(Tula) BUSOG NGUNIT GUTOM

Matagalan ko kaya ang ganitong sitwasyon

Di ko mawari animo’y meron akong misyon

Malayo ang tingin hindi man lang lumilingon

Busog ang aking diwa ang tiyan ko ay gutom

 

Itong aking utak ay talagang nagwawala

Hindi ko mapigilan sa pagkatha ng tula

Kahit wala sa tono at hindi tugma tugma

Pilit ring isinisigaw ang mga kataga

 

At sa bawat pagbigkas ko ng mga salita

Ay sumasabay ang emosyon sa ‘king pagtipa

Bumibilis din ang pagtibok ng aking puso

Kasunod ang tulang unti-unting nabuboo

 

Kung minsan pag katha ng tula ‘di ko malaman

Kung saan nagmumula at pano sisimulan

Basta ang alam ko’y nagbuhat sa ‘king isipan

At sadyang dumarating kung kinakailangan

 

Advertisements

(Tula) DAMDAMIN

Nais kong magsulat ng maliligayang sandali

Ngunit pawang dilim ang namumutawi sa labi

Nahihirapan ang puso kong doo’y mamalagi

Sa mga ala-alang nagdulot ng saya’t ngiti

__________

Ang sarili ko ay para bang ‘di na mapakali

Walang humpay mga salitang ‘di masabi-sabi

Ang katahimikang tinago sa sulok sandali

Di mabinbin at nagbabalik ayaw mamalagi

__________

Damdaming nagpupuyos at itinatagong pilit

Ay sasabayan pa yata ng pagluha ng langit

Kumaripas ang paghawi ng araw na pusikit

Ang pumalit ay kulog at kidlat na kumukudlit

__________

Itong damdamin kong punong puno ng alinlangan

Pumapayapa lang pag bungad ng bukang liwayway

Pati ang isip ko’y sumasabay sa pag-iingay

Sa hiwaga ng mga kataga’y nag uunahan

__________

Pilitin mang ikubli ang sidhi nitong damdamin

Hindi mapigilan at nagwawala sa pag amin

Ang lungkot ng mga mata ‘di na kayang ilihim

At ang hikbi nitong labi’y sadyang kapansin pansin

__________

Pagbubuntong hininga ang parating ginagawa

Malalim ang iniisip, nakatitig sa wala

Bibig ay tahimik at salat sa pananalita

At nang dahil dito ‘di mapigilan ang pagtula

(tula) ALMUSAL NAMIN

Bumangon ako sa kamang inaalimpungatan

Ako pala ngayon ang magluluto ng agahan

Kay haba ng magdamag  hindi ko napag-isipan

Kung anong aking ihahain sa hapag kainan

—————

Mag-isa lang pala ako’t walang dapat asahan

Pagkat kasama ko’y sumama na sa kasintahan

Kayat pupungas pungas na nagtungo sa lutuan

Hinagilap ang kawali’t pinaningas ang kalan

—————–

Sa sinangag kong iluluto, walang sasarap pa

Kayat ako’y nag pitpit ng bawang, agad ginisa

Inihulog ang kaning lamig, kagabi’y natira

Hinaluan ko rin ng magic sarap na panlasa

—————

May mixed vegetables pa akong naisip na isama

Nag prito ako ng itlog at espesyal na tapa

May mainit na 3 in one coffee na kapareha

Kayat ang sinangag ko’y swak sa kanilang panlasa

—————

Agad kong ginising ang mga anak sa higaan

Upang almusal sa hapag kanila ng matikman

Ngunit napansin kong tila kay daling nagtayuan

Almusal kong inihanda ‘di pala nagustuhan

ILANG ORAS NA LANG

Wow! siguro ang saya saya mo sumapit na ang araw ng iyong pagbabalik. Ang araw na matagal mo ng hinintay, ang araw na matagal mo ng pinanabikan, ang araw na punong puno ng guni-guni habang ika’y nakahiga o naglalakad na bahagyang nakapikit. Natapos na ang pagtingala mo sa langit. Natapos na ang mga salitang parating sinasambit. Ang araw na punong puno ng pananabik.

Naayos mo na ba ang lahat? Lahat ng kailangan mo, ang lahat ng bagay na nais mong ipakita sa iyong pagbabalik? Sampong buwan ang hinintay, sampong buwan na waring sa isip mo’y kay bagal. Sampong buwan kang tumingala sa dilim ng kalawakan, naghihintay sa sagot ng babagsak na bulalakaw at nagtiis alang- alang sa mga pinakamamahal mong naghihintay sa iyong pagbabalik.

Natapos na ang sampong buwang tumatangis, natapos na ang tumamlay mong mga mata, ngayo’y banaag na ang saya, masisilayan mo na ang iyong pinanabikang makita. Sampong buwan, ngunit walang nagawa kundi ang maghintay sa pagsapit ng iyong paglisan sa kalawakan ng karagatan.

Ilang oras na lang at iiwan mong maayos ang iyong higaan. Handang handa na sa muling pagbabalik, nakangiti, sumisipol, plantsado ang damit, punong puno ng pagmumuni muni. Ang iyong mga gamit, nakasalansan na sa maleta, handang handa na sa pag tungo sa paliparan.

Wag kang mag alala, malinis na ang kwarto, makintab ang sahig, wala na ring agiw ang paligid, nakahanda ang paboritong pagkain. Matatapos na ang kinaiinipang sandali.

Ilang oras na lang….

Tsenelas

Gaano pa man raw karami ang sapatos mo .. pag uwi mo sa bahay TSINELAS prin ang hahanapin mo .. o di ba? parang true love?..

%d bloggers like this: