(Tula) PAALALA

Sa’ting buhay, may mga bagay tayong dapat ingatan

Mga salitang ‘di lamang basta pinapakawalan

Pangit na kilos, ‘di kelangan ikalat kanino man

Ang kapintasan ng kapuwa, ‘wag ng pakialaman

 

Minsan salitang sa iba nagmula, iba ang labas

Ng dilang ‘di mapigil pigil, sa wikang binibigkas

Minsan ay mainam na talian at ng ‘di madulas

Ang nakakasakit sa damdami’y wag maibulalas

 

Mas mabuti pang mabingi na lang sa katahimikan

Wag ng umimik at magbuntong hininga na lamang

Iwasan ang lumabag sa damdamin at katauhan

Wag saklawan, pansariling kagustuhan, karapatan

 

Minsan tayo ay biktima ng sariling kagagawan

Kaya dapat tipirin ang salita’t magdahan dahan

Ang pagkukulang ng bawat isa ay hayaan na lang

Pagkat may kanya kanyang ugali ang bawat nilalang

 

Kaya minsan ay nararapat ding busalan ang bibig

Sikaping wag makasambit ng salitang masasakit

Panatilihing magandang pakisama ay makamit

Nang tayo sa ating kapwa ay maging kaibig ibig

Advertisements

(Tula) TAKIPSILIM

Heto’t napakagndang pagmasdan

Nagkukulay gintong kalangitan

Naroon sa may gawing kanluran

Natatanaw sa aming tahanan

 

At parang gintong nakakasilaw

Ang kalahati ng kalangitan

At doo’y akin ngang natatanaw

Dilim at liwanag nag aagaw

 

Kay bilis ng pagkalat ng dilim

Nang sumapit na ang takipsilim

Nagkalat sa langit ang bituin

Na ‘di naman makayang abutin

 

At heto ako’t nakatingala

Tinititigan ang mga tala

Unti unti kong nababanaag

Ang isang buwang nagliliwanag

 

At ‘di ko naiwasang masambit

Sa napakaliwanag na langit

Ang mga nararamdamang pait

Pagkat naroon Poon kay bait

 

O kalangitan kong sakdal rikit

Mga bituing kaakit akit

Mga suliranin ay alisin

Nagdadala ng mga isipin

 

Maraming bagay ang iniisip

Na sa aking diwa’y nakasilip

At sana dito sa ‘king pag idlip

May isang magandang panaginip

 

Ako’y matutulog ng mahimbing

Sa dampi ng malamig na hangin

Sa silaw ng buwan at bituin

Na may bahagyang siwang ng dingding

 

(Tula) PAGKATHA NG TULA ANG AKING LIBANGAN

 

Sa akin ay may nagtanong, bakit ko nakahiligan

Ang pagkatha ng tula, ‘di ba mahirap pag isipan

Ang sagot ko kung minsan, ito ay kusang bumubukal

At ang salitang i-uugma, pag-arala’y kay tagal

 

Ang bigkas ng mga kataga, kaylangan ring timbangin

Ang pantig ng salita ay narararapat pang bilangin

Upang pag basa ay tama, sa pandinig ay may dating

Kagaya ng musika, sa tenga ay mayrong taginting

 

Hindi na kaylangan, ang mga karanasan sa buhay

Upang ikaw ay makabuo ng tulang iaalay

Di na rin kaylangan pilitin at kusang wawagayway

Ang mahalaga’y malinaw ang mensaheng ibibigay

 

Kaylangan mo lang ay maghanda, ng maraming salita

Pagkat kapag naubusan ay tiyak matutulala

At sa buong maghapon, ikaw ay mapapatunganga

Hanggang sa ang tula mo ay hindi na rin magagawa

 

Tunay ngang ang pag katha ng tula, minsan ay mahirap

Higit sa tulad kong hindi naman sanay bumalangkas

Ngunit kapag nasimulan kay daling maipamalas

Hanggang sa makuha ang tamang bigkas na hinahanap

 

Sa mga makakata, ako’y talagang humahanga

Kaya’t naisip ko ring sumubok, kumatha ng tula

Noong una’y alinlangan pang ipabasa’t ilathala

Ngunit noong maglao’y, nawala rin ang aking hiya

 

Ang kumatha ng tula ang ‘syang aking naging libangan

Lalo sa mga oras na ganado yaring isipan

Kahit kay hirap magtugma tugma ay pagsisikapan

Pagkat para sa akin ito’y isa kong kayamanan

 

Ako’y nagpapasalamat sa bigay Niyang karunungan

Nakakatuwa ang talentong sa puso ko’y nanahan

Sapagkat kung minsan ito’y may dulot ring kabutihan

Sa tulad kong ang mensahe, nais sa tula idaan

 

(Tula) PAGSIKAT NG ARAW

Kay ganda namang pagmasdan ng umaga

Ang sikat ng araw dulot ay pag-asa

At buong araw ay magiging masigla

Kung sa pagbangon mo’y may ngiti na’t saya

 

At buong maghapon na nating dadamhin

Dampi ng malamig na simoy ng hangin

At ang sikat nitong araw na kay lambing

Animo’y matang galing sa pagkahimbing

 

Umpisahan natin sa ‘ting pagdarasal

Sa ating Panginoong D’yos na Maykapal

Magpasalamat sa biyayang nakamtan

At pagtupad sa ‘ting pangangailangan

 

Umasa tayo sa Kanyang kabutihan

Sa lahat ng hirap na nararanasan

Mga pasakit sa ating kalooban

Na ‘kala nati’y wala ng katapusan

 

Isunod natin ang pag eehersisyo

Sa tuwing umaga ito’y gawing bisyo

Upang gumaan ang ating pakiramdam

At lahat ng galit sa puso’y lilisan

 

Kapag ganito ang umagang makikita

Tunay na lahat tayo ay masigla

Parating mataas ang enerheya

Dahil sa magandang simula ng umaga

 

Ngayon, tayong lahat ay maging masaya

Ipakita’y ngiti sa ‘ting mga mata

Sa mga problema ay ‘wag mag-alala

Daanin na lamang natin sa pagtawa

(Tula) MINSAN

Minsan kapag hindi ako makatulog

May kung anong pumapasok sa ‘king tuktok

Minsan ay puro trabahong pang klinika

Kung minsan nama’y bagay na walang kwenta

 

Minsan matutulog ng nakatagilid

Pero kamay at braso ko’y namamanhid

Minsan gumagawa ng tula sa isip

Hanggang sa tuluyan na akong maidlip

Minsan kapag may linya ay magpipilit

Babangon bigla at ‘di muna pipikit

Sa computer ay muli akong sisilip

Ititipa ang laman ng aking isip

 

Minsan maghahanap ng magandang website

Kung wala ay babalikan ang aking site

Minsan ay maghahanap ng madadownload

O magtetex, uubusin ang aking load

 

Minsan ang kisami’t dingding tititigan

O kaya nama’y titingin sa kawalan

Ako’y iinum ng gatas pagka minsan

At kung wala naman ay kahit tubig lang

 

Minsan kung di pa rin dalawin ng antok

Lalapit sa stereo, magpapatugtog

Kapag naingayan na ay papatayin

Ang chanel ng tv ang kakalikutin

 

Minsan si Cysai ay aking kukulitin

Hanggang sa magalit na at umangil

Sa kanya kasi ako ay nanggigigill

Pano ay laging nakatingin sa akin

 

Minsan iisipin ang iluluto para bukas

Dahil puyat malamang ulam namin ay sardinas

Kay hirap pag nagmaktol ang aking mata

Hanggang kinabukasan ako’y mangangalumata

(Tula) OUTING NAMIN SA LINDEN SUITES

Heto kaming magpinsan, naisip muling mag check-in

Sa maganda’t magarang hotel, pangalan ay Linden

Ngunit ang aming grupo ngayo’y nadagdagan mandin

Ng ibang kamag-anak, pinsan at mga pamangkin

 

Kasama rin sina lolo Luhe at lola Cita

Na manghang mangha sa kanilang mga nakita

Hindi nila akalaing ganun pala kaganda

Na may tatlong kwarto at mayron pang malaking sala

 

Lalo pang namangha noong kanilang siyasatin

Ang loob ng mga kwarto ay may flat tv screen

Kumpleto sa mga kasangkapan at may kusina na rin

Na may malaking mesa para sa aming pagkain

 

Kasama rin namin si JC, ang batang makulit

Paikot ikot at binuksan lahat ng cabinet

May nakitang vault at ang numero’y pinihit pihit

Sumbong kay lola, may oven pero ‘di umiinit

 

Matapos magpahinga ay aming inihanda na

Ang masarap na meryenda na aming dala dala

May bilobilo, spaghetti, may fettuccini pa

Ang lahat ng ito ay niluto namin ni Linda

 

Ilang sandali lang ang mga bata ay nag swimming

Habang kami nama’y naghanda ng hapunan namin

Meron kaming hipon, afritada at may fried chicken

May pansit, lumpia, salad, pitsi pitsi, juice at softdrinks

 

Sa aming mga larawan ay inyong makikita

Tunay na hindi maikubli ang ngiti at saya

At laging nakaabang sa pagkisap ng camera

Kasabay ang pag asta ng iba’t-ibang itsura

 

Ito pa ang isang, sa amin ay nagpapasaya

Kapag may isang nagsalita ng “wakiwaki na”

Bata at matatanda ay haharap sa camera

At lahat ng pagpapa cute, ipapakita nila

 

Pati ang pag totong its ay hindi rin naiwasan

Na maidaos doon ng tatlong kalalakihan

At humiling pa ng san mig lite para mag inuman

Hindi natiis ni Linda at agad ‘nyang binilhan

 

Nabalot ng tawanan ang aming bukang liwayway

Kwentuhan at hagikhikang animo’y nasa bahay

Di maikubli ang pagka probinsyano, mag ingay

Habang sa mesa’y may mainit na kape’t tinapay

 

O’ kay sarap naman ng aming naging pakiramdam

Malamig ang paligid at ‘di pinagpapawisan

Kaya ang bawat sandaling ‘yon ay aming ninamnam

Pagkat alam naming iyon ay pang madalian lang

 

Masarap ulitin ang ganitong pagkakataon

Na ang magkakamag-anak ay magtitipon tipon

Kahit ito’y minsan lang sa loob ng isang taon

Dapat magkatuwaan kahit na walang okasyon

Swimming

Dinner

Tong Hits

Morning Hot Coffee

(Tula) ANIBERSARYO NATIN

 

Sa ‘yo ay……

 

Nais kong ipaalala na malapit na pala

Ang importanteng petsa na tayo ay pinag isa

Itong masayang araw ng kasal nating dalawa

Na ginanap sa simbahan ng Sta. Rosa de Lima

 

Isang karanasang hindi natin dapat malimutan

Ang sumpaan nating dalawa na magmamahalan

May dalawampong taon na rin pala ang nakaraan

Ngunit ang nagdaang panahon ay parang kaylan lang

 

Marami na rin ang nagdaang tag-araw at tag-ulan

Mga tadhana at pagsubok na ating nalagpasan

Ang mga balakid sa buhay na ating nalabanan

Sa pinag samang pangarap na ating sinimulan

 

Dalawampong taon na rin tayong may saya at lungkot

Ang tampo at galit na sa puso’y nagdulot ng kirot

Lahat sa ating isipa’y ibaon na lang sa limot

Upang saya sa buhay, sa puso natin ang umikot

 

Mahirap ang magdiwang ng anibersaryo mag-isa

Lalo na sa katayuan mong malayo sa pamilya

Subalit alam kong nasanay na rin tayong dalawa

Na laging kausap sa mesa’y tinidor at kutsara

 

Madalas nga na ganito ang nangyayari sa atin

Matutulog na lang at ang gabi ay palilipasin

Pati lamig sa tag-ulan ‘di ko man lang napapansin

Pagkat nasanay akong lagi kang wala sa ’king piling

 

Mas mahaba pa ang panahong ikaw ay nasa barko

Kaysa taon ng pananatili dito sa piling ko

At nawa’y ang lahat ng ating ginawang sakripisyo

Ay magdulot ng ginhawa sa pangarap na binuo

 

Ngayon ang aking dalangin sa Poong Maykapal

Dagdagan pa ang aniversaryo ng ating kasal

Laging aso at pusa man kung tayo ay magbangayan

Hapdi ng kalmot kay dali rin namang nalulunasan

 

  

%d bloggers like this: