(Tula) PARA SA AMING MAGULANG

Kami ay nagpapasalamat sa D’yos na umalalay

Sa ama’t ina naming nagbigay ng magandang buhay

Nagsakripisyo sa anak nang ginhaway maialay

Mula pagka silang hanggang sa kami ay magkamalay

 

Hirap man sa buhay piniling kami’y makapag-aral

Matutunan ang ibat-ibang kaalama’t mabuting asal

Upang sa gayo’y magamit sa aming kinabukasan

Ang kayamanang bigay hindi mawawala kaylan man

 

Ngayon nga ay matatanda na ang aming ama’t ina

Salamat sa D’yos sa biyayang bigay sa kanila

Madugtungan pa sana ang buhay nilang masisigla

Upang makita ang anak na nalayo sa kanila

 

Kami’y nagpapasalamat sa aming mga magulang

Sa inyong pang-unawa, pagkalinga’t pagmamahal

Huwag mag-alala ‘di namin kayo pababayaan

Ano mang mangyari kayo ay aming aalagaan

Advertisements

(Tula) BUHAY NAMIN SA Bo. SAN PABLO

Sa isang maliit na sulok ng mundo

Lalawigan ng Batangas sumasakop dito

May isang nayon ngalan ay San Pablo

Nakatira rito’y magiting at maginoo

 

Isang munting kubong pawid at kawayan

Ang sa ami’y naging masayang tahanan

May halamang tanim sa’ming likod bahay

Sa gilid nito ay mayrong manukan.

 

Pamumuhay namin dito ay mahirap

Salat sa kuryente kaya’t ilaw ay de gas

Tubig nami’y iniigib sa malayong lagnas

Upang may mainom at maipanghugas.

 

Tumitira rito ay magtanim ang gawain

Kayat ang paligid bahay kubo mandin.

At sa pagluluto doon mo na pipitasin

Mga gulay na kaysarap ‘syang ihahain

 

Mga tanim dito’y atis, saging at mangga

Isang tao’y hihintayin bago makita ang bunga

Gayunpama’y pagkainip tila hindi alintana

Kapag usbong ng bulaklak kanila ng nakikita.

 

Dalisdis na bundok ay aming kinakaingin

Upang palay at mais ang doo’y maitanim

Ilang panahon lamang kami’y may aanihin

Pangtustos sa pamumuhay sa araw-araw at pagkain.

 

Kinagisnan man ay salat ngunit ‘di sa sipag

Upang kahit gayo’y ang pangarap ay matupad

Pagkita man ng salapi ang kaakibat ay hirap

Ang kapalit naman noo’y mapag-aral mga anak.

 

Mga nakatira rito’y likas ang kasipagan

Lalawigang Bicol ay kanilang natuklasan

Dumadayo roon ang mga kalalakihan

Paglalako ng damit kanilang naisipan

 

Panahon ng tag tanim sila’y sama sama

Luluwas ng Maynila pupunta ng Divisoria

Pinagbilhan sa mga pananim kanilang daladala

Ipupuhunan sa mga telang sa Bicol ititinda

 

Sipag at tyaga sa kanila’y namamayani

Ipinautang na tela’y babalikan sa tag-ani

Nang mga taong tila  ba mga bayani

Sapagkat ang mga ito’y mabayaran at dili

 

Pag-uwi ng baryo asawa’t anak nakaabang

Harap ng bahay parang may pagdiriwang

Pagkat dala’y pasalubong nilang inaasam

At kinita sa panindang kanilang ipinautang

  

Bukod sa pasalubong may iba pang dala

Kumot Bicol at banig sa Taal ititinda

Katawa’y walang pagod ayaw magpahinga

At pati ang kulambo’y inilalako nila

 

Pag-unlad ng buhay Bicol ang pinagmulan

Bahay naming pawid agad iyo’y napalitan

Upuang kawayan, ngayo’y nara na’t yakal

Anopa’t lahat na yatang aming kasangkapan

 

Kababaihan naman ay sobrang sipag din

Pagtahi ng gwantis ay kanilang gawain

Tatlong dosena’y ‘sang linggong tatapusin

At ang bayad dito’y kanilang iipunin

 

Taon ang lumipas baryo nami’y umunlad

Ang mga anak ay nakapag aral sa syudad

Nakapag tapos ng mga kursong de kalidad

Kaya’t mithing pangarap agad  ay natupad

 

Tunay ngang nakakatuwa itong aming baryo

Kaya’t kay sarap balikbalikan mga alaala rito

Pagtira’y di ipagpapalit kahit sa ibang dako

Pangalan mo’y tumatak na sa’ming mga puso. 

Sa Tuwing Nalulungkot Ako

Sa tuwing malulungkot ako dahil andyan ka at andito ako. Iisipin ko na lang na iba man ang lokasyon mo. Nasa iisang mundo pa din tayo.

(Tula) ANG NAG IISANG IKAW (MY LAPTOP)

 

Alam mo bang ikaw ang palaging kaulayaw

Sa pag gawa ng tulang malalim at mababaw

Hindi ba’t kahit saan man ako’y nakatanaw

Parating tangan ko’y ang nag iisang ikaw

           

Isang araw salita sa isip ko’y sumingaw

Hinagilap kaagad  ang nag iisang ikaw

Pagkat tula kong isusulat ay pupukaw

Sa mga mag babasang puso ay mapanglaw

 

Ginhawang dulot mo sa akin araw-araw

Sa puso ko ang tuwa ay nag uumapaw

Daliri habang tumitipa ay sumasayaw

Di man lang nanginginig kahit na giniginaw

 

Hanap ka sa tuwina, klinika man o sa bahay

Pagkat hilig magsulat nitong aking mga kamay

Antok, napaparam kahit pa mata’y pumungay

Kung mawawala ka kulang ang aking buhay

 

Ang laptop kong ito aymarunong makisama

Hawak kahit natutulog minsa’y nabitawan ko na

Pag gising nang umaga nasa ilalim ng kama

Kaagad kong dinampot kinausap kapag daka

 

Nakita kong talaga ang iyong panghihina

Baterya’y agad kinargahan at muling sumigla

Hindi na mauulit asal ko sa ‘yong di maganda

Iingata’t aalagaan sapagkat mahal na rin kita

 

Ngunit sakaling bigla ngang ikaw ay masira

Aligagang hahanap agad sa’yo ng gagawa

Bumabasa ng tula ko’y ‘wag sanang mabibigla

Pag katha nito’y pansamantala lang mawawala

 

Protected: ANG MAGSULAT

This content is password protected. To view it please enter your password below:

(Tula) PAANO NGA BA ANG GUMAWA NG TULA

Pano nga ba gumawa ng isang tula?

O kaya’y kahit anong magandang katha

Lagi akong nakatanaw sa bintana

Walang kurap, parating nakatunganga

 

kay hirap talagang gumawa ng tula

Pakiramdam ko’y laging natutulala

Di ba pwedeng wala ng sukat at tugma?

At pag gamit nang malalim na salita?

 

Pero gusto kong gumawa ng isang tula

Kaso’y walang maisip na pasimula

Kaylangan ko talaga ngayo’y himala

Lalo’t hindi ako tunay na makata

 

Di ko yata kayang gumawa ng tula

Tulad ng pagkatha nang isang makata

Ginabi na ako’y wala pa ring paksa

Na tatalakayin sa tulang ginagawa

 

O’ aking tula nahan ka’t nawawala

Kay bilis mong naglaho na parang bula

Paano ang pangarap kong makakatha

Nilisan akong sukat dito sa gitna

 

Anong oras na? Wala pa akong tula

Kaya ngayo’y titigil sa pagtunganga

Inaantok na bukas na lang gagawa?

Walang patutunguha’y nakakahiya

 

Ngunit bago tapusin ang aking katha

Yaan muna ninyong ako’y tumingala

Idadasal  hinihintay na himala

 Nawa’y may matuwa sa tulang ginawa

(Tula) TULA KO’Y WALANG PAMAGAT

Gusto ko sanang gumawa, ng isang tulang makata

Subalit kailangan raw dito, ang sukat at tugma

Mayrong makulay na salita, at may taglay na diwa

Sapagkat kung wala raw nito, tula ko’y bale wala

 

Ang Layunin pa raw ng tula, ay magbigay ng aral

Bakit di pa ba sapat, dito ay parang pasalaysay

O di kaya naman ay kwento, ng mga bagay bagay

Nararapat raw ito’y may tono, at bigay na bigay

 

Ay ano pa nga ba itong aking itinutunganga

Umpisahan mo na, bago pa maging isang tulala

Gumawa ng magandang tula, kahit hindi makata

At huwag ka ng mag-isip, ng ano mang hiya hiya.

 

Kung nakakatunaw sa pag iisip, titig at tingin

Nalusaw na sana ngayon, itong puti naming dingding

Wari ba’y pati ang kisame, gula gulanit na rin

Sa pag kakatitig, para sa aking tulang gagawin

 

Pamagat ng tula ko, ay di ko na napag- isipan

Pati ang simbolo’t estilo, ay wala sa usapan

Ang simula at wakas, kasama na rin ang katawan

Kaya tema ng tula, di ko na rin maintindihan

 

Sa simula pa lang ng tula, dapat nadakip ko na

Ang interes daw nitong, aking mga mambabasa

Paano pa nga ba, kung simbolo ay nawawala na

Ang pamagat pa kaya ang dito ay aking makita

 

 

%d bloggers like this: