BALIK TANAW SA AKING KAMUSMUSAN

Hating gabi na hindi pa rin ako dalawin ng antok, biglang sumagi sa aking isipan ang mga ala-ala ng aking kamusmusan kaya minabuti kong bumangon sa kama at tumipa na lang.

Kanina kasi ay kumain ako ng kaymito at naalala ko yung puno ng kaymito na aking inaakyat sa harap at likod ng aming bahay ang mga bayabas na nasa balisbisan, ang puno ng  himbabao na ginagataan ng aking tatay. Ang baboy, kambing, mga manok, aso, pusa at ang mag asawang gansa na alaga namin. Tuwang tuwa kami kapag umiitlog na ang aming gansa malaki kasi ang itlog ‘nya at syempre sagana sa ulam. Ang pag tiba ng saging sa parang o sa bukid na malayo sa aming tahanan. Pahihinugin at iuuwi sa bayan sunong sa bakol ng aking ina at ang iba ay bitbit ko sa bayungan, maglalakad ng may 4 o 5 kilometro bago marating ang lugar kung saan may sasakyan patungo sa bayan para ilatag sa gilid ng kalsada ang aming tindang saging. Mauubos hanggang tanghali at di man lang naming iniinda ang init ng araw sa paglalakad pauwi sa aming bahay mabuti kung yun ay kapatagan ahon at lusong ang aming nilalakad. Masaya na kami basta makabili ng ice candy pagbaba ng jeep bago maglakad.

Naalala ko rin ang aming paglalaro pag dapit hapon at sa liwanag ng buwan sa harapan ng aming bahay, ang patentero, ang tumba lata, ang luksong tinik, ang taguan, ang bahay bahayan, walang pinipiling laro panlalaki man o pambabae, ang mga awitin ni Eddie Perigrina, ni Victor Wood ni Celeste Ligaspi na pinatutugtog ng aming kapitbahay. 

Bigla ko tuloy na miss ang mga panahon na yun at ang pagtira sa isang simpleng tahanan. Ang kanin namin na may kisang kamoteng kahoy, tapilan, buto ng sitaw at mais. Ganito ang aming kinakaing kanin kapag malayo pa ang tag-ani at kokonti na ang aming palay na inimbak, tapos sasabawan namin ng mainit na kape at may inihaw na tuyong sapsap. Parang lagi na lang ganito ang aming ulam noon.  

Naalala ko rin ang pananahi namin ng gwantes na iniexport sa malalamig na bansa. Wala pa akong muang noong panahon na yun basta tahi lang kami ng tahi pero hindi ko alam kung para saan yun at bakit kailangang tahing kamay pa pwede naman sa makina tahiin. Malayo rin ang pinagkukunan namin ng ganitong tahiin at pagkatapos ay sako sako naming ibinabalik sa may ari ng kasa para maging pera. Masaya na naman kami noon makakabili na naman ng ice candy. Hehehe!

Mahirap ang buhay noon, payak, simple, pero ang sarap balik balikan. Parang ang sarap bumalik sa nakaraan, panahon ng aking kamusmusan, simple ang buhay, ang lahat ng bagay sa mundo simple, mahirap, napakahirap, pero alam kong masaya. Walang maraming iniisip, walang maraming problema. Ngunit gustuhin ko mang bumalik ang aking buhay bata noon malabo na.  Sana’y huminto ang oras at araw noong panahon na yon.  Sana…

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: