang pagdilim ng gabi

Kumakaripas rin ang bawat sandali

Bawat oras ay waring nagmamadali

Ngunit salita’y ayaw pang mamutawi

 

Sige na nga ikaw ngayon ay lilisan

Iiwan mo kami ng siyam na buwan

Baunin mo yaring aming pagmamahal

Pero suklian mo ng maraming dolyar (hehe)

 

Ingatan ang sarili sa araw-araw

Manatiling masaya, ‘wag mamamanglaw

Nandito lang kami sa ‘yo’y maghihintay

Sama samang uuwi sa bagong bahay

 

Tayong dalawa’y talagang pinagtagpo

Nitong tadhanang lubha ngang mapagbiro

Pagkat minsa’y ‘di maarok, ‘di matanto

Ang mga reklamo’t hinaing ng puso

 

Ngunit sa bawat paglipas ng panahon

O kaya’y pagdaan ng maraming taon

Ang mga problemang sa ati’y nabaon

Kapit kamay, hinanapan ng solusyon

PITAKA KO

Gastos ‘di ko mawari, bakit ganito?

Sunod sunod na dumating buong linggo

Pitaka ko ay biglang nag alburuto

Wala na ‘kong madukot, kahit ‘sang libo

Sabay sabay dumating mga bayarin

Paano ba ito, saan ko kukunin?

Nakakahilo, kung laging iisipin

Manapa’y iwaksi, tinago’y dukutin

Bakit ba ang pera’y kay dulas sa kamay

Di pa nahawakan, ibig ng bumigay

Para sa mga bilihing walang humpay

At bayaring kung dumating sabay sabay

Mga bagay na kailangang gastusan

Ano’t nangyari sa loob ng isang b’wan

Pigilan ko man ay ‘di na naiwasan

Kaya ngayon, panahon ng kagipitan

Parang inaapanas aking katawan

Alumpihit sa ‘king kinatatayuan

At sa bawat minuto’y nasa isipan

Na kaylangan ang pitaka ko’y malamnan

Malapit pa naman sumapit ang pasko

Di pwedeng walang laman ang pitaka ko

Baka mga inaanak ko’y mamasko

At isa –isang humingi ng regalo


BARYO SAN PABLO


 

B Baryo San Pablo, lugar kong sinilangan

Probinsya ng batangas, bayan ng bauan

Maliit na baryo, malayo sa bayan

Paligid ay bundok, tanaw ang karagatan

 

S Sa aming baryo lahat nagdadamayan

Ang samahan dito’y ‘di matatawaran

Sa panahon ng mga pangangailangan

At pati na sa oras ng kagipitan

 

A Ang mga nakatira rito’y masasaya

Sa lahat ng bagay ay may pagkakaisa

At kahit pa sa kwentuhang maseselan

Balewala at ginagawang kasiyahan

 

N Nakakatuwa pag ika’y napakwento

Di ka tatayo sa pagkakaupo mo

Lalo na pag si Alvin ay ‘yong kagrupo

At minyag Edil ang magpapasimuno

 

P Pag nasimulan ang masayang kwentuhan

Kasunod nito’y matinding halakhakan

Di magsasawa kahit pa magdamagan

Ganun din kapag tong its ang nasimulan

 

A Ang mga tao sa ‘ming baryo’y masisipag

Iilan at mabibilang lang ang tamad

Kahit ang mamuhay dito’y sobrang hirap

Para sa mga anak sila’y nagsisikap

 

B Buhay sa ‘ming lugar ganito pag minsan

Kapag walang magawa nasa huntahan

At pati kabataan nasa umpukan

Hanggang ito’y mauwi na sa ligawan

 

L Lahat na tanawin dito’y nakaka-aliw

Mga matatanda’t bata’y kagiliw giliw

Ang dalisdis ng bundok, puno ng pananim

Mata mo’y masisiyahan san ka man tumingin

 

O O’ kaya kayong mga tubong San Pablo

Umuwi naman, magbisita sa ‘ting baryo

Dito’y marami ng mga pagbabago

Na ngayo’y maaring ikagulat ninyo

ISANG UMAGA SA PROBINSYA


Isang magandang pagsikat ng araw ang sumilay

Kaya’t ako’y nagmadaling lumabas ng bahay

Sinamyo ko ang malamig na hanging amihan

At ninamnam ang dampi sa ‘king buong katawan

——

Maaliwalas ang paligid ng aming bahay

Mga manok ay tumilaok ng sabay sabay

Kambing na nakatali sa puno’y nag-iingay

Marahil ay naghihintay ng kumpay ni tatay

 ——

Ilang sandali pa’y lumabas na rin si Cysai

Ang maingay kong asong taga bantay ng bahay

Pakembot na lumapit buntot ay gumagalaw

Na waring bang nasiyahan rin sa sikat ng araw

 ——

Biglang may dumamping malamig sa aking binti

Sumunod na rin pala ang aso kong si puti

Sa akin palang binti, dumila ng kaunti

Sa gulat ko’y natapakan ang buntot ‘nyang munti

 ——

Ang pusa pala ni nanay, kanyang binulabog

Sa mahimbing na tulog doon sa isang sulok

At sa galit sa kanya ang mukha ay kinalmot

Pangil ‘nya’y walang nagawa, kaya napasugod

 ——

Ang tingin ko’y biglang nagawi sa aming hardin

Kay gandang pagmasdan ng mga halamang tanim

Nakahanay sa bakod, namumulaklak na rin

May paro paro’t tutubi, gusto kong hulihin

 ——

Mga binti ko’y nangalay sa pagkakatindig

Paa’t kamay kong masasakit, waring namimitig

Kaya lumakad konti, kinuha ang pandilig

Pagkat gulayan ni tatay uhaw na sa tubig

 ——

Sa ‘king paglakad natapaka’y bahay ng hantik

Mula punong manggang bulaklak, hitik na hitik

Anong hapdi, anong sakit, kagat nitong lintik

Kaya hakbang kong pabalik, nagkawitik witik

 —–

Agad kong nilinis, hinaplusan ng alcohol

Sa sobrang kirot ‘di naiwasang mapasipol

Marahil, natapakan kong hantik, isang kumpol

Sa dami ng kagat paa ko’y biglang bumukol

 —–

Ganitong karanasan at tanawing kay ganda

Manok, kambing, aso, pusa, hantik, at iba pa

Ito’y mga simpleng bagay, nagbibigay saya

Na pagka minsa’y ating binabalewala pa

 —–

Paminsan minsang uwi sa probinsya’y masarap

Lalo kung sariwang hangin ang ‘yong hinahanap

At bagong pitas na gulay ang ‘yong malalasap

Tiyak maaantala, pagbalik mo ng syudad

NAKATATAK SA GUNITA

Ano nga kaya ang pinag-uusapan

Kapag ang isang nilalang ay pumanaw

Yaon ba’y ang naiwang kayamanan

O kaya’y kanyang magandang katauhan?

 

Di ba’t ang kanyang magandang ala-ala

Noong mga panahong ‘sya’y nabubuhay pa

Bagay na nananatili sa gunita

Nakatatak, kaylanma’y ‘di mabubura

 

Mangingibabaw, magandang katauhan

Nalilimutan ang material na bagay

Naglalaho at nawawalan ng saysay

Sapagkat ‘di nadadala sa hantungan

%d bloggers like this: