Heto na naman ako’t nagsusumikap
Kinapa sa utak kwentong isusulat
Pag katha ng tula, ‘di maawat-awat
Kahit mata’y bumabagsak ang talukap
—–
At ngayon nga’y nasalat sa isipan ko
Isang karanasan sa pagmamaneho
Sa kahabaan ng liko likong kanto
Habang natutuliro’t wala sa wesyo
—–
Isang police sa sasakyan ko’y pumara
Di ko pinansin at ako’y nagtataka
Ngunit dibdib ko noo’y balot ng kaba
May batas ba ‘kong nilabag, wika ko pa
—–
Patuloy kong tinapakan ang aking gas
Sasakyan ko’y humarorot, kumaripas
Ngunit sa paligid, ako’y nagmamalas
Baka kasunod ko’y alagad ng batas
—–
Pagtawid ng kanto, sa trapik naipit
At sa harapan ko’y may biglang sumingit
Motorsiklo ng police aid, nangigitgit
Kumatok sa pintuan, ako’y sinilip
—–
Pumasok sa isip ko’y mukha ng pera
Pagkat nakita ko, ticket ang hawak ‘nya
Kaagad pang hiningi, aking lisensya
May nilabag raw akong batas kalsada
—–
Patuloy pa rin ang aking pagtataka
Kaya naisip ko’y magtanong sa kanya
Ano po bang batas ang aking nilabag
At bakit ‘nyo po ako pinagbabayad
—–
At napansin ko ang police aid, napailing
Saka ko naisip sasakyan ko’y coding
Labi ko’y napangiti, saka humiling
Mamang police ako’y inyong patawarin
—–
Sa totoo lang po’y aking nalimutan
Ngayon pala’y coding ng aking sasakyan
Di ito pag-arte sa inyong harapan
O nagsisinungaling, batas lusutan
—–
At mukha ko’y pinagmasdan ng police aid
Nabighani ‘sya sa ngiti kong kay tamis
Lisensya’y binalik, ako’y pinaalis
Wika’y pagbibigyan kita wag uulit
—–
Mabuti na lang police aid walang bugnot
Mabait, kasalanan ko’y pinalusot
Kung nagkataon ako’y mapapakamot
Sabay kunot ng noo sa ‘king pagdukot
—–
Kaya pagmamaneho’y laging tandaan
Kalsada’y may batas na pinaiiral
Maging disiplinado at ‘wag lumabag
Upang sa police aid ‘di tayo masilat
Filed under: Ako at ang pulis Trapiko, Tula ni "Dregm", Tula para sa aking Sasakyan | Tagged: Ako at ang Pulis Trapiko, kwentula, Tula ni "Dregm" | 2 Comments »