Tula PARA SA’YO KAIBIGAN

B-Berlyn ang ngalan ng isa ko pang kaibigan

Maganda, mabait, masaya rin kakwentuhan

Mga katangian ‘nya’y aking hinahangaan

Lalo sa pag nenegosyo lagi sa isipan

……………

E-Extrang kakayahan sa pagkita kanyang taglay

Alam ano mang uri ng paghahanap buhay

Mag-isa man walang asawang umaagapay

Nakakayang iagdong kanilang pamumuhay

……………

R-radar kanyang damdamin nakabukas ang palad

Laging nakahandang tumulong sa mga anak

Ano mang pangangailangan bigay niya agad

Walang sabi sabi sarili man ay masagad

……………

L-Likas  sa kanyang pagkatao ang kasipagan

Pagkat tingin ko sa kanya’y walang kapaguran

Kahit ang gabi ginagawa ‘nya pa ring araw

Upang kita’y sumapat sa pangangailangan

……………

Y- ‘Yan ang mga katangiang ‘di kaya ng iba

Idagdag ko pa ang galing sa pakikisama

Mga problema’di ko nakitang iniinda

Maging sakit sa katawan ‘di alintana

……………

N- Naging dalawang papel ang kanyang ginampanan

Pagkat ina’t ama ‘sya sa kanilang tahanan

Lahat ay kanyang kinaya at pinaglabanan

Hirap na dinanas, pati na rin kalungkutan

……………..

Tula PARA SA AKING KAIBIGAN

Akin pang sinulat, pinadala pa sa e-mail,

Mga nais iparating ng aking damdamin,

Ang aking pasasalamat sana’y iyong damhin,

Nagmula sa puso na sadyang umuukilkil.

———-

Ako ay may kaibigan yollie ang kanyang ngalan,

Ang kanyang ganda hindi nakakasawang tingnan,

May mala porselanang kutis sa kakinisan,

Mabibighani ka kapag ika’y nangitian.

———-

May pitong taon na rin kaming magkakilala,

Sa pangingibang bansa ‘sya lagi ang kasama,

‘Sya ay mabait at maaasahan sa t’wina,

Mapagmahal sa kaibigan maasikaso pa.

———-

Halos araw-araw ko ‘syang katawanan,

Sa kwentuhan naming walang katapusan,

Kahit sa ym lang ang aming huntahan,

Halakhakan namin ay talagang kainaman.

———-

Pag usapa’y nasimulan kulang ang maghapon,

Pagkat ang kwentuhan kung s’an saan natutuon,

Katabi ‘nya sa upuan ay napapalingon,

Iniisip marahil kung sino ba ang kalipon.

———-

Ngalan ‘nya ang binabantayan lagi sa ym,

‘Sya ang hinahanap sa t’wina na mag login,

Kapag sa maghapon ay ‘di ko nakaulayaw,

Tiyak na puso ko’y makakaramdam ng panglaw.

———-

Sa halos araw-araw ng masayang kwentuhan,

Ay marami na rin akong sa kanya’y natutunan,

Na lagi kong itinatanim sa ‘king isipan,

Ang mga payo ‘nya lagi kong tinatandaan.

———-

Alam namin ang nangyayari sa isa’t isa,

Kung anong bagong balita sa aming dalawa,

Sapagkat unang pagbati ang pangungumusta,

Kasunod naman nito ay magkukwentuhan na.

———-

At sa bawat panahong kami’y nagkakasama,

Ang mundo namin ay nababalutan ng saya,

Lahat ng ala-alang aming pinagsaluhan,

Pamihadong naka ukit sa aming isipan.

———-

Bawat tao, nais magkaroon ng kaibigan,

Isang nakakasamang malapit sa kalooban,

Kaya anong saya ko nang ‘sya’y matagpuan,

Naging kasalo ko sa lahat ng kasayahan.

MAGSULAT

Matagal tagal na rin akong hindi nakakapagsulat ng tungkol sa aking sarili sapagkat puro pag likha ng tula ang aking nakagawian nang ilang buwang nakaraan. Paano raw ba ang mag sulat at gumawa ng simpleng tula? hehe! hindi ako nagsusulat nagtatype lang ako. Hindi ako gumagamit ng papel, ballpen o lapis kaya, MS word ang gamit ko.

Sa totoo lang hindi ko alam kung paano magsulat. Wala naman akong pagsasanay para sa pagsusulat. Ibinabase ko lang sa aking mga karanansan at mga nakikita sa paligid ang aking isinusulat o tinutula kaya. Hindi ko rin alam kung may sense ang sinusulat ko o ang tulang ginagawa ko, kasi nga hindi naman ako bihasa na magsulat at gumawa ng tula.

Maaring gusto ko lang magkaroon ng mapaglilibangan. Hindi ko kasi hilig ang maglaro ng mga games sa computer, kaya ito ang naisipan ko ang magsulat hanggang sa naisipan ko na rin humabi ng tula. Ang pag tula naman maaring namana ko lang sa tatay ko, pero di ko kaya pantayan ang kakayahan ‘nya sa pag tula.

Masaya ang pakiramdam, tuwing magsusulat ako o makakalikha ng isang simpleng tula, minsan para nga akong loka loka na pangiti ngiti hanggang sa tumatawa na habang gumagawa ng tula o nagsusulat. Masaya na ako kahit hindi nababasa ng iba basta naisulat ko lang ang gusto kong sabihin.

Wala akong pinipiling oras kung kelan ako magsusulat kahit umaga, gabi at kahit pa nga nakahiga na ako, pero kalimitan ay sa umaga habang nagluluto at naghahanda ng almusal. hehehe! kaya ‘nyo yun?

Hindi pa rin biro ang magsulat, dapat pa ring maging maingat sa bawat kataga at pangungusap dahil maaring makasakit sa kapuwa ang ibang salita na bibigkasin at susulatin ko.

HAIKU (Halimbawa ng tulang Dalit) PAGLALAKBAY SA BUHAY (ni Tatay Ador Garces)

 

 

Hindi tayo nabubuhay

ng ukol sa sarili lang,

bahagi ka ng lipunan,

na ating kinaaniban.

 

Unang una ang pamilya

ang higit na mahalaga.

kasama mo sa tuwi na,

kaakibat sa problema.

 

Ang buhay ay paglalakbay

may nais na patunguhan.

may malinis may masukal

ang ating madadaanan.

 

O kay sarap o kay tamis

ng mabuhay sa daigdig

kung masaya ang paligid

wala man ding kahulilip.

 

Ngunit merong dumating

dalamhati at hilahil,

sakuna at suliranin

bahagi ng buhay natin.

 

At sa atin ngang pagtahak

sa buhay na nilalandas

may mithiin at pangarap

tagumpay na hinahangad.

 

O kay sarap ng mabuhay

dito sa mundong ibabaw.

lalo na nga kung may ilan

mga piling kaibigan.

 

Kaya naman dapat sana

wag mawalan ng pag asa

habang tayoy may buhay pa

darating din ang ginhawa.

(Tula) ALA-ALA SA TAG ULAN

May na-alala ako t’wing umuulan

Sa maliit naming baryong sinilangan

Parating nakatingala sa bubungan

Baka pag ihip ng hangi’y magliparan

Ayaw ko na nga sanang balik balikan

Ang gunita ng nagdaang karanasan

Bubong ng aming bahay ay inilipad

At sa bahay ng kapitbahay napadpad

Marahil ang pinagpakuan ay gato

At bubong ay nilipad ng buong buo

Sobrang hina naman ng pagkakapako

Ng aming karpenterong si manong Vito

Nasa ala-ala pa’t ‘di malimutan

Ang lahat na magagandang kagamitan

At ang mga inadikang kasangkapan

Pawang nabasa at nababad sa ulan

Bakas ng ala-ala ng kabataan

At ang mga larawang pinakakaingatan

Ngayon, ni isa’y wala ng matunghayan

Dulot ng malakas na hangin at ulan

Nasa akin pang gunita’t kamalayan

Ang naging pinsala, sa aming tahanan

Mga kapit bahay sa ami’y dumamay

Sa masaklap na nangyari sa aming buhay

Ang pangyayaring may gintong ala-ala

Kay sarap balikan ng ating memorya

Nasa isipan walang pwedeng magbura

Mapwera kung tao’y sadyang pumanaw na

(Tula) UMUULAN NA NAMAN

Ayan! nanamlay na naman itong langit

Wala ng makitang talang nakadikit

Wala na pati ang buwang mapang akit

Tanda ng gabing panahon ay masungit

__________

Nagbuhos na naman ng luha sa lupa

Ipandidilig sa halamang nalanta

Pampawi sa kanilang matinding uhaw

At handang muli, sa pagsikat ng araw

__________

Heto na naman tayo’t nanggigitata

Ang mga paa, laging basa sa baha

Mga damit natin, amoy alimuom

At sa mangingisda, panahon ng gutom

__________

Sa aming bubungan, dinig ko ang patak

Nang ulang walang hanggan, lumalagaslas

Pati ang tunog ng hanging anong lakas

At mga dahon, dinuduyan sa labas

__________

Tila pagbuhos ay walang katapusan

Patuloy ang pagdilim ng kalangitan

Animoy luha ‘syang hindi mapigilan

Ng babaeng iniwan ng kasintahan

__________

Bakit ka ba biglang sa ami’y dumating?

Sino ba kaya, dapat namin sisihin?

Hindi naman pwedeng itanong sa hangin

Sa bahaghari, kulog at kidlat man din

__________

Kailangan ng maapula ang ulan

At ng muling sumigla ang kalangitan

Upang matanaw ang araw sa silangan

At magliwanag yaring kapaligiran

ALA-ALA SA TAG ULAN

May na-aalala ako tuwing tag-ulan

Doon sa aking munting baryong sinilangan

Parati kaming nakatingala sa bubungan

Baka pag ihip ng hangin ito’y magliparan

__________

Ngunit parang ayaw kong ito’y balik balikan

Ang mga gunita ng nagdaang karanasan

Buong bubong ng bahay namin ay inilipad

Sa bahay ng kapitbahay namin dun napadpad (kina Siony)

 __________

Di kaya pinagpakuan ay kahoy na gato

At bubong namin ay nilipad ng buong buo

Grabe! sobrang hina naman ng pagkakapako

Ng aming karpenterong si manong “pitik” Vito (pinsan ni tatay)

 __________

Nananatili sa ‘king gunita’t kamalayan

Ang lahat naming magagandang kagamitan

At pati ang mga inadikang kasangkapan

Pawang lahat nabasa at nababad sa ulan

 __________

Bakas ng ala-ala ng aming kabataan

At ang mga larawang pinakakaingatan

Ngayon, ni isa ay wala ng ngang matunghayan

Dahil sa ulan at hanging hindi napigilan

__________

Matagal ng pahanon, akin pang natatandaan

Ang mga naging pinsala, sa aming tahanan

 Mga kapit bahay sa ami’y kusang dumamay

Sa naging masaklap na pangyayari sa buhay

___________

Ang karanasa’y isang gintong ala-ala

Na kay sarap balikan ng ating memorya

Nasa isipan walang pwedeng magbura

Mapwera ang tao’y sadyang pumanaw na

(Tula) BUKANG LIWAYWAY

Bagong araw bagong pag-asa sa buhay

Ang kahulugan nitong bukang liwayway

Bumangong masigla’t ‘wag magpalungangay

Ang pakpak ng pag-asa’y ating ikampay

 

Ang matitinding balita sa ‘ting bansa

Na nakakatulala’t nakakabigla

Malungkot at minsa’y nakakapaluha

Kapayapaan, dalangin sa Maylikha

 

Kahit presyo ng gasolina’y tumaas

Lahat ng bilihin, kasama ang bigas

Pasalamat pa rin sa sakit ay ligtas

Kaysa maospital bulsa’y mabubutas

 

Kahit puno ng alikabok ang paligid

May sari saring tunog na naririnig

Iba’t ibang sasakyang umaagit-it

Halina’t, salubungin biyayang hatid

 

Kahit maraming bagay ang nagsiksikan

Mga tao’y nagpapatentero sa daan

Halos wala na waring katahimikan

Taggapin natin tadhanang nakalaan

 

Kahit saang dako ibaling ang tingin

May makitang bagay na kapansin pansin

Wag pakatitigan at sadyang limutin

Bagong pag-asa ang pakaisipin

 

Kahit bukas ay puno ng alinlangan

At sa hirap ng buhay ‘di makabitaw

Ang saya’t pag-asa’y malayo matanaw

Kaginhawaan mandi’y masusumpungan

 

Kahit sa kaginhawaan tayo’y salat

Maging ano pa man ay magpasalamat

Pagkat kay raming biyayang ikakalat

Sa ating harapan biglang sasambulat

 

Sadyang mayrong pangyayaring mahiwaga

Minsan sa buhay bigla lang bubulaga

Bagay na minsa’y ‘di maipaliwanag

Malabo at naghahanap ng liwanag

 

Ngunit pag bukang liwayway sumambulat

Wag tumameme’t ika’y makukulelat

Baka pag-asa sa buhay ay ikalat

Pihadong ika’y mananatiling salat

 

Kaya’t pasayahin ang bukang liwayway

Pagkat ito’y biyaya sa ‘tin ng Maykapal

Maghintay at may gantimpalang ibibigay

Hindi maglalaon ‘di rin magtatagal

(Tula) BUHAY NAKAKAUMAY

218263103_b5365b3d3a

Ano nga ba itong ating buhay

Parang kalamay, nakakaumay

Laging daing ang hirap ng buhay

Problema pa’y laging sabay sabay

———–

Ginawa ng lahat na paraan

Lahat ng bagay ay sinubukan

Hinanap sagot sa katanungan

Pawang kay ilap na matagpuan

———-

Mga luha’y ibig ng bumigay

Sa mga problemang walang humpay

Pagsubok na wala sa pag lubay

Sunod sunod dumaraang lumbay

———-

Talaga bang ganito kabigat

Minsa’y ‘di na makayang mabuhat

Ngalay at laylay na ‘tong balikat

Nanaisin na lang pumalakat

———

Utak nais ng maghuramintado

Dahil sa isiping nakakahilo

At mga tanong na nakakalito

Buhay nga ba sa mundo’y ganito

———-

Magrelaks lang tayo kaibigan

Lahat ng ito’y may kalutasan

Ipagpatuloy ang pagdadasal

Wag pangunahan ng pag atungal

———-

Kaya ang pag nguyngoy ay tigilan

Buhay sa mundo’y talagang ganyan

Ito’y may simula’t may hangganan

Tibayan ang loob at labanan

———-

Sa panalangin, laging sambitin

Na parati nawang pagpalain

Pasaning mabigat pagaanin

Mga suliranin ay akuin

———-

Sa biyaya, magpasalamat ka

Ang nagdarahop, bahaginan pa

Sa dulo ginhawa’y makakamit

Kaya tiis sa mga pasakit

(Tula) ANG AKING MGA NAGING LIBANGAN

 

Mag chat sa ym ang dati kong libangan

Kwentuhang walang humpay ayaw tigilan

Pati pagtulog ay nakakalimutan

Minsa’y umaabot na ng magdamagan

May oras din namang ako’y nagsasawa

Sa tuwing gabi lagi kong ginagawa

Kahit pagod sa trabaho’y ayaw mahiga

Nang katawa’y makaramdam ng ginhawa

May social network pa akong sinubukan

Una kong tingin ‘di ko maintindihan

Nang maglao’y akin ding naunawaan

At ‘di nagtagal naging isa ko ring libangan

Sa bagong social network ako’y nawiwili

Sinusulat ko dito’y napaparami

Sa mga comment ako’y napapangiti

At kung minsan labi ko’y napapangiwi

Sabi ng isang friend ako ay magsulat

Ako raw ay gumawa na ng sariling blog

Dito’y mapapagana ang aking utak

Pati kaalaman ko’y  mapapalalawak

Itinanong ko kung paano simulan

At kaagad ako’y kanyang tinuruan

Nagkaroong muli ng isa libangan

Na tinuturing kong bagong kaibigan

Pwede raw isulat lahat ng gusto ko

Pagkat wala ditong matalino’t bobo

Di akalain ako pala’y may talento

Kaya kong gumawa ng tula at kwento

Dito sa blog ay maraming pwedeng gawin

Pweding isulat lahat ng aking saloobin

Pwedeng sabihin ang aking suliranin

At dulot nito’y pagluwag ng damdamin

Dito sa ‘king blog site may napansin ako

Mga sinulat ay mula sa puso ko

At ‘di idinidikta ng kahit na sino

Nagpapahiwatig ng pagka totoo

At marahil marami ang nagtataka

Maaring tanong ano ang makukuha

At dito ay wala akong mapapala

Pero ‘di nila alam dulot ay tuwa

(Tula) SA AKING PAG-IDLIP

Heto muli ako gulong gulo

Ang isip ko ngayo’y litong lito

Di ko malaman kung nahihilo

Sumasakit yaring aking ulo

 

Maraming bagay ang iniisip

Sa oras nitong aking pag idlip

Sa balintataw ko’y nakasilip

Ang iba ay ‘di ko na malirip

 

Nawa’y pagbagsak ng bulalakaw

Ay may hatid na magandang buhay

Nais ko sa pagbukang liwayway

Ay dumampi ang sinag ng araw

 

Bukas nawa sa aking pagdilat

Magandang balita ang iulat

Walang bayaring nakakagulat

Sa matatanggap kong mga sulat

 

Maraming bagay ang ’tinatanong

Ngunit sa bawat pagkakataon

Laging ito ang itinutugon

Kailangan pa bang iya’y itanong?

 

Ang pangarap na aandap andap

Saan nga ba kita mahahanap

Sa likod ba ng kumpol na ulap

Kaya kay hirap mong mahagilap?

 

Bilang pangkaraniwang nilalang

Maraming planong ganito’t ganyan

Na sa darating na mga araw

Pamumuhay nami’y mapagaan

 

Pangarap kong maging maligaya

Nakangiti at laging masaya

Katawa’y manatiling masigla

Malusutan ang mga problema

 

Hangad umunlad ang kabuhayan

Kinabukasa’y mapaghandaan

Pangarap na ginhawa’y makamtan

Ang sa t’wina’y inaasam-asam

 

May masayang pamilya sa bahay

Asawang mabait, mapagmahal

Mga anak na magdadamayan

At walang puwang ang pagkalumbay

 

Minsa’y ‘di maiwasang malugmok

Pangamba’y nababalot ng takot

Di malaman sa’ng sulok susukot

At pinanghihinaan ng loob

 

Nawa ang pagsubok na dumaan

Sa buong buhay kong nakalaan

Ga’no man kabigat, makayanan

At sandali ko lang malusutan

 

Mula sa pagtulog at pagbangon

Kahit ano mang pagkakataon

Ay nananatiling laging baon

Ang pasalamat sa Panginoon

 

(Tula) EKSENA SA AKING KLINIKA

Kahit isip ko’y sa paglikha nakatuon

Wala rin akong nagawang tula ngayon

Malapit ng matapos buong maghapon

Ngunit mga kataga mukhang natapon

 

Paano dito sa clinic ‘di magkanda ugaga

Ang mga ngipin nila ay puro sira

Pag sala sa bunot ay magpa papasta

Tapos lahat pa sila ay puro bata

 

Kailangan dito’y mahabang pasensya

Kapag bata na ang umupo sa silya

Maraming alibi na ipapakita

Kalimitan ay salitang “teka teka”

 

Ang ibang bata ang wika’y “sandali lang”

Pero isang oras na’y ‘di pa masimulan

Pag pinanganga ang buka’y bahagya lang

Kaya ang gamutan ay natatagalan

 

May iba namang bata umiiyak agad

Kahit kamay ko’y ‘di pa man lumalapat

Animo’y kinurot sa kanyang palakat

D’yan ang simula hirap sa paghikayat

 

Minsan ang isip ko sila’y irekomenda

Pedodontist ang bahala sa kanila

Pero ‘di makaya ng aking konsensya

Kaya nilulubos aking makakaya

 

Di sila umuuwing walang nangyari

Pagkat lahat sila’y halos ipaghele

Panay ang isip kung ano ang maigi

Hanggang sa kiliti ay aking madale

 

Kahit lahat ng oras ko ay naubos

Alam kong nagawa ko naman ng lubos

Lahat ng aking kaya ay ibinuhos

Upang trabaho’y maging kalugod lugod

 

Pag labas ng clinic alam kong nasiyahan

Pagkat sila’y aking pinagtiyagaan

Laging nasa isip bata ang puhunan

Sa pag lago nitong aking pagamutan

 

 

%d bloggers like this: