(Tula) LAMOK NA MAKULIT

Napaka sakit mo naman makakagat

Paa at binti ko’y hindi pa ba sapat

Pinili mo pa ang manipis kong balat

Nasan ka ba at nang ikaw ay masapak

 

Bakit ba kahit gaano ka kaliit

Ang kagat mo ay sobra naman ang sakit

At ikaw ba sa akin ay nagagalit

Kaya ako ay sinasaktan mong pilit

 

Ikaw ba ay saan talaga nanggaling

At basta ka dumating dito sa amin

Ano  talaga ang gusto mong pagkain

Bakit balat ko ang nais mong papakin

 

Di ba’t kahapon pa kita sinasaway

Wala ka bang takot sa aking pamatay

Pag naamoy mo ‘to ikaw ay susuray

At pihong  sa sahig ay maglulupasay

 

Ngayon siguro ikaw ay masaya na

Pagkat binti at paa ko’y namumula

Pati manipis kong mukha ay may pantal

Heto, ngayon nangangati‘t nangangapal

 

At ngayon gawain ko’y naaantala

Sa pagkamot sa kating iyong nilikha

Huwag naman sanang ito ay magsugat

Baka mag iwan pa ng masamang pilat

 

Protected: WALA AKONG MAISIP NA PAMAGAT

This content is password protected. To view it please enter your password below:

TAYO MUNA MAGKAPE


 Naging parte na ng aking  umaga at hapon ang uminom ng kape. At kahit nga gabi bago matulog ay nagkakape pa rin ako. Dangan nga lang at ipinag bawal na sa akin ng aking dr. pero tama nga naman ‘sya, simula nang iniwasan ko ang pag inom ng kape ay may ginhawa akong naramdaman sa aking katawan. Ngunit, napakarami sa ating bansa ang taong napakahilig magkape at sa kanila naman ay kabaligtaran ng sa akin kung aalisin nila ang pag inom ng kape pakiramdam naman nila ay magkakasakit. May anti oxidant daw ang kape.Totoo ba yon?  

Iba’t iba tayo ng gusto sa timpla ng kape merong ang gusto halos puro pait na lang konting asukal, ang iba ang gusto may coffee creamer at asukal pa 3 n 1 ika nga, mayron namang ang gusto sa halip na puting asukal ay brown sugar ang inihahalo, mayron din namang arnibal na  asukal ang ipinantitimpla ng tamis sa kape. Masarap naman talaga ang kape lalo kung mainit na mainit at unti unti mong hinihigop sa tasa.

Naalala ko tuloy noong nakaraang linggo, nagkaroon ng party ang aking anak sa itaas ng starbucks sa may Tiendesitas. Inihatid ko ‘sya  ng 10:00pm at susunduin ko raw sya ng 12:00mn doon at dahil malapit lang dito sa aming bahay naisipan ko na lang na maghintay at tumambay sa starbucks. Tingnan nyo nga naman sino ang hindi mawiwiling uminom dito ng kape kahit mahal, kung lahat ng kilalang kapehan dito sa atin ay ganito na pwede nating tigilan habang may hinihintay. At lalo kang mapaparami ng order kung ang kapehan na pinasok mo ay naka “wifi” at kung malapit ng mag low bat ang laptop mo pwede kang lumapit sa AC outlet, doon magkape habang nag kakarga ng baterya ang iyong laptop. 

Naka dalawang oras na ako ay halos kulang pa rin ang ang pagkatigil ko dito, mabuti na lang at 2:00am na natapos ang party marami pa ring nagkakape open 24hrs. at ang mga kasabay kong nagkukwentuhan ay nandoon pa rin may mga nagsusulat, may mga estudyanteng gumagawa siguro ng project, at may gumagamit ng laptop na tulad ko.

Marami tayong mga kilalang kapehan na bukas hanggang umaga at ginagawang tambayan habang nagkukwentuhan. Nariyan ang Dome, ang masarap na kape ng Figaro, Sheattle’s best at marami pang iba. Parte na rin ng social life ng mga nagkakape dito kaya naman kahit gaano kamahal ang kape ay oorder pa rin sila.

Isa ko pang naalala kapag lumalabas kaming tatlong magkakaibigan dinner kami ng 7:00pm at umaabot ng 10:00 pm kasama na ang kwentuhan at dahil magsasara na ang restaurant, pero bitin pa kami sa aming kwentuhan at tawanan hahanap kami ng malapit na kapehan at doon naman kami tatambay at magkukwentuhan. 

(Tula) ANG AKING KWINTAS

Minsan ako ay nagtungo sa may ongpin

Upang aking bilhin ang hopiang engbitin

Sa ‘sang banda nagawi aking paningin

Doo’y may kumikinang at nagniningning

  

Maraming alahas ang aking nakita

‘Di man ako mahilig ay naingganya

Tumingin at pumili na kapag daka

Isang kwintas, tingin ko’y napakaganda

 

Nabighani ako sa ganda at kinang

Binili ko agad walang alinlangan

Ang kanyang presyo ‘di ko na tinawaran

‘Di rin nag isip kung ako’y napamahal

 

Umuwing suot ang maganda kong kwintas

Pag-abang ng sasakyan mata’y nagmalas

Baka mayrong taong may masamang balak

Kunin sa leeg ko’t ako’y mapahamak

 

Lagi kong pinagmamasdan sa salamin

Parang ayaw mawala sa ‘king paningin

Itong kwintas na animo’y nagniningning

Wala akong balak pang ito’y hubarin

 

Isang araw sa edsa ako’y tumawid

May isang mamang bigla na lang lumapit

Pilit inagaw ang kwintas sa’king leeg

Ako’y nabigla at ‘di na nakaimik

 

Sobrang lungkot at kirot ang naramdaman

Pagkat kay dali sa aki’y nagpaalam

Kasiyahan ko ‘di pa man nagtatagal

At inagaw bigla ng ‘sang taong hangal

 

Simula nun ‘di ko na nakahiligan

Bumili ng alahas sa’king katawan

Ngayon ako’y may simpleng singsing at hikaw

Na lagi kong suot na pang araw-araw

  

MY SHANGHAI TOUR

Gabi kami bumiyahe patungong Shanghai China. Pagbaba ng eroplano napansin ko medyo may ulan, siguradong malamig raw at ang sabi ng stewardess ay negative 6 ang temperatura, pero nagulat ako pagpasok namin sa airport hindi naman malamig hehe! syempre engot ako nakaheater pala. Heto paglabas namin ng airport nanginginig na ang buong katawan ko at ang aking baba ay nangangatog na, ang salita ko ay may usok na rin.

Sa Magnificent Hotel kami nag stay. Nang mag umaga, lumabas kami sandali ng Hotel para tingnan lang kung ano ang itsura nung lugar sa umaga… Napaka lamig ang gandang tingnan ng paligid ang mga puno walang dahon tila mga patay na puno, puro sanga lang ang nakikita ko. Malapit pala sa shopping area ang tinigilan naming hotel at maraming tao.  Summer sa atin, tag lamig naman sa kanila!  Bumalik na rin agad kami sa hotel dahil magsisimula na ang tour namin.

Una naming pinuntahan ay isang park. Hindi ko alam kung anong park yon. Hindi kasi ako nakikinig sa tour guide dahil abala ang mata ko sa katitingin sa mga dinadaanan. Natatandaan ko pinakita sa amin ang The Bund, ito ang origin na landmark ng Shanghai, grabe ang lamig! Ang mga gusali parang European ang dating. Dito ko  nakita ang Big Ben Clock Tower napakaganda! Maya maya pa ay nagpunta rin kami sa isang park ulit at dito ko nakita ang Oriental Pearl Tv Tower, ang isa sa pinkamataas na tower sa buong mundo. Pagkatapos, nagpunta kami sa Tea Restaurant para tumikim ng kung anu-anong tea at pagkatapos maipaliwanag ang iba’t ibang uri ng tea ay inalok kami para bumili.  

Nagpunta rin kami sa Jade Museum at nais na naman kaming bentahan ng mga intsik! Talagang business-minded sila. Dahil tanghali na nun kumain na kami sa isang restaurant kasama na sa tour namin yon.  Matapos kaming kumain dinala naman kami sa Silk Factory at pinakita kung paano gawin ang silk na talaga namang kahanga-hanga, dahil ang silk na yon ay galing lang sa isang cocoon.

Nagpunta din kami sa isa pang shopping area ng mayayaman kaya natural tumingin-tingin lang ako. Nagpunta pa kami sa dalawa pang museum na hindi ko na inintindi dahil ayoko nang mamasyal dahil sa pagod! Nandyan pa yung isang museum kung saan may libreng masahe tapos pipilitin kang bumili ng herbal medicine nila kesyo may problema daw ang uterus ko at kung anu-ano pa. Hehehe! Matapos ito ay may pinuntahan rin kaming isang libingan na kung saan doon lang may punong hindi nalagas ang mga dahon berde ang paligid. Heto na naman ako hindi ko na naman naintindihan ang sinabi ng tour guide dahil puro pagmamasid na naman ang nasa isip ko di ko na iniintindi ang kanyang sinasabi. Mainit sa lugar may araw pero malamig pa rin.


Nagpunta rin kami sa Nanjing Road sabi nila Little Paris daw iyon maganda ang view sa gabi romantic ang dating na may umaawit pa. Grabe ang kanilang shopping center dito maganda kahit sobrang dami ng tao parang may pyestahan ang kalye na yon.  May mga murang bilihin din naman dun, yon nga lang kelangan magaling ka sa tawaran.

Nanood din pala kami ng Shanghai Circus, wow ang gagaling! Talagang puro wow lang ang nasasambit ko, syempre hangang hanga na naman ako pero bago iyon ay kumain muna kami sa isang restaurant na parang barko napakalaki at talagang nakalutang sya sa tubig. maganda ang mga tanawin sayang lang at nung panahon na yon ay nasira naman ang camera ko.

Mapa umaga man o gabi nakakamangha ang mga tanawin dito… Very sophisticated ang design ng mga gusali. Karamihan sa kanila ay hindi nakakaintindi ng English, pero nagkakaintindihan pa rin naman pagdating sa bilihan. At kung gusto mong tumawad hawakan mo na lang ang calculator nila at ikaw na ang maglagay ng gusto mong presyo sa tawad mo. Mag ala mime na lang puro actions at sabay bigkas ng “oki?!,”  “no,” o “Yah”. at magkakabilihan na… hahaha!

 

(Tula) 100 POSTS

Para sa aking mababait na kaibigan

Salamat ang aking bigkas sa inyong pagdaan

Dito sa aking munting aliwan at libangan

Mga sinulat ko sana’y inyong nagustuhan

 

Magsulat sa blogsite ang aking nakahiligan

Ang ilan dito’y  aaraw-araw kong karanasan

At ang iba nama’y mga munting kaalaman

Kung may mali ay inyo ng pagpasensyahan

  

Ako ay nakakadama ng tuwa at saya

Kapag ang kwento at tula ko ay nabuo na

Lalo na kung ito pa ay inyong mababasa

At paminsan minsan ay magbibigay ng puna

 

Ang komento sa nabasa ay wag pagdamutan

Dahil para sa nagsulat ito’y kailangan

Upang ang mga katha ay lalong mapagbuti

At sa gayo’y makapagsulat pa ng marami

 

KWENTO KWENTUHAN

MGA BAGAY BAGAY NA KWENTUHAN AT  SIMPLENG KARANASAN

UNANG SAKAY NG EROPLANO

Unang byahe ko noon patungo ng Bangkok Thailand, kasama ang 2 kong kaibigan. Excited ako syempre kasi unang sakay ko ng eroplano 2006! Hindi ko pa alam ang pakiramdam ng nakasakay sa eroplano at nasa itaas ka ng himpapawid, sari sari ang laman ng isipan ko na paano kung bumagsak ito paano ang mga anak ko, paano ang mga maiiwan ko? bsta marami. Nakaramdam ako ng takot at nerbyos.

Habang patungo na ako sa loob ng eroplano nanginginig ang aking katawan. Doon ako pinaubo ng aking kaibigan malapit sa bintana para makita ko ang tanawin sa labas habang papalipad ang eroplano.  Ang mga stewardes, asikaso kami sa aming mga kailangan, tulad ng headphones para makinig kami ng music, kumot, baka malamigan kami sa aircon ng eroplano, pero halos hindi ko pinansin lahat ang mga ito, ang nasa isip ko ang magdasal na makarating na kami ng maluwalhati sa aming bansang pupuntahan at asikaso rin kami sa pagkain.

Mahigit tatlong oras ang byahe namin noon at halos gusto ko ng hilahin ang oras para makababa na kami ng eroplano at matapos na ang nararamdaman kong takot! Wheww! Nakakapa buntong hininga!

Naranasan rin ba ninyo ang naranasan ko?

  

PAGOD BA O INSOMNIA?

Dalawang gabi ng hindi masarap ang aking tulog marahil dahil sa pagod ng aking katawan at isip sa dami ng iniintindi, mga reklamo ng tenants atbp. Tapos sa bahay akong lahat ang gumagawa ng trabahong bahay. Idagdag mo pa ang isang katutak na bayarin na nagkasabay sabay na naman. Napasabay pa ang pagpapa ayos ko ng aking clinic ang daming ligpitin grabe!  

Kaya malamang ang nararanasan kong sleep disorders ay pagod sa pang araw-araw kong ginagawa. Nakaranas na  rin ba kayo  nito?

 

SAAN MO NGA BA MAKIKITA ANG TUNAY NA PAG-IBIG

Marami ang taong naghahanap ng tunay na pag-ibig. Kahit saan daw ay ‘pwede mong makita ito, pero paano mo malalaman kung ang nakita mo ay totoo? Kalimitan ang kwento ng pag-ibig ay nasa parte ng mga kanta, palabas na drama sa TV at pelikula, at hindi lahat ng kwento ay pawang madali makita ang tunay na pag-ibig at kahit sa totoong buhay ay hindi naman laging masaya ang kinahihinatnan.

Merong love triangle o kaya one sided love at alin man dito ay nagbibigay ng sakit sa ating damdamin. Pero marami naman ang nagiging matagumpay na makakita ng kanilang partner sa buhay at nagiging tapat sa kanila.. Ano kaya ang sekreto nila?

%d bloggers like this: