(Tula) ANG IBANG URI NG KAIBIGAN

 

Kaibigang Orocan

Ang kaybigang tinatawag na orocan

Makunat pa sa plastic mong basurahan

Kaibigan mo kapag kaharap ka lang

Pag nakatalikod walang pakialam

 

Magandang salita sasabihin sa yo

Madalas pupurihin ka pa ng todo

Sasabihin pa ‘nya ang galing galing mo

Kahit na alam ‘nyang mahina ka dito

 

Kaibigang talangka

Crab mentality kung sila ay tawagin

Sing liit ang utak ng talangka mandin

Sila ang taong sa kapuwa’y mainggitin

‘Wag magtiwala baka ika’y lamunin

 

Sila ang nangnguna mong tagahanga

Nangunguna rin sa’yo’y magpapababa

Sila ang kaybigang ayaw mahigitan

Natatakot na iyong mapag iwanan

 

Kaibigang Kabute

Kaibigang ang ugali ay kabute

Biglang susulpot ng walang sabisabi

Minsa’y tatawag itatanong kung pwede

Sasama sa ‘yong lakad kung ililibre

Ang mukha nila ay sing kapal ng bakal

‘Di tinatablan ng ano mang kalawang

Nagpapakita kapag mayrong handaan

Birthday, binyag mga okasyong espesyal

Kaibigang Linta

Sila ang kaybigang madikit ang kapit

Ang tibay nila’y epoxy kung dumikit

Kung ikaw ang base sila nama’y catalyst

Kaybigan ka sa oras ng pagkaipit

 

Magaling maglambing at mambola sa yo

‘Di mabubuhay ng wala ang tulong mo

Kapag ang kaylanga’y kanya ng nakuha

Bigla ng maglalaho na parang bula

 

Buti na lang wala akong ganitong kaibigan. Lahat sila ay tunay at totoong kaibigan walang orocan, talangka, kabute at linta. hehe! sinulat ko lang ito para makilala nyo ang inyong mga kaibigan.

Advertisements

ANG MATANDANG LALAKI AT ANG DALAWANG ASO SA KARITON

Pangalawang beses ko ng nakita sa aking pagmamaneho sa lugar na iyon ang isang matanda na may tulak na kariton, sa tingin ko ay mga basura ang laman, na marahil ay mapapakinabangan pa ng matanda. May takip na maruming sako ang kariton na maaring pauwi na siya sa lugar kung saan ‘sya ay naninirahan. Mahaba at maputi ang kanyang buhok na waring hindi man lang nasusuklay. May balbas at hindi malinis ang katawan pati ang kanyang damit na mahaba ang manggas ay punit rin.

Sa pangalawang beses kong siya ay nakita binagalan ko ang aking pagmamaneho at pinagmasdan ko silang mabuti. Namamangha ako sa matandang iyon at humahanga na rin. Alam nyo ba kung bakit? dahil may kasama ‘syang dalawang aso isang kulay brown na may batik na puti at isang puti na may batik na itim.  Bigla kong naalala ang aking asong si Cysai at nakaramdam ako ng awa sa dalawa, mapagmahal rin kasi ako sa aso, napaka swerte nitong aso ko. Malinis ang tinatapakan. malinis ang kinakain, may malinis na tirahan hindi napapagod at hindi nahihirapan. Wala ‘syang ginagawa kundi kumain, matulog lang sa bahay at kumahol pag minsan.

Ang dalawang asong nakita ko na kasama ng matandang lalaki ay nakatali sa dalawang sulok sa may bandang unahan ng kariton, sa tingin ko ay parang katulong sa paghila nito. Hingal na hingal ang dalawang aso. Nakalawit ang dila na waring pagod sa paglalakad at siguro ay nakakaramdam na rin ng gutom. Nakaramdam talaga ako ng awa sa kanila kasi naman siguradong lagi silang kasama ng matandang iyon kung saan saan sa gitna ng init ng araw at maaring kulang sa pagkain.  Dahil sa sila’y aso hindi sila pwedeng mag reklamo wala silang magagawa kundi sumunod sa kanilang amo. (kung ayaw naman nila sumama p’wede rin nila kagatin ang tali  para makawala at tumakbo)

Maaring ang matandang aking nakita ay marunong magmahal at mabait rin mag alaga ng aso. Ilan na kayang aso ang nakasama ng matandang iyon? Naisip ko tuloy na marahil ay minabuti nyang makipagkaibigan na lang sa mga aso. Siguro dahil ang aso ay hindi marunong manghusga hindi tulad ng tao, na sa unang tingin pa lang sa’yo ay mayroon ng pang huhusga na nasa kanyang isipan. Mas nakakaramdam siguro siya ng saya sa dalawang aso ‘nyang alaga na itinuturing ‘nyang matalik na mga kaibigan, mas nakakaunawa, nakakatulong at nagbibigay ng saya sa araw-araw nilang pagsasama. Mabuti pa ang aso bigyan mo lang ng buto ay nakukuntento na. Hindi tulad ng tao naibigay mo na ang lahat pero sa bandang huli ikaw pa ang sasakmalin. Ang aso aawayin ka lang kapag sinaktan mo, maliban na lang kung ang isang aso ay nauulol.  Ang tao, kahit wala kang ginagawang masama aawayin ka pa rin.

Tuloy parang gusto ko ring magkaroon ng maraming kaibigang aso. Hehehe! pero hindi na kailangan mayroon ako nito. Para sa akin ang matandang iyon ay hindi lang isang pagala galang tao na palaging may kasamang aso, kundi sila ay naglalarawan ng isang magandang samahan. Samahan ng tunay na magkakaibigan. Wala na sigurong tatamis pa sa samahan ng magkaibigang laging magkasama saan mang lakaran, karamay sa ano mang takbo at yugto ng buhay. Wala tayong magagawa kung sa aso niya ito natagpuan. Sana lang ay matagpuan din natin sa mga itinuturing nating mga kaibigan ang magandang kalidad ng isang tunay na kaibigan ano man ang estado natin sa buhay.

%d bloggers like this: