(Tula) PAGKATHA NG TULA ANG AKING LIBANGAN

 

Sa akin ay may nagtanong, bakit ko nakahiligan

Ang pagkatha ng tula, ‘di ba mahirap pag isipan

Ang sagot ko kung minsan, ito ay kusang bumubukal

At ang salitang i-uugma, pag-arala’y kay tagal

 

Ang bigkas ng mga kataga, kaylangan ring timbangin

Ang pantig ng salita ay narararapat pang bilangin

Upang pag basa ay tama, sa pandinig ay may dating

Kagaya ng musika, sa tenga ay mayrong taginting

 

Hindi na kaylangan, ang mga karanasan sa buhay

Upang ikaw ay makabuo ng tulang iaalay

Di na rin kaylangan pilitin at kusang wawagayway

Ang mahalaga’y malinaw ang mensaheng ibibigay

 

Kaylangan mo lang ay maghanda, ng maraming salita

Pagkat kapag naubusan ay tiyak matutulala

At sa buong maghapon, ikaw ay mapapatunganga

Hanggang sa ang tula mo ay hindi na rin magagawa

 

Tunay ngang ang pag katha ng tula, minsan ay mahirap

Higit sa tulad kong hindi naman sanay bumalangkas

Ngunit kapag nasimulan kay daling maipamalas

Hanggang sa makuha ang tamang bigkas na hinahanap

 

Sa mga makakata, ako’y talagang humahanga

Kaya’t naisip ko ring sumubok, kumatha ng tula

Noong una’y alinlangan pang ipabasa’t ilathala

Ngunit noong maglao’y, nawala rin ang aking hiya

 

Ang kumatha ng tula ang ‘syang aking naging libangan

Lalo sa mga oras na ganado yaring isipan

Kahit kay hirap magtugma tugma ay pagsisikapan

Pagkat para sa akin ito’y isa kong kayamanan

 

Ako’y nagpapasalamat sa bigay Niyang karunungan

Nakakatuwa ang talentong sa puso ko’y nanahan

Sapagkat kung minsan ito’y may dulot ring kabutihan

Sa tulad kong ang mensahe, nais sa tula idaan

 

Give Me A Smile

Ako si Dregm Hilig ko rin ang Magsulat

Everytime u gave me a comment, I smile. Kasi, alam ko na cute lang ang binibigyan mo ng magandang comment. Nagdarasal ako na sana, wherever u go & whatever u do, u will remain safe and cute. Teka, mahirap yata iyung cute. Safe na lang!

 

I asked Lord why I am cute. Lord answered “Dregm” you are very special to me”, Then I asked again what about the person who read this post is he/she cute too? Lord said well, if they will leave a comment for you…

 

SI CYSAI NA MALAMBING

How to get over you cysai?

Napilitan akong mag alaga ng aso. Hindi ko sana gusto sapagkat baka hindi ko maalagaang mabuti pero, sa totoo lang gusto kong may aso sa bahay, may hilig rin naman ako sa mga hayop palibhasa’y lumaki ako sa bundok marami kaming naalagaang hayop doon. Isang araw, may nagbigay sa akin ng aso dito sa clinic hindi ko natanggihan dahil unang tingin ko pa lang sa kanya cute na cute na ako para bang nakangiti nang iabot sa akin na nakalagay lang sa isang paper bag, isang buwan pa lang daw itong naipapanganak. Nagpainit ako ng tubig at aking pinaliguan, ginamitan ko ng hair blower para matuyo ang balahibo nya. Dinala ko agad sa Vet. Dr. para maikonsulta kung ano ang unang bakuna.
Pinangalanan ko ‘syang Cysai.
Nang iuwi ko sa bahay palit palitan ang mga anak ko sa paghawak na mukhang nalamog na. Ang cute talaga parang batang may malay na gustong kausapin at patawanin. Pinaliliguan ko si Cysai dalawang beses sa isang linggo bago ako umalis at magtungo sa trabaho ko noong araw. Ang huling tabo ng tubig na ibinubuhos ko pagkatapos ng dog shampoo ay nilalagyan ko ng fabric conditioner para mag amoy bagong laba. Binigyan ‘sya ng vitamins ng kanyang vet. Dr. at mabilis naging ganap na aso.
Kasama namin sa kwarto matulog si Cysai. Meron din itong sariling kumot, higaan at malimit katabi namin sa pagtulog. Kahati ko sa aking unan. Matyaga naming naturuan si Cysai kung saang parte ng aming garahe dudumi at iihi. Lumaki itong malinis at madiriin. Ayaw nitong tumapak sa basang sahig. Bihirang lumabas ng bahay si Cysai kapag aking inilalabas ay karga karga ko kahit napakabigat niyang aso. Marami ang napapatingin sa kanya dahil sa makintab niyang balahibo. Babae si Cysai kaya dalawang beses magkaroon ng dalaw sa loob ng isang taon. Nagpapalgay naman ‘sya ng diaper kasi parang nadidirian din ‘syang pumapatak sa sahig ang dugo nya.
Akala ko noong una madali lang ang mag-alaga ng aso, hindi pala. Ayaw kumain ng kanin at ulam namin kaya napilitan akong bumili ng dog food noong una, hanggang natutunan na ‘nya ang kumain ng kanin at nilagang atay ng manok. Magastos rin pala, Bukod sa pagkain updated din sa mga bakuna. Dati rati malimit akong bumili ng accessories sa leeg pero katagalan di ko na rin naibili pa dahil lumaki na at parang hindi na rin bagay na may nakapulupot sa leeg nya.
Noong una akala ko ok lang ang pahaplos haplos sa balahibo, kargahin, pakainin at minsan kausapin na parang bata. Pero sa katagalan pati damdamin ko napalapit na rin kay Cysai na para ko na ring anak. Walang araw na hindi ko nababanggit sa kasama ko sa bahay kung pinakain na o kumustahin. Hindi lang pala basta haplos lang ang ginagawa namin kung hindi may pagmamahal ng kaakibat. Sabi ko noon aso lang yan, pero pati pala ako nahuhulog na ang damdamin sa pag aalaga kay Cysai.
Malambing si Cysai, maharot katulad ng ibang aso. At ‘di nagtagal parang isa na rin sa mga anak ko kung kausapin at para namang nakakaintindi sa aming mga utos at sinasabi. Nung una natatawa ako pag kinakausap ni manang na parang bata ganun din ng mga anak ko, yun pala ay mas malala pa ako sa kanila dahil bunso o baby ang tawag ko sa kanya. Nakakawala ng pagod, tension, sakit ng ulo at kung ano -ano pa dahil na rin sa pag aalaga ko kay Cysai. Kapag karga ko si Cysai lagi kong sinasabi na ikaw ang pampababa ng BP ko, ikaw ang nakaka alis sa mga masasakit na nararamdaman ko sa katawan. Matutuwa ka talaga ayon sa kasama ko sa bahay lagi raw nakaabang sa pintuan sa aking pagdating. Malayo pa raw ako parang alam na parating na ako. Di na raw yan mapakali at kahol ng kahol sa harap ng kasama ko dito sa bahay at pagbusina ko nga para buksan ang gate paroon parito at nakasampa na sa sofa para silipin sa bintana ang sasakyan ko habang papasok sa garahe. Pagpasok ko ng bahay para itong bata na gustong magpakarga at humalik sa akin. Kung hindi ko pansinin, naglulungkot-lungkutan at tapos tinititigan ako na para bang iiyak, kaya naman di ko matiis kakargahin ko na at hahalikan. Panay ang dila sa paa at kamay ko. Nakatingin sa akin habang kumakawag ang buntot. Sa kwarto namin ito natutulog minsan katabi ng mga anak ko minsan sa akin. Ang nakakatuwa pa sa kanya hindi sya aakyat sa itaas hanggang hindi pa rin ako umaakyat at kahit naiwan pa sa ibaba ng bahay ang aking mga anak.
Isa pang nakakatuwa sa kanya ang paghabol sa akin na parang bata. Basta nasa bahay ako at alam na wala akong pasok oras na kinuha ko ang susi ng sasakyan nangunguna na yan sa paglabas at nakaabang na sa pagbukas ng pinto ng sasakyan. Huwag na ‘wag kang magsasalita ng salitang “sasama” at hindi ka ‘nya titigilan ng pagkahol at pagkagat sa kamay ko para kunin na ang susi ng sasakyan. Nasanay kasi na kasama ko sa paghahatid sa mga anak ko sa school, kaya pag nakita na naka uniform ang anak ko laging nakatingin sa kilos ko para sumama. Minsan magsusundo ako sa isa ko pang anak (Jian} ng 12midnight sa Roxas Blvd. talagang humahabol ayaw talaga pumasok ng bahay kundi pinagalitan ko pero parang ang sakit sa loob ko. Malayo na ang nararating ng sasakyan ko hindi ko natiis binalikan ko tamang tama pabalik na ako noon nagtex ang anak ko na umuungot pa rin si Cysai parang masama pa rin ang loob na iniwan at pinagalitan. Halos maluha na ako. Laking tuwa ni Cysai nang nakita ako na binalikan ko parang alam na isasama ko, agad lumabas at naghintay na mabuksan ang pinto ng sasakyan para sumakay. Mas lalo pa akong napaawa dahil panay ang dila sa pisngi ko, sa braso at sa kamay habang ako’y nagmamaneho siguro ibig sabihin ‘nya thank you mommy I love you! (I love You too Cysai!) Siguro gusto ‘nya lang akong samahan dahil mag isa lang akong aalis hatinggabi pa naman.
Minsan nagkasakit si Cysai ayaw kumain, malungkot, iyon pala may lagnat daw. Sabi ng Vet. dr. iconfine ko raw ng isang araw . Di ako pumayag dahil iiwan ko ‘sya sa hospital. Siguro mga 2 years old pa lang siya noon, pero para namang bata na sumunod sa sinabi kong ako na lang mag-aalaga at magpapainom sa kanya ng gamot. Pagkaraan ng 5 taon nasundan pa ulit ng 2 araw na pamamalagi sa hospital dahil ayaw ‘nyang kumain, nanghina sya. At nitong Sept. 1, 2015 naospital ulit ‘sya ng isang linggo maraming blood chem, ultrasound at kung ano ano pa at dun ko nalaman na may malala na ‘syang sakit, malaki ang ginastos ko pero ‘di ko ininda dahil gusto ko pa ‘syang mabuhay ng matagal.
Takot si Cysai sa ipis at daga kapag may nakitang ipis at daga sa bahay kakahulan lang ‘nya at kapag sumigaw na ang mga anak ko at lumundag mag iingay na rin si Cysai nakikipagsiksikan sa mga anak ko habang kumakahol, haharap sa akin at ang kahol ‘nya ay kakaiba na parang gustong magsumbong. Hay naku! nakakatuwa talaga nakakawala ng pagod. Lalo na pag dumidila na sa kamay o sa paa ko, siguro pagpapakita yon ng pagmamahal sa akin.
May buhay din ang aso, nakakaramdam din ng sakit, tuwa at sama ng loob. Kaparehas din natin hindi nga lang sila makapagsalita ng gusto nilang sabihin pero minsan ay naiiparamdam nila sa atin lalo ang pagmamahal. Kung iisipin, ang aso ang bantay natin sa bahay. Ika nga, “Man’s bestfriend”. Minsan pa nga ang aso ang nagliligtas sa ating buhay.

Bagama’t lumala na ang kanyang karamdaman at hindi na namin naisalba ang kanyang buhay, mananatili pa rin sa aming puso’t isip ang magagandang ala-ala noong ‘sya ay nabubuhay pa. Napakarami pa ng gusto kong ibahagi at isulat na mga kakaibang kasiyahang ipinakita ‘nya sa akin. No other dog can replace in my heart! I miss you cysai ko! Pag-uwi ko ng bahay wala ng pupulupot na Cysai sa paa ko na halos madapa na ako sa paghakbang. Wala na akong paliliguang Cysai tuwing linggo. Minuminuto pumapatak ang luha ko. Mahal na mahal ka namin Cysai!

The 10 Wonderwoof Years of my Beloved Cysai

Napilitan akong mag alaga ng aso. Hindi ko sana gusto sapagkat baka hindi ko maalagaang mabuti pero, sa totoo lang gusto kong may aso sa bahay, may hilig rin naman ako sa mga hayop palibhasa’y lumaki ako sa bundok marami kaming naalagaang hayop doon. Isang araw, may nagbigay sa akin ng aso dito sa clinic hindi ko natanggihan dahil unang tingin ko pa lang sa kanya cute na cute na ako para bang nakangiti nang iabot sa akin na nakalagay lang sa isang paper bag, isang buwan pa lang daw itong naipapanganak. Nagpainit ako ng tubig at aking pinaliguan, ginamitan ko ng hair blower para matuyo ang balahibo nya. Dinala ko agad sa Vet. Dr. para maikonsulta kung ano ang unang bakuna.

Pinangalanan ko ‘syang Cysai. Nang iuwi ko sa bahay palit palitan ang mga anak ko sa paghawak na mukhang nalamog na. Ang cute talaga parang batang may malay na gustong kausapin at patawanin. Pinaliliguan ko si Cysai dalawang beses sa isang linggo bago ako umalis at magtungo sa trabaho ko noong araw. Ang huling tabo ng tubig na ibinubuhos ko pagkatapos ng dog shampoo ay nilalagyan ko ng fabric conditioner para mag amoy bagong laba. Binigyan ‘sya ng vitamins ng kanyang vet. Dr. at mabilis naging ganap na aso.
Kasama namin sa kwarto matulog si Cysai. Meron din itong sariling kumot, higaan at malimit katabi namin sa pagtulog. Kahati ko sa aking unan. Matyaga naming naturuan si Cysai kung saang parte ng aming garahe dudumi at iihi. Lumaki itong malinis at madiriin. Ayaw nitong tumapak sa basang sahig. Bihirang lumabas ng bahay si Cysai kapag aking inilalabas ay karga karga ko kahit napakabigat niyang aso. Marami ang napapatingin sa kanya dahil sa makintab niyang balahibo. Babae si Cysai kaya dalawang beses magkaroon ng dalaw sa loob ng isang taon. Nagpapalgay naman ‘sya ng diaper kasi parang nadidirian din ‘syang pumapatak sa sahig ang dugo nya.
Akala ko noong una madali lang ang mag-alaga ng aso, hindi pala. Ayaw kumain ng kanin at ulam namin kaya napilitan akong bumili ng dog food noong una, hanggang natutunan na ‘nya ang kumain ng kanin at nilagang atay ng manok. Magastos rin pala, Bukod sa pagkain updated din sa mga bakuna. Dati rati malimit akong bumili ng accessories sa leeg pero katagalan di ko na rin naibili pa dahil lumaki na at parang hindi na rin bagay na may nakapulupot sa leeg nya.
Noong una akala ko ok lang ang pahaplos haplos sa balahibo, kargahin, pakainin at minsan kausapin na parang bata. Pero sa katagalan pati damdamin ko napalapit na rin kay Cysai na para ko na ring anak. Walang araw na hindi ko nababanggit sa kasama ko sa bahay kung pinakain na o kumustahin. Hindi lang pala basta haplos lang ang ginagawa namin kung hindi may pagmamahal ng kaakibat. Sabi ko noon aso lang yan, pero pati pala ako nahuhulog na ang damdamin sa pag aalaga kay Cysai.
Malambing si Cysai, maharot katulad ng ibang aso. At ‘di nagtagal parang isa na rin sa mga anak ko kung kausapin at para namang nakakaintindi sa aming mga utos at sinasabi. Nung una natatawa ako pag kinakausap ni manang na parang bata ganun din ng mga anak ko, yun pala ay mas malala pa ako sa kanila dahil bunso o baby ang tawag ko sa kanya. Nakakawala ng pagod, tension, sakit ng ulo at kung ano -ano pa dahil na rin sa pag aalaga ko kay Cysai. Kapag karga ko si Cysai lagi kong sinasabi na ikaw ang pampababa ng BP ko, ikaw ang nakaka alis sa mga masasakit na nararamdaman ko sa katawan. Matutuwa ka talaga ayon sa kasama ko sa bahay lagi raw nakaabang sa pintuan sa aking pagdating. Malayo pa raw ako parang alam na parating na ako. Di na raw yan mapakali at kahol ng kahol sa harap ng kasama ko dito sa bahay at pagbusina ko nga para buksan ang gate paroon parito at nakasampa na sa sofa para silipin sa bintana ang sasakyan ko habang papasok sa garahe. Pagpasok ko ng bahay para itong bata na gustong magpakarga at humalik sa akin. Kung hindi ko pansinin, naglulungkot-lungkutan at tapos tinititigan ako na para bang iiyak, kaya naman di ko matiis kakargahin ko na at hahalikan. Panay ang dila sa paa at kamay ko. Nakatingin sa akin habang kumakawag ang buntot. Sa kwarto namin ito natutulog minsan katabi ng mga anak ko minsan sa akin. Ang nakakatuwa pa sa kanya hindi sya aakyat sa itaas hanggang hindi pa rin ako umaakyat at kahit naiwan pa sa ibaba ng bahay ang aking mga anak.
Isa pang nakakatuwa sa kanya ang paghabol sa akin na parang bata. Basta nasa bahay ako at alam na wala akong pasok oras na kinuha ko ang susi ng sasakyan nangunguna na yan sa paglabas at nakaabang na sa pagbukas ng pinto ng sasakyan. Huwag na ‘wag kang magsasalita ng salitang “sasama” at hindi ka ‘nya titigilan ng pagkahol at pagkagat sa kamay ko para kunin na ang susi ng sasakyan. Nasanay kasi na kasama ko sa paghahatid sa mga anak ko sa school, kaya pag nakita na naka uniform ang anak ko laging nakatingin sa kilos ko para sumama. Minsan magsusundo ako sa isa ko pang anak (Jian} ng 12midnight sa Roxas Blvd. talagang humahabol ayaw talaga pumasok ng bahay kundi pinagalitan ko pero parang ang sakit sa loob ko. Malayo na ang nararating ng sasakyan ko hindi ko natiis binalikan ko tamang tama pabalik na ako noon nagtex ang anak ko na umuungot pa rin si Cysai parang masama pa rin ang loob na iniwan at pinagalitan. Halos maluha na ako. Laking tuwa ni Cysai nang nakita ako na binalikan ko parang alam na isasama ko, agad lumabas at naghintay na mabuksan ang pinto ng sasakyan para sumakay. Mas lalo pa akong napaawa dahil panay ang dila sa pisngi ko, sa braso at sa kamay habang ako’y nagmamaneho siguro ibig sabihin ‘nya thank you mommy I love you! (I love You too Cysai!) Siguro gusto ‘nya lang akong samahan dahil mag isa lang akong aalis hatinggabi pa naman.
Minsan nagkasakit si Cysai ayaw kumain, malungkot, iyon pala may lagnat daw. Sabi ng Vet. dr. iconfine ko raw ng isang araw . Di ako pumayag dahil iiwan ko ‘sya sa hospital. Siguro mga 2 years old pa lang siya noon, pero para namang bata na sumunod sa sinabi kong ako na lang mag-aalaga at magpapainom sa kanya ng gamot. Pagkaraan ng 5 taon nasundan pa ulit ng 2 araw na pamamalagi sa hospital dahil ayaw ‘nyang kumain, nanghina sya. At nitong Sept. 1, 2015 naospital ulit ‘sya ng isang linggo maraming blood chem, ultrasound at kung ano ano pa at dun ko nalaman na may malala na ‘syang sakit, malaki ang ginastos ko pero ‘di ko ininda dahil gusto ko pa ‘syang mabuhay ng matagal.
Takot si Cysai sa ipis at daga kapag may nakitang ipis at daga sa bahay kakahulan lang ‘nya at kapag sumigaw na ang mga anak ko at lumundag mag iingay na rin si Cysai nakikipagsiksikan sa mga anak ko habang kumakahol, haharap sa akin at ang kahol ‘nya ay kakaiba na parang gustong magsumbong. Hay naku! nakakatuwa talaga nakakawala ng pagod. Lalo na pag dumidila na sa kamay o sa paa ko, siguro pagpapakita yon ng pagmamahal sa akin.
May buhay din ang aso, nakakaramdam din ng sakit, tuwa at sama ng loob. Kaparehas din natin hindi nga lang sila makapagsalita ng gusto nilang sabihin pero minsan ay naiiparamdam nila sa atin lalo ang pagmamahal. Kung iisipin, ang aso ang bantay natin sa bahay. Ika nga, “Man’s bestfriend”. Minsan pa nga ang aso ang nagliligtas sa ating buhay.
Bagama’t lumala na ang kanyang karamdaman at hindi na namin naisalba ang kanyang buhay, mananatili pa rin sa aming puso’t isip ang magagandang ala-ala noong ‘sya ay nabubuhay pa. Napakarami pa ng gusto kong ibahagi at isulat na mga kakaibang kasiyahang ipinakita ‘nya sa akin. No other dog can replace in my heart! I miss you cysai ko! Pag-uwi ko ng bahay wala ng pupulupot na Cysai sa paa ko na halos madapa na ako sa paghakbang. Wala na akong paliliguang Cysai tuwing linggo. Minuminuto pumapatak ang luha ko. Mahal na mahal ka namin Cysai!
cysai31-2

TANGING ALA-ALA NA LANG

Picture 184

Pamana ‘nyong pagtula ay aking naging inspirasyon

Laging nakasulyap itong isipan ko’y nakatuon

At pangako pong sa limot ito’y hindi mababaon

Maituturing kong kayamanan sa habang panahon

 

Habang noo’y lumalagaslas ang malakas na ulan 

Ang putol putol ‘nyong tinig ay ‘di ko naintindihan

Tanging malinaw kong narinig dadalhin ng ospital

Ang iyong inay nakahandusay at wala ng malay

 

Huli ninyong mensahe ngayon ko lang naintindihan

Kayo pala itong mawawalan ng malay at buhay

Gabi’y binasag sa balitang kayo’y nasagasaan

Nang humaharorot na tricycle at basta iniwan

 

Maraming natulala sa balitang nakakabigla

Sa dahilang ang buhay nyo’y naglaho na parang bula

At wala kaming nagawa kundi ipatak ang luha

At banggiting Panginoon Ikaw na Po ang bahala

 

Ang nilakbay ‘nyong buhay ay dumating na sa hangganan 

Mga lungkot ‘nyong nadarama’y napawi ng tuluyan

Ang paghihirap nyo’y napalitan ng kaligayahan 

Ang pagal ‘nyong katawan, binigyan ng kapahingahan

 

May bigat at kirot sa ‘king dibdib ang inyong pagpanaw 

Kaming inyong mga anak na sa inyo’y nagmamahal  

Ang tulang hinabi mo sa dibdib mo’y sadyang bumukal

Nakahanda kang kami’y inyong iiwan ng tuluyan.  

 

At sa aking pag uwi sa probinsya kapagka minsan

Sino pang ama ang sasalubong sa aking pagdatal

Na tila ang saya at tuwa ko’y wala ngang pag sidlan

Sa pananabik na muling kayo’y makaka kwentuhan

 

Sino ngayon doon ang amang aking pagbibidahan

Nang kung ano anong buhay na aking nararanasan

Na sa bawat aking nakakamit na saya’t tagumpay

Laging nakangiti’t naluluha sa kaligayahan

 

Maraming bagay ngayon ang aking hinahanap hanap

Ang inyong pangungumusta at ang lagi ninyong pagtawag

Ang pagbabalita ng kung anong anong nagaganap

Sa pag aalaga kay inay na kayo ang naganap

YAMANG HINDI MATITINAG (by: Abdon Garces)

1209020_612567015430350_1656138008_n

Noong kami’y bagong kasal marubdob kong pinangarap, 

Magkaroon ng pamilya at maraming mga anak 

Kaloob ng Panginoon nagkaanak nga ng apat  

Na puro mga babae kami ay nagpasalamat.

Tuwang tuwa kami noon sa babaeng mga supling,

Pagkat sila ay aapat kayang kayang paaralin 

Ngunit akoy walang trabaho kundi magkaingin 

Magtanim ng mga atis ng mais at mga saging. 

 

Nag-elementarya sila at nakatapos nga ng high school,

May alaga akong kambing may bukirin at may baboy 

Magka college na si Mercy ang kurso ay nursing noon 

Sabi nila’y di ko kaya wala pa raw kaming ipon. 

 

Sa pangarap na matupad ang hangaring magpaaral,

Pagtatrabaho sa lupa’y sandali kong binitiwan 

Ako noon ay nagbiyahe doon sa bayan ng albay 

Naglako ng mga damit at ibat ibang kalakal

 

Taga tahi ang gawain nito ngang aking asawa, 

Pardo pardo ang kulambong mga tinatahi niya 

Siya rin po’y tumatangap ng kaukulang upa 

Kaya naman mayroon ding hanapbuhay si Cerila. 

 

Ako noo’y walang tigil sa pag lako ng pautang 

Tumatagal din po ito ng mayroong tatlong buwan 

Sa buwan po nitong Mayo nakatakda ang singilan 

Wala na pong paglalako maniningil na nga lamang 

 

Pagkatapos ng singilan kami noo’y uuwi rin,

Pagtitinda ng sweepstakes siya namang aatupagin 

Sa gayun pong kalagayan talagang di kukulangin 

Sa pang gastos sa eskuwela at kunsumo sa pagkain. 

 

Itong apat naming anak ay parehong nakatapos, 

Ang panganay ay isang nurse midwife naman ang sumunod 

Ang pangatlo ay nursing din ikaapat nama’y duktor 

Kayat tapos silang lahat sa kaloob po ng Diyos.

 

Kami’y walang kayamanan walang ginto walang pilak, 

Ang tangi mga hiyas ang apat kong mga anak 

Labing tatlong mga apo labing isang apo sa tuhod na tinatawag 

Ito’y ang kayamanan kong hinding hindi matitinag

TAMANG BUHAY KO’Y AKING NASUMPUNGAN ( by: Abdon Garces)

Ito’y Tula ni Tatay Bago Sya Lumisan

CIMG1670

Sabi ni Santino mayroong bukas pa

Ang dilim ng gabi mayroong umaga

Kung manalig lamang kay Bro at Ama

Ang buhay natin ay laging maligaya

 

Sa tamang buhay ko’y aking nasumpungan

Ang aking malugod na mga katanungan

Tanong ko’y nasaan ikaw kamatayan

Bakit hindi kita masumpong sumpungan

 

Tinig ng musika awit ng kundiman

Ni Larry Miranda sa lumang simbahan

Marupok na sumpa saka ang liwayway

At sa baybay dagat aking kaaliwan

 

Kung ang aking buhay limot na ng madla

At wala na silang sa aki’y gunita

Ang aking libangan ay ipaubaya

Na tapak tapakan mga taong madla

 

Paalam sa inyo aking mga anak

Na aking minamahal hangang sa mag wakas

Paalam asawa mahal na kabiyak

Paalam sa inyo paalam sa lahat

 

Inyong iingatan ang mga tula ko

Ito ay pamanang may centemental value

Ito’y may aral ding dapat ikatoto

Ng bwat persona na babasa nito

 

Sa aking panganay na mapang unawa

Na may kalooban na mapag paraya

Ang tagubilin ko’y ikaw na ang bahala

Sa mga kapatid na hangan sa bata

 

Kayong mga anak ang insperasyon ko

Wala akong yaman ang yaman ko’y kayo

Inyong tatandaan ang yaman sa mundo

Ito’y mawawala na pupugnaw ito

 

Ngunit ang pag ibig magandang samahan

Ay mananatiling pinakamainam

Timyas ng pag ibig at pagmamahalan

Lahat ng materyal ay matatabunan

 

Salamat sa inyo na magsisibasa

Ng tula kong itong hinabi sa hibla

Nitong aking puso, na laging masaya

Ngunit may lungkot din palang nadadama

 

Hangan dito na lang aking ipipinid

Ang takbo ng aking mga pag-iisip

Habang ang tula ko ay iginuguhit

Ang mga luha ko ay namamalisbis

 

Ang aking pong samo mga minamahal

Doon ako iburol sa aking simbahan

Malugod na doon mag si sipag lamay

Ang mga kapatid mga kaibigan

 

Ang mga awitin ni Larry Miranda

Inuulit ulit sa tuwi tuwi na

Sa aking stereo ang cd’y. tangos na

Ngunit sa puso ko mayroon namang saya

 

Sa tamang buhay ko ako’y music lover

Sa mga taginting ng instrumentales

Sa mga malambing malamyos na tinig

Puso’y lumalakas ang kanyang pagpintig

 

Tinig ng musika laking pakinabang

Ito’y pampahaba ng taglay na buhay

Mayroong vitamin at sustansyang taglay

Ang dulot sa atin kalusugan tunay

 

Marahil kayo ay sa akin namangha

Diyan pala sa music mayroong mapapala

Kung sa aki’y hindi kayo maniwala

Diyan nagkamali ang inyong akala

TATAY SAN KA MA NAROROON (by: Ate Merz)

1209020_612567015430350_1656138008_n
Picture 184

Hiling mong iburol sa iyong simbahan

Ay walang pagtutol naming pinagbigyan

Sinikap din naming bigyan kang parangal

Sa iyong nagawa noong nabubuhay.

 

Lahat mong hiniling ay aming tinupad

Na isang simpleng burol aming iginayak

Gusto mong awitan sayo’y iginawad

Ng mga kapatid na kay Kristo’y tapat.

 

Ang iyong ginusto na simpleng handaan

Ginawang sing simple nyaong iyong buhay

Kung meron mang ilan na di nasiyahan

Mahalaga’y ikaw ang aming masundan.

 

Awit na hiniling sa’yong paglalakbay

Sinikap ng iyong apong bigyang kasaysayayan

Alam naming iyo’y inawit kay Inay

Noong gabing ikaw ay namamaalam.

 

“Paalam na ama” yun lang ang nabigkas

Sapagkat kay sakit parang di matanggap

Dalamhati nami’y di pa nagaganap

Sa tindi ng dagok di pa makaiyak.

 

Hwag kang mag-alala sa mahal na Inay

Di namin kailan man sya’y babayaan

Hintayin mo siya hanggang sa pumanaw

At doon sa langit di maghihiwalay.

 

MALIGAYANG KAARAWAN “FREND”

Image

Babanggitin ko ng patula, ang aking sasabihin

Pagkat ang lahat ng ito’y, laman ng aking damdamin

Itong si Mavy ay nag text at may plano raw gagawin

Sa iyong kaarawan at pagiging senior citizen

 

Hindi ko malilimutan, kung paano nagsimula

Pagkakaibigan nating tatlo’y, nabuo lang bigla

Ilang oras pa lang ng kwentuhan, agad kang nag aya

Ayusin ‘nyo ang passport at tayo’y mangingibang bansa

 

Ako noo’y nabigla’t namangha sa aking narinig

Seryosong pag aaya, sa mukha mo’y aking namasid

Ang tuwa’y ‘di mailarawan ng puso ko’t isip

Pagkat ito’y matagal nang, parati kong ninanais

 

At doon nagsimula ang ating pagkakaibigan

Tayong tatlo’y naging magkasundo, sa maraming bagay

Pag nagkita’y walang patid, sa kwentuhan at tawanan

Kahit pag saraduhan pa, ng kinainang restoran

 

Binabati kita kaibigan, sa ‘yong kaarawan

Nawa’y dagdagan pa iyan, ng ating Poong may Kapal

Panatilihing malusog at malakas ang katawan

Iyan ang dalangin ko, kaibigan kong mapagmahal

 

Tunay ngang ikaw ay mapagmahal naming kaibigan

Nakita ko sa pitong taon, nating pinagsamahan

Mabait, maasikaso at aking naging huwaran

Kaya pakisama mo’y, dapat ko ngang pahalagahan

 

Maraming bagay sa buhay, ang natutunan ko sa ‘yo

Hindi mo lang alam, pero ikaw ang aking idolo

Simpleng mga payo’t paalala’y pinakikinggan ko

Paghanga ko’y naging inspirasyon, iyan ang totoo

 

Senior Citizen ka na pala ngayon, kaibigan ko

Mayron ka mang pelegis, hindi halata sa mukha mo

Mala porcelana mong pisngi, ano ba ang sekreto

Bagay na bagay sa ngiti, ng manipis na labi mo

 

Frend, huwag muna sanang kukupas ang simple mong ganda

Ang balingkinitan mong katawan, ‘wag munang kukurba

Mga tuhod mo sana’y, wag naman magkakarayuma

Ang mga kamay mong mala sutla, ‘wag rin mapapasma

 

Pasensya ka na’t pagbati ko’y sa tula pa dinaan

Tulang nagpapatunay sa ating pagkakaibigan

Isang simpleng tula tulad ng simple mong kagandahan

At sana’y maging masaya ka sa iyong kaarawan

DAKILANG PAG-IBIG (ni Tatay Abdon Garces)

 

 Kiss-Limited-Edition-Romantic-Etching-of-Lovers-with-solar-plate

May isang lugar na sakop ng Batangas

Itong Isla Berde na libut ng dagat

Mga residente dito ay mahirap

Pagpunta sa bayan tatawid ng dagat

 

Bulubundukin at mga kaburulan

Mabato dalisdis puro kagubatan

Kaya’t ang may ilan na mga barangay

Tabi ng aplaya ang kanilang bahay

 

Sa dakong silangan ng Isla na ito

May isa pang nayon na parang rekudo

Ang barkong beyahing Batangas Mindoro

Dito dumadaan sa katapat nito.

 

Ang trabaho nila’y pamamalakaya

At nagkakaingin naman yaong iba

Sila ay buwanan sa pamamaraka

Sa pamimili nang mga gamit nila

 

Ang produkto dito ay yaong pakaskas

Na ubod ng tamis at napakasarap

Kung matitikman mo’y iyong malalasap

Daig ang pukyutan matamis na nectar

 

Dito’y mayroong isang mag kasintahan

Tabi ng aplaya ang kanilang bahay

Matamis matimyas ang pagmamahalan

Ngunit tutol naman ang mga magulang

 

Sila’y nag sumpaang hindi magmamaliw

Ang pagmamahalang sa puso’y natanim

Itong magsing-irog ay nagtatago rin

Na may pag-iingat at ito’y palihim

 

Itong magsing-irog mayroong tagpuan

Na isang maganda at lihim na lugar

Sa tabi ng dagat na may buhanginan

Malaking bato kanilang kanlungan

 

Dahil sa matindi ang pagroromansa

Ang ingay ng alon ay ‘di aliltana

Ang mag kasintahang madalang magkita

Sa ganitong tagpo ay napakasaya

 

Ngunit ang dalaga’y may lungkot na taglay

Ang luha sa pisngi ay nag-uunahan

Laging iniisip ang mga paghadlang

Ng kani kanilang mga magulang

 

At kapag nakita naman ng binata

Na ang kanyang mahal ay tigib ng luha

Aaliwin agad ang kanyang diwata

Huwag kang malungkot ako ang bahala

 

Sabay ang pag dukot ng panyong maningning

Ang luha sa mata’y kanyang papahirin

Saka hahalikan ang kaniyang giliw

Sabay ng pangakong kita’y mamahalin

 

Ang isang masaklap lingid sa kanila

May nakakita sa kanilang dalawa

Sa pag lalambingan at pagroromansa

Pag lasap ng tamis ng pag ibig nila

 

Sapagkat ang tsismis ay napakalakas

Daig pa ang bagyo ang kulog at kidlat

Pagdating sa bahay isinumbong agad

Ang kanyang nakita at kanyang namalas

 

Wala manding puso itong taong imbi

Sa kanyang nakitang mga pangyayari

Dapat ay nagtimpi sa kanyang sarili

Nang ‘di mapahamak itong magsing kasi

 

Walang kamalayan ang mutyang dalaga

Hindi napagtanto na alam na pala

Ng nagagalit na kanyang ama’t ina

Agad siyang sinampal at pinagmumura

 

Itong si babae sa tindi ng hiya

Biglang naglupasay nawalan ng diwa

Ang lupa’y nadilig sa patak ng luha

Hindi naman ‘sya makapag salita

 

Dahil sa dakila na pag-iibigan

Ng dalawang puso na nagmamahalan

Naisip nila at napagkasunduan

Dapat tapusin na ang kanilang buhay

 

Sila ay umakyat sa tuktuk ng bundok

Magkahawak kamay itong magsing-irog

Mga piping saksi kahoy sa palibut

Parehong ang luha nila’y umaagos

SI HABAGAT AT SI DRA. (by: Mr. Lopez)

Mahaba na  ring panahong ‘di ko nakita

Ang maganda at mabait kong dentista

Araw, linggo, buwan at halos taon na

Kung ‘di pa natanggal jacket na gawa ‘nya

Walang dahilan upang ‘sya’y mabisita

At muling mamasdan ang angkin ‘nyang ganda

 

Akin ng itutuloy ang tula kong naudlot

Sapagkat dumating itong kakaibang unos

Umulan ng walang habas at halos nilunod

Ang maari kong daanan patungo sa Lungsod

 

Lahat ng posibleng daan akin ng sinubok

Upang makatawid sa tubig na lampas pusod

Subalit ako’y biglang nakaramdam ng  takot

Sa Leptos Pirosis baka buhay ko’y matapos

 

Ngayon nga’y humupa na dala ni Habagat

Ang dulot na putik, baha at basura’y nagkalat

At mga tampalasan na pumanot sa gubat

Ay heto na nga po at sa ati’y sumambulat

 

Kung may disiplina at pagmamahal sa puso

Di sana nakalbo ang gubat at mga puno

Pati ang basurang tinapon sa mga ilog

Di sana bumabalik ang kalat mong sinabog

 

Salamat Panginoon, iyo pong binasbasan

Na humupa ang baha at delubyo’y naparam

At sana’y maging aral sa kinauukulan

Mahalin ang paligid at ang likas na yaman

 

Muli ako’y babalik sa dentistang aking kaibigan

Ang matulaing duktora, busy sa pagpapayaman

Di lang po siya maganda at mabait na maybahay

Isa s’yang butihing ina na pamilya ang number one

 

Ngayon sana ay nayari na ang jacket kong natanggal

Upang ang magandang ngiti sa labi ko’y maialay

Sa mga makakaharap ‘di na ako mukhang bungal

Sa mga makakausap salita ko’y ‘di na utal

 

Muli ay salamat sa aking dentistang sakdal ganda

Mabait at maunawain ‘di natingin sa pera

Kundi sa magandang serbisyo na maibibigay n’ya

Kung maningil ay tama lang at abot ng iyong pera

 

Dito natatapos ang tula ko sana’y matuwa ka

Hindi po ako makata trying hard lang sabi nila

Hangad ko lang magpasaya at mayroong makabasa

Si duktorang Batanguena ala eh! Kaganda’y kabait pa

 

 

 

ANG AKING KARANASAN SA PANLILIGAW (Tula Ni Tatay Abdon Garces)

by Abdon Garces 

 

Noong ako’y nanliligaw sa nayon ng Sinturisan,

Doon sa isang dalaga na aking napupusuan

Sa pag-upo ko sa papag bakit ako’y nananamlay

Kumakabog ang dibdib  katawan ko ay nangangatal.

 

Sa ganda ng kalooban ang dalaga’y lumalapit,

Umuupo sa tabi ko hindi masyadong madais

Nagtataka ang sarili bakit ako’y nauumid

Gaputok mang pangungusap hindi ako makaimik.

 

Ako nama’y binata na sa edad kong labingsiyam,

Ang galing ko sa pagdiga sa iba kong niligawan

Bakit sa dalagang ito hindi ako makasaysay

Gayon namang halata kong siya nama’y naghihintay.

 

Malayo din naman iyon dumadaan ng San Josep,

Lagi akong pumupunta kahit dilim na pusikit

Habang ako’y naglalakad sige ang aking pagpraktis

Nitong aking sasabihin sa dalagang iniibig.

 

Umuupo naman siya at ako ay hinaharap,

Sa ramdam ko’y naghihintay nitong aking talibukas

Bakit dito sa labi ko’y walang tinig na lumabas

Ang nais na sasabihin ‘di ko nga maipahayag.

 

Minsang ako’y naglalakad na galing sa panliligaw,

Wala namang flashlight naku! ay grabe ang kadiliman

Di kawasa ako pala ay mayroong natapakan

Isang bakang nakalugmok gitnang gitna pa ng daan.

 

Syempre naman ay nabigla at nagulat itong baka,

Bigla itong bumalikwas sya ko namang pagkatumba

Patagilid na bumagsak katawan ko’y bumalandra

Ito’y isang karanasang ‘di mapaknit sa ‘laala.

 

Sa pagdating ko sa bahay ang tiyan ko’y alumpihit.

Nagugutom yata ako ang sikmura’y sumasakit

Wala palang tirang kanin itong aking Ate Nieves

Kaya’t ako’y humimlay na ngunit hindi mapaidlip.

 

Tunay itong pangyayari nitong aking karanasan,

Kahit inyong tanungin pa nariyan at siya’y buhay

Ang tinutukoy kong dalaga kami ay nagkatuluyan

Ni Chiling na hanggang ngayon buong pusong minamahal.

Abdon Garces

BAHA

Ang ulan at pagbaha nga ba’y pag ganti ng kalikasan

Pagkat tayo’y mga palalo at walang pakundangan

Basura’y tapon dito tapon doon kung saan saan

Kaya naman pagbaha kahit saa’y nararanasan

 

Ang pagputol ng mga puno ay isa ring dahilan

Nitong pag ragasa ng tubig mula sa kabundukan

Naiipon sa mga ilog at mabababang lugar

Napupuno ang mga dam at ito ay umaapaw

 

Kaya ang naging sanhi ay pag bahang katakot takot

Sa bubong ng mga bahay kahit kay taas umabot

Mga taong apektado’y ‘di alam kung san susukot

Pagkat bahang rumaragasa’y nakakapanghilakbot

 

Marami ng buhay at mga bahay ang natampalasan

Sa rumaragasang baha pati walang malay ay nadamay

Ang mga alagang hayop, halaman at mga sasakyan

Makikita sa kalye’t mga daan palutang lutang

 

Kahit saang lugar laging may pagbabadya ang ulan

Wala raw namang namumuong bagyo kundi habagat lang

Ngunit kung puminsala animoy dagat ang umapaw

Bakit nga kaya ganito ngayon ang dulot ng tag ulan

 

Ito nga ba ay sanhi rin ng ating kapabayaan

Ang pagiging walang paki alam sa kapaligiran

Ang pagiging palalo natin at walang pakundangan

O sadyang galit na at gumaganti ang kalikasan

 

LESSON OF TIME

KOREK!

MUNI-MUNI

Ano bang mabuting gawin kapag naiinip

At nagsasawa na ang utak sa pag iisip

Kung maari nga lang lumipad sa himpapawid

O kaya’y magtungo sa dagat at sumisid

 

Magmuni-muni kaya ng magagandang bagay

Na maaring ikagaan ng aking isipan

Ang aking masasayang karanasan sa buhay

At mga biyayang bigay ng Poong May Kapal

 

Tulad ng mga ibon doon sa kalawakan

Tila ba kay gaan ng kanilang pakiramdam

At kagaya nila nais ko ring makalipad

Ngunit anong magagawa wala akong pakpak

 

Tulad ng mga isda doon sa karagatan

Sila’y kumakampay kampay at nag uunahan

Ang mabilis na pag sisid kay gandang pagmasdan

Walang alinlangan sa kanilang pupuntahan

 

Ang matatarik na bundok na nagtataasan

Ang malalaking puno na aking natatanaw

Nagtitingkaran ang kulay sa sikat ng araw

Tila nais ko ring maakyat at mapuntahan

 

Ang magagandang tanawing aking nakikita

Sa aking sarili lahat ay humahalina

Malalaking sangang iniindayog ng hangin

Mga mata ko’y dinuduyan ako’y inaaliw

 

At bawat pag ugoy ng mga dahon sa sanga

Sabay kumukumpas ang magandang ala-ala

Ang mga kahapong punong puno ng ligaya

Na tila baga walang problemang dinadala

 

Iba’t ibang uri ng mga hayop at insekto

 Mga sasakyang malalaki tulad ng barko

Ang treno at eroplanong hinahangaan ko

Lahat ng ito’y sumusulyap sa isipan ko

 

Masarap magmuni-muning mata’y nakapikit

Sari saring bagay ang pumapasok sa isip

Tila ayaw kong gumising sa ‘king panaginip

Nakaka-aliw, nawawala ang pagkainip

 

Ni ayaw kong tumayo sa ‘king pagkakaupo

Dito’y payapa ang isip at ang aking puso

At sa pwesto ko’y abutan man ng takipsilim

Ako’y magmumuni-muni hanggang sa magdilim

 

Kaya kung minsang tayo’y nagugulumihanan

At kung salasalabat na ang nasa isipan

At waring nawiwindang ang ating pakiramdam

Pagmumuni-muni pala, minsan ay mainam

NAABOT KO RIN ANG MGA BITUIN


Pakisap kisap ang bituin sa langit

Para bang nanunukso at nang-aakit

Waring wika, sa kanya ako’y lumapit

Kahit kay taas, abutin ko ‘syang pilit

 

Pa’no ka aabutin sa kalawakan

Gayong kapos yaring aking kamay

Di ba maaring sa’yo ako’y maghintay

Na bumagsak na lang sa aking harapan

 

Bituin sa langit ginawang patnubay

Pag-abot ng mga pangarap sa buhay

Ako’y mag-aaral, ako’y magsisikhay

Gagawin kong hagdan, gagawin kong gabay

 

At natapos ko ang mataas na antas

Ang makinang na bituin sa itaas

Na kay hirap maabot, kay ilap-ilap

Napasakamay kahit aandap-andap

 

Aandap-andap man ngunit may liwanag

At may pangako pang magagandang bukas

Kaya lagi ang pagtunghay sa itaas

Nakaabang sa bituin, nagmamatyag

 

Sa dami ng balakid na dumarating

Kahit ‘di gaanong bituing maningning

Ang aking mahahawaka’t maaangkin

Sa puso ko’y maluwag kong tatangapin

HETO ANG AKING KWENTO

Noong kamakalawa:

Naramdaman ko ang kalungkutan

Ang aking mga mata’y malamlam

Talo ko pa nga ang namatayan

Bingi sa iyong katahimikan

 

Noong isang gabi:

Isipan ko’y laging naglalakbay

Habang paa ko’y humahakbang

Ang mensahe mo ang hinhintay

Ngunit napagod rin pag-aabang

 

Kinabukasan ng umaga:

Ganun pa rin ang pag-aalala

Bakit nga ba bigla kang nawala

May nasabi ba akong masama

Iyan lagi aking winiwika

 

At kahapon ng hapon:

Inihiga, pagal na katawan

Sa dami ng ngiping pinastaan

Saglit akong naalimpungatan

Ika’y nawaglit sa ‘king isipan

 

Ngunit heto sa aking pagdilat

Pangalan mo, nasa aking utak

Kaya agad, laptop hinagilap

Upang kwento ko ay maisulat

 

Hehe! 

WALA LANG

Nais kong lumisan sandali

Limutin ang munting pighati

Ayaw kong dito’y manatili

Kung saan ako nagkukubli

 

Ang aking mga alinlangan

Sa mundo kong ginagalawan

Nais ko sanang paliparin

Isabay sa ihip ng hangin

 

Nais ko’y isang bagong mundo

Puno ng pangako’t pagsuyo

Walang damdaming nasasaktan

Walang taong nahihirapan

 

Punong puno ng kasiyahan

Walang puwang ang kalungkutan

Laging may pag-uunawaan

Kay ganda ng kapaligiran

 

Sabihin mang walang ganito

Kundi sa panaginip lamang

Marahil ay nanaisin ko

Parating mapanaginipan

Hehe!

PUSONG SUWAIL

Bakit nga ba ang puso kay hirap turuan

Sa lahat yatang parte ng ating katawan

May damdaming kay hirap pakibagayan

Paliwanaga’t may sariling katwiran

 

Sawayin mo, may kanyang paninindigan

Pagsabihan mo, nagbibingi bingihan

Diktahan mo at ‘di ka ‘nya pakikinggan

Pakiusapan mo, ikaw’y iirapan

 

Di mo maunawaan, may pagka hangal

Lalo na sa larangan ng pagmamahal

At kahit pa kay dalas ng pag atungal

Di alintana, maghintay ng matagal

 

Ang isip ayaw gamitin sa pag-ibig

Dibdib na nagsisikip ang kumakabig

Taliwas na damdamin, nagpupumilit

Handang magtiis gaano man kasakit

 

Iilan nga ba ang pusong masunurin

Nakahandang makinig at ‘di suwail

Ang pangangatwiran ‘di nakakagigil

May damdaming kay dali mong suyuin?

I WANT TO GROW OLD WITH YOU

My BFF

Vodpod videos no longer available.

1st collector for My BFF
Follow my videos on vodpod

Dinner@Mann-Hann

Vodpod videos no longer available.

AANDAP-ANDAP

Matagal nanamlay ang aking mga kamay

Sa pagsusulat pansamantalang humimlay

Sa pagkakalugmok hindi na nakagalaw

Animo’y kasintahang iniwa’t namanglaw

 

Nakatitig sa keyboard animo’y bangag

Matamlay ang utak at aandap-andap

Marahil wala ng kwentong maisulat

Wala na ring bagong balitang nakalap

LAMAT


Ang damdamin minsan biglang sumasabog

Animo’y babasaging iyong naumpog

O parang basong sa sahig ay nahulog

Magkakalamat minsan pa’y madudurog

 

Tulad nito ay samahang nagka lamat

Na biglang mawawasak sa isang iglap

Mga bagay na ‘pinagpapasalamat

Minsa’y ‘di mabalik naglalahong ganap

 

Mga pangyayari laging tinatanong 

Ano ang dahilan bakit nagkaganun

Ang damdamin pa’y hindi mapahinahon

Katawang nangangatog nais magkulong

 

Nakatimo sa dibdib ay malaking tinik

Ito’y nanunukal pilit sumisiksik

Utak pa’y nalilito at ‘di na malirip

Gayong ‘di nararapat na isa-isip

 

Maraming bagay ang dapat nating ingatan

Mga damdaming kay daling masugatan

Samahang kailangang pahalagahan

Upang ang lamat ay ating maiwasan

2011 in review

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2011 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

The concert hall at the Syndey Opera House holds 2,700 people. This blog was viewed about 28,000 times in 2011. If it were a concert at Sydney Opera House, it would take about 10 sold-out performances for that many people to see it.

Click here to see the complete report.

KAARAWAN MO NA NGAYON

Ang nais ko sana ika’y mahandugan

Ng maikling tula sa ‘yong kaarawan

Ngunit lakad ko ngayo’y ‘di maiwasan

Kaya ako sana’y pagpapasensyahan

 

Ngunit ganun pa man, ako’y bumabati

Taos puso at walang pagkukunwari

Limampo mong taon, ‘di na mababawi

Sadyang sa patanda, iyan mauuwi

 

Maligayang bati sa ‘yo kaibigan

Sa ika limampo mong taong ka’rawan

Biyaya ng Maykapal nawa’y makamtan

At gabayan, landas, na patutunguhan

 

Sa araw na ito’y lubusin ang saya

Makamtan mo sana, tunay na ligaya

Sa iyong mga anak at kapamilya

Mga kaibigan at kaopisina

 

Hayaan ang sariling makapahinga

Kalimutan ang trabahong ‘sang katerba

Haraping may ngiti ang mga bisita

Masarap na pagkai’y ihanda mo na

 

At sa ‘yong kaarawan nais kong magbanggit

Nang ilang kataga na dapat masambit

Nagmula sa puso sadyang naka ukit

Na maaring sa damdamin mo’y gumuhit

 

Ilang taon na rin ba ang nakalipas?

Samahan natin ‘di pa rin kumukupas

Tanda ito na kahit ano mang oras

Pagkakaibigan nati’y hanggang wakas

 

Ikaw ay sumubaybay sa aking buhay

Halos magkapatid ang ating turingan

Sa oras malumbay ikaw ang takbuhan

Parang isang anghel sa’ki’y gumagabay

 

Ibang kaibigan at mga kapamilya

Pagkilala sa akin ay hindi iba

Kaya naman ako’y ganun din ang badya

Upang ang samahan ay lalong gumanda

 

Sana’y ‘di ka magbago ‘yan ang dalangin

Sa ‘yong ugali’t pakikitungo sa ‘kin

Ang magagandang pinagsamahan natin

Sa tuwa at lungkot ‘wag sanang kalasin

 

Maganda mong mukha na laging may ngiti

Sana sa ‘yong pagkatao’y mamalagi

Wag kokontrahin salitang namutawi

At sadyang namulos sa ‘king mga labi

 

Tamang tama, gabi kita pupuntahan

Isang halik, kita’y pasasalubungan

Sabay ang dalangin sa Poong Maykapal

Na dagdagan pa, kaarawang daratal

 

Mga labi ko sana’y mamantikaan

Nang marami mong handang kaabang abang

Ang masarap na pansit, luto ni Indang

Katakam takam, nais ko ng matikman

 

Pagdiriwang mo sana’y maging masaya

At ang puso mo’y aming mapaligaya

Ang ngiti mo sana’y umabot ng teynga

Habang binabasa tula kong kay ganda

KAIBIGANG EDNA

E-spesyal ang pagtingin sa ‘yo kaibigan

Kung anong dahilan ‘di ko malaman

Maaring ugali mo, aking naibigan

At pakikisama’y ‘di matatawaran

 

D-ahil sa angkin mong kabutihan sa ‘kin

Kay daling napalapit, aking damdamin

Mga paalala’y ‘di ko lilimutin

Pagkat lahat ng ‘yon sa puso’y tumanim

 

N-aging malapit tayo sa isa’t-isa

Kahit kay dalang ng ating pagkikita

Kahit layo mo sa aki’y milya milya

Pagkakaibigan natin, damang dama

 

A-ko’y nagpapasalamat at nakilala ka

Tunay namang sa aki’y nagbigay saya

Sa buhay kong payak nagbigay kulay pa

Nawa’y manatiling magkaibigan t’wina

 

Pagkikita’y sadyang kinasasabikan

Pakikipag “chat” laging inaabangan

Pagkat tuwa sa puso’y walang kapantay

At ngiti sa mga labi’y walang humpay

 

Sana kaibigan tula ko’y naibigan

Marahil ikaw ay namimiss ko lamang

Kaya ang pagtula ay aking naisipan

Upang ipadama damdaming nanahan

 

——————————

Ganyan ka nagmarka sa puso ko kaibigan

Lalo na’t kita’y nakaharap, nakahuntahan

Kaya nanariwa, masaya nating kwentuhan

Dumalang man noon, nauunawaan

 

Ala-ala mo ay tinik kung sumiksik

Sa bawat pagsungkit ano namang sakit

Mga kwentuhan natin ang tagapatid

Sa ‘yong mga ngiti ako’y nasasabik

 

Marahil kung ako ay malapit sa ‘yo

Inabala kita sa iyong trabaho 

Ika’y aayain kumain ng puto

At tinapay na monay doon sa kanto


NATRAPIK

NATRAPIK

 

Ang utak ko’y natrapik sa pag-iisip

Pinipilit kong tula, tuloy naipit

Heto’t oras ng trabaho’y nagpipilit

Kahit daliri sa keyboard, mamilipit

 

KATAMARAN

 

Katamaran, bakit ka ba dumadalaw

Wala ka bang magawa’t nambubulahaw

Kay rami ko pang gawaing naghihintay

Pwede bang sa aki’y lumayo’t lumubay

 

Iba na lang tao ang iyong kulitin

Pakiusap, ako muna’y iyong sundin

Trabaho ko ngayon, kelangang tapusin

Madodoble bukas ang aking gagawin

 

Balak mo bang umalis sa ‘kin o hindi?

O, baka gusto mo’y parusang matindi

Teka’t kukuha ako ng enerhiya

Pihong lagot ka sa ‘king katamaran ka

 

EHERSISYO

 

 

Aalis sa bahay ng maaga

Upang doon sa gym ay magpunta

Naaaliw maigi mag treadmill

Nang mabawasan, malaking bilbil

 

Napudpod na ang bagong sapatos

Sa makalyong paang may paltos

Ang pawis sa mukha, umaagos

At hanggang sa dibdib, bumubuhos

 

Pero bakit ‘di nababawasan

Ang bigat, ganun pa rin ang timbang

Araw-araw nag eehersisyo

Magbunga sana ang sakripisyo

 

Pag-uwi, paa’y nasa timbangan

Dismaya, pag timbang natunghayan

Dating bigat ‘di nababawasan

Kahit pakiramdam ay gumaan

 

SA LIKOD NG MGA ULAP

 

Sa aking paglabas ng aming tahanan

Mata ko’y napasulyap sa kalangitan

Maliwanag na ulap ay pinagmasdan

At naaliw sa kulay ng kalawakan

 

Ang oras ko’y pinalipas sa pagtitig

May ibat ibang hugis kaibig ibig

May dilim at liwanag, ako’y naantig

Tuloy may nabuong tanong sa ‘king isip

 

Baka sakaling dito ko maapuhap

Sagot na wari’y nasa likod ng ulap

Buhay at pangarap na aandap andap

Agam agam at problemang hinaharap

 

Ang buhay ng tao’y ulap ang kawangis

Sadyang may saya at mayroong hinagpis

Ang ulap manding nagdidilim sa langit

Kapara’y buhay natin minsa’y kay lupit

 

Dumanas man ng dilim sa tubig ulan

Nagliliwanag rin pag sikat ng araw

Tao mang kaakibat ang kalungkutan

Naglalaho napapawi’t napaparam

 

Sadyang ganito ang ating kapalaran

Kapara’y tanawin sa ‘ting kalawakan

Inog ng panaho’y walang katiyakan

May liwanag at minsa’y may kadiliman

 

Ano mang hirap ang ating pagdaanan

Wag susuko pagkat ating makakamtan

Dahil ang liwanag sa likod ng ulap

Ang pag asa sa problemang kinakaharap

 

 

MAG EHERSISYO TAYO

Binibilang ko ang bawat kisap

Nitong ilaw sa aking harap

Pati ang lagitik at tiktak

Nitong minuto sa pagpatak

 

Binibilang ko ang bawat hakbang

Nitong paa kong walang ngalay

Pati kamay ko sa pagkampay

Kasabay ng bawat paghakbang

 

Bumibilang ang aking isip

Hanggang maka tatlumpong ulit

Sabay ang masahe sa leeg

At pahid ng pawis sa bisig

 

Hingal na ako’t namumula

Sa pawis na kumakawala

Sa katawan kong sobrang taba

At sa bilbil kong lumba lumba

 

Ilang hakbang din ang nalakad

Nitong paa kong malalapad

Umaga’t gabi kong ginagawa

Nang “cholesterol” ko’y mawala

 

May mabigat pang binubuhat

Nang mga braso ko’y tumigas

Humihiga pa ako’t nag-iinat

Upang binti’y wag mamulikat

 

Kapag katawa’y napunasan

Masarap na ang pakiramdam

Parang sa isip ko’y gumaan

Kahit sa timbanga’y ‘di pa man

 

Kaya ipagpapatuloy ko

Wag lang mabali aking buto

Hanggang makuha tamang timbang

At “cholesterol” ko’y matunaw

LILISAN KA NA


Ang bawat sandali ngayo’y kumukumpas

Habang ang damdamin ay nagpupumiglas

Ngunit ang bibig walang maibulalas

Nananatiling tikom ‘di maibukas

 

At bumibilis ang pagdilim ng gabi

Kumakaripas rin ang bawat sandali

Bawat oras ay waring nagmamadali

Ngunit salita’y ayaw pang mamutawi

 

Sige na nga ikaw ngayon ay lilisan

Iiwan mo kami ng siyam na buwan

Baunin mo yaring aming pagmamahal

Pero suklian mo ng maraming dolyar (hehe)

 

Ingatan ang sarili sa araw-araw

Manatiling masaya, ‘wag mamamanglaw

Nandito lang kami sa ‘yo’y maghihintay

Sama samang uuwi sa bagong bahay

 

Tayong dalawa’y talagang pinagtagpo

Nitong tadhanang lubha ngang mapagbiro

Pagkat minsa’y ‘di maarok, ‘di matanto

Ang mga reklamo’t hinaing ng puso

 

Ngunit sa bawat paglipas ng panahon

O kaya’y pagdaan ng maraming taon

Ang mga problemang sa ati’y nabaon

Kapit kamay, hinanapan ng solusyon

PITAKA KO

Gastos ‘di ko mawari, bakit ganito?

Sunod sunod na dumating buong linggo

Pitaka ko ay biglang nag alburuto

Wala na ‘kong madukot, kahit ‘sang libo

Sabay sabay dumating mga bayarin

Paano ba ito, saan ko kukunin?

Nakakahilo, kung laging iisipin

Manapa’y iwaksi, tinago’y dukutin

Bakit ba ang pera’y kay dulas sa kamay

Di pa nahawakan, ibig ng bumigay

Para sa mga bilihing walang humpay

At bayaring kung dumating sabay sabay

Mga bagay na kailangang gastusan

Ano’t nangyari sa loob ng isang b’wan

Pigilan ko man ay ‘di na naiwasan

Kaya ngayon, panahon ng kagipitan

Parang inaapanas aking katawan

Alumpihit sa ‘king kinatatayuan

At sa bawat minuto’y nasa isipan

Na kaylangan ang pitaka ko’y malamnan

Malapit pa naman sumapit ang pasko

Di pwedeng walang laman ang pitaka ko

Baka mga inaanak ko’y mamasko

At isa –isang humingi ng regalo


BARYO SAN PABLO


 

B Baryo San Pablo, lugar kong sinilangan

Probinsya ng batangas, bayan ng bauan

Maliit na baryo, malayo sa bayan

Paligid ay bundok, tanaw ang karagatan

 

S Sa aming baryo lahat nagdadamayan

Ang samahan dito’y ‘di matatawaran

Sa panahon ng mga pangangailangan

At pati na sa oras ng kagipitan

 

A Ang mga nakatira rito’y masasaya

Sa lahat ng bagay ay may pagkakaisa

At kahit pa sa kwentuhang maseselan

Balewala at ginagawang kasiyahan

 

N Nakakatuwa pag ika’y napakwento

Di ka tatayo sa pagkakaupo mo

Lalo na pag si Alvin ay ‘yong kagrupo

At minyag Edil ang magpapasimuno

 

P Pag nasimulan ang masayang kwentuhan

Kasunod nito’y matinding halakhakan

Di magsasawa kahit pa magdamagan

Ganun din kapag tong its ang nasimulan

 

A Ang mga tao sa ‘ming baryo’y masisipag

Iilan at mabibilang lang ang tamad

Kahit ang mamuhay dito’y sobrang hirap

Para sa mga anak sila’y nagsisikap

 

B Buhay sa ‘ming lugar ganito pag minsan

Kapag walang magawa nasa huntahan

At pati kabataan nasa umpukan

Hanggang ito’y mauwi na sa ligawan

 

L Lahat na tanawin dito’y nakaka-aliw

Mga matatanda’t bata’y kagiliw giliw

Ang dalisdis ng bundok, puno ng pananim

Mata mo’y masisiyahan san ka man tumingin

 

O O’ kaya kayong mga tubong San Pablo

Umuwi naman, magbisita sa ‘ting baryo

Dito’y marami ng mga pagbabago

Na ngayo’y maaring ikagulat ninyo

ISANG UMAGA SA PROBINSYA


Isang magandang pagsikat ng araw ang sumilay

Kaya’t ako’y nagmadaling lumabas ng bahay

Sinamyo ko ang malamig na hanging amihan

At ninamnam ang dampi sa ‘king buong katawan

——

Maaliwalas ang paligid ng aming bahay

Mga manok ay tumilaok ng sabay sabay

Kambing na nakatali sa puno’y nag-iingay

Marahil ay naghihintay ng kumpay ni tatay

 ——

Ilang sandali pa’y lumabas na rin si Cysai

Ang maingay kong asong taga bantay ng bahay

Pakembot na lumapit buntot ay gumagalaw

Na waring bang nasiyahan rin sa sikat ng araw

 ——

Biglang may dumamping malamig sa aking binti

Sumunod na rin pala ang aso kong si puti

Sa akin palang binti, dumila ng kaunti

Sa gulat ko’y natapakan ang buntot ‘nyang munti

 ——

Ang pusa pala ni nanay, kanyang binulabog

Sa mahimbing na tulog doon sa isang sulok

At sa galit sa kanya ang mukha ay kinalmot

Pangil ‘nya’y walang nagawa, kaya napasugod

 ——

Ang tingin ko’y biglang nagawi sa aming hardin

Kay gandang pagmasdan ng mga halamang tanim

Nakahanay sa bakod, namumulaklak na rin

May paro paro’t tutubi, gusto kong hulihin

 ——

Mga binti ko’y nangalay sa pagkakatindig

Paa’t kamay kong masasakit, waring namimitig

Kaya lumakad konti, kinuha ang pandilig

Pagkat gulayan ni tatay uhaw na sa tubig

 ——

Sa ‘king paglakad natapaka’y bahay ng hantik

Mula punong manggang bulaklak, hitik na hitik

Anong hapdi, anong sakit, kagat nitong lintik

Kaya hakbang kong pabalik, nagkawitik witik

 —–

Agad kong nilinis, hinaplusan ng alcohol

Sa sobrang kirot ‘di naiwasang mapasipol

Marahil, natapakan kong hantik, isang kumpol

Sa dami ng kagat paa ko’y biglang bumukol

 —–

Ganitong karanasan at tanawing kay ganda

Manok, kambing, aso, pusa, hantik, at iba pa

Ito’y mga simpleng bagay, nagbibigay saya

Na pagka minsa’y ating binabalewala pa

 —–

Paminsan minsang uwi sa probinsya’y masarap

Lalo kung sariwang hangin ang ‘yong hinahanap

At bagong pitas na gulay ang ‘yong malalasap

Tiyak maaantala, pagbalik mo ng syudad

NAKATATAK SA GUNITA

Ano nga kaya ang pinag-uusapan

Kapag ang isang nilalang ay pumanaw

Yaon ba’y ang naiwang kayamanan

O kaya’y kanyang magandang katauhan?

 

Di ba’t ang kanyang magandang ala-ala

Noong mga panahong ‘sya’y nabubuhay pa

Bagay na nananatili sa gunita

Nakatatak, kaylanma’y ‘di mabubura

 

Mangingibabaw, magandang katauhan

Nalilimutan ang material na bagay

Naglalaho at nawawalan ng saysay

Sapagkat ‘di nadadala sa hantungan

“UNDAS”

Malapit ng sumapit itong araw ng mga patay

Ang mga tao dito sa syudad nais mag-uwian

Sa kani kanilang mga probinsya o lalawigan

Upang gunitain mga kamag-anak na pumanaw

 —–

Marami na rin ang bumisita sa mga sementeryo

Upang linisan at mapinturahan ang mga nitso

At ang paligid nito ay tatabasan rin ng damo

Upang masiyahan ang mga mahal nilang yumao

—–

At sa pagsapit ng eksaktong araw ng mga patay

Dala nila’y sari-saring bulaklak na iaalay

Ganun din ang mga kandilang may iba’t ibang kulay

Tanda ng pagmamahal sa yumaong mahal sa buhay

—–

Iba’t ibang tagpo ang makikita sa sementeryo

May kanya kanyang gimik ang mga nagtutungo rito

Mga kabataang dumadalaw may dala pang radyo

Sari-saring ingay, naririnig ng nagrorosaryo

—–

Habang mga kamag anak taimtim na nagdarasal

Sa kaluluwang nasa purgatoryo o kalangitan

Sa isang sulok ng nitso’y may kwentuhan at tawanan

At may mga kabataan na masayang nagsusugal

 —–

Sari-saring pagkain ang kanilang inihahain

Kahit doo’y maghapong mamalagi ‘di gugutumin

Kung iyo ngang pagmamasdan mukhang nagpiknik ang dating

Kulang lang pati ang yumao’y bumangon at kumain

 —–

At pagsapit ng ilang oras ng kanilang pagdalaw

Sila’y babalik sa kani-kanilang mga tahanan

Magmumuni-muni ng mga ala-alang iniwan

Nitong mga mahal nilang kamag-anak na pumanaw

  —–

At bagaman malungkot ang pag dalaw sa sementeryo

Dahil sa masakit nilang paglisan dito sa mundo

Ay nagiging masaya na rin dahil sa kumustahan,

Sa kwentuhan at tawanan ng mga kamag anakan

“BLOGSITE KO”

Mistula na ako ditong kitikiti

Ang mga daliri ko’y ‘di rin makali

Ang nais ay tumipa na lang parati

Sa pag gawa ng tula ay nawiwili

 ——

Bagong tula, laging pinag-iisipan

Mahirap man ay nagsisilbing libangan

Lalo sa oras na may katahimikan

Dito sa loob ng aking pagamutan

 ——

Laking pasalamat sa “blogsite” kong ito

Dito’y nagagamit ko aking talento

Kaibigan na nga ang turing ko dito

Pagkat ‘sya ang parating kakwentuhan ko

 ——

Pang-aliw rin sa ‘king matang inaantok

At pang gising sa diwa kong natutulog

Pang-alis rin ng nararamdamang bagot

Minsa’y sumbungan rin ng mga himutok

 ——

Di ko nararamdaman ang pag-iisa

Pagkat oras-oras lagi ko kasama

Kaisa ng puso’t damdamin ko t’wina

Dulot nito sa aki’y ibayong saya

 ——

Di ko na kelangan pang mag “chat” sa “ym”

Upang sarili ko ay aking aliwin

O di kaya’y atupagin ang mag “Farmville”

Dito’y mabubulok lang ang aking tanim

 ——

Kaya sa ‘king mga “friends” dito sa “facebook”

Sa aki’y wag ipaalaga, tanim ‘nyong “fruits”

Salamat na lang sa maraming klaseng “gifts”

Pasensya na kung “I ignore and don’t accept”

“ANG PUSTISO” (NI MR. ALBERTO LOPEZ)

 

Ano na ba ang nangyari dito sa aking sarili?

Pustiso ko ay nahati hindi ako mapakali

Nais ko sanang idikit, pero hindi naman pwede

Baka ako ay malason kung lalagyan ko ng rugby

 —–

Lumipas ang mga araw tiniis ko ang nangyari

Di ko maipagawa ito pagkat wala akong money

Upang ito ay magamit, Fixodent aking binili

Para hindi ito mahulog, dumikit na mabuti

 —–

Mga araw  ang lumipas, buwan, taon ay nalagas

Inisip kong palitan na ang pustisong walang kupas

Tinungo ko ang klinika ni doctora Esperanza

Upang aking malaman kung ang money ko’y magkakasya

 —–

Bagama’t may kamurahan, sapagkat ako’y suki na

Mahal pa ring ituturing lalo na sa walang pera

Kaya’t ang aking ginawa, unti unti’y nag- ipon na

Upang aking mapalitan at ako ay pumogi na

 —–

Ano ba at isang araw inalis ko ang pustiso

Pagkat gilagid ay masakit at may gasgas pa ito

Ang inalis kong pustiso ibinalot ko sa tissue

Ipinatong ko sa table, doon sa aking kuwarto

 —–

Ang mabait kong katulong, masipag na, malinis pa

Araw-araw nagwawalis, nagluluto naglalaba

Minsang naglinis ng bahay, pati tissue dinampot ‘nya

Walang malay na pustiso, isinama sa basura

 —–

Ang una kong naramdaman ay galit at hinayang

Pitong taon kong kasama ang pustisong minamahal

Nililinis, tinutoothbrush, may garapon na lalagyan

Subalit sa isang iglap, ito’y naglaho’t naparam

 —–

Pano na ako kakain? Pano na ako ngingiti?

Kahit na ako’y pangit, pag may pustiso feeling pogi

Pero ngayong nawala na, gumuho na ang pag-asa

Na ako ay makanguya pa ng paborito kong pizza

 —–

Kaya ngayon aking ginawa, pumunta ng klinika

Ni doktora Esperanza, ang magaling na dentista

Mura ‘sya kung sumingil, ang kamay ‘nya ay kay gaan pa

Ang pustiso ‘nyang ginawa pitong taon ko kasama

 —–

Dapat nga ay tatlong taon lang ito’y palitan na

Subalit dahil sa tibay, pitong taon inabot ‘nya

Kung ‘di pa nabali, at napagkamaliang basura

Baka umabot ng walong taon, aming pagsasama

 —–

Kaya ngayon ang payo ko sa sino mang may pustiso

Wag ninyo ito ibalot sa papel o sa tissue

Baka ito ay madampot, o makagat pa ng aso

O masama sa basura, magba-bye din ang pustiso

 —–

Dito ko na tinatapos ang kasaysayan ko’t kwento

Sa malungkot na sinapit sa naparam na pustiso

Masakit man sa sarili, dapat ay tanggapin ito

Na lahat ay may hangganan at katapusan ng kwento

 —–

Kaya muli ang payo ko ingatan mo ang pustiso

Kagaya ng pag-iingat sa sarili at mahal mo

Mahalin ito’t ingatan, kung pwede nga ay ikwadro

Nang ngiti’y ‘di maparam, feeling pogi pag may pustiso.

  

SAGOT KO SA IYONG TULA MR. LOPEZ

ANG “PUSTISO”

 

Alam mo Mr. Lopez, ako sa iyo’y natutuwa

Di ko akalain ikaw pala’y isa ring makata

Sandali nating pag uusap agad kang nakalikha

Nangyari sa kawawang pustiso, agad mong natula

 —–

Nang iabot mo sa akin ako’y namangha’t nagulat

Sa ‘sang kapirasong papel mo lang ito naisulat

Ang ginamit mo pa ngang panulat, mukhang nagkakayat

Ngunit ang ginawa mong tula ay may tugma at sukat

 —–

Pitong taon na pala ang pustiso mong ginagamit

Kaya pala pakiramdam, sa gilagid pumupunit

Huwag ka ng manghinayang sa kanyang pagkakawaglit

Sa tagal ng panahon, luma na, dapat ng magpalit

 —–

Wag kang mag-alala presyo kong binigay mababa lang

Ang kalidad naman nito sa halaga’y katamtaman

Syempre ako’y natutuwa’t ako’y iyong binalikan

At pustiso kong ginawa iyo palang nagustuhan

 —–

Artipisyal man ang ‘yong ngipin dapat kang  maging pogi

Mag mukhang natural at may ngiting nakakabighani

Kumportable sa bibig at naingunguyang mabuti

Di kukupas, matibay at ‘di madaling mababali

 —–

Bago mong pustiso sana’y iyo pa ring magustuhan

Pinili ko’y tamang hugis, sa mukha mo’y ‘syang babagay

Hindi maputi, ‘di rin gaanong madilaw ang kulay

At sa kutis mong kayumanggi, iyan ay katamtaman

 —–

Payo ko sa ‘yo, bagong mong pustiso’y paka ingatan

Huwag mong ugaliing tissue ang pagbabalutan

Lalo na kung pagpapatungan ‘di mo matatandaan

Pamihadong hahabulin mo ‘ yan dun sa basurahan

 —–

Kalimitang kwento ng pasyente ay parepareho

Pagdating sa kanilang iniingatang pustiso

Kapag inalis sa bibig ay binabalot ng tissue

Pagkatapos, ‘di na malaman kung saan naipwesto

 —–

May ibang nagtataka kung bakit ngipin ay natanggal

Ganong kinain lang daw nila ay kapirasong pandesal

Biro ko baka naman tinapay nila’y sobra ng tagal

Di malayong ngipin sa pustiso ay sadyang mabungal

 —–

Ang pustiso natin ay isang artipisyal na ngipin

Di ito pwedeng ikagat ng matigas na pagkain

Piling pili at minsan pa’y iyong pakakaisipin

Kung ang pagkaing ngunguyain, kaya nitong ngalutin

HAMON NG PANAHON


 

Bahagya ko ng naaaninag ang magarang korona

Dumampi’t sumilay sa nakapikit kong mga mata

Tilaok ng manok sa kapit bahay, narinig ko na

O kay sarap namang gumising, bumangon ng maaga

—–

Makasilip nga sa ming bintana at ng maramdaman

Ang sinag at dampi ng haring araw sa ‘king katawan

Bago bumaba ng hagdana’t magluto ng almusal

Makakain bago magsimula ng gawaing bahay

—–

Mahimbing rin ang aking pagtulog sa malamig na gabi

Kahit bago nahiga sa kama’y uminom pa ng kape

Sa ganda ng panaginip ko’y waring ipinaghele

Kaya kumpletong tulog ko, dulot ay ibayong ngiti

—–

Bahagya palang umulan kamakalawa at kahapon

Kumulimlim man ngayon sana’y manatili lang ambon

Pagkat ang ganitong buwan ay sadyang napapanahon

Walang magawa kundi tanggapin, hamon ng panahon

1:00pm—–

Katanghalian ngayon ngunit walang tindi ang init

At matapos si Pedring mukhang nagbabadya ang langit

May dalamhati atang muli sa ‘ti’y ipababatid

At paulan ulan, paambon ambon nais magsungit

—–

Lumulungkot na rin ang liwanag sa ‘ting kalawakan

May natanaw na rin akong bahaghari sa kanluran

Nakayuko doon sa kalawakan ng karagatan

Kung saan naroon din ang habagat at ang amihan

—–

Asul na kulay ng langit kanina, ngayo’y naging abo

Dagdag pa ang mabilis na ulap sa kanyang pagtakbo

Kay lupit naman pagkat may susunod pa nga raw bagyo

Marahil buong Pilipinas may ulan buong lingo

KASIYAHAN .. IKAW YON

 

Sana’y pwede kitang agawin sa b’wan at mga tala. 

Ihiwalay  sa langit at ibaba dito sa lupa

Maisama ka lagi sa aking mga talinhaga

Dahil ikaw na nga yaong hinahanap kong hiwaga

 

Sana’y maisilid kita sa ‘king dibdib

Manatiling kasama at laging kipkip

Magdudulot ng sayang wala ng patid

At yayakap sa ‘kin ng ubod ng higpit

 

Ikaw ang laging nakaukit sa aking ala-ala

Sa aking balintataw ikaw ang laging nakikita

Patirin ka man sa puso ko’y ikaw ang dinidikta

Marahil ikaw na nga itong pangarap kong ligaya

 

Kung bakit sa ngayon ‘di ko mapanatili ang ngiti

Kahit ang unos ay dumadaan lang sa ‘kin sandali

Kahit pa nga ito’y paminsan minsan lang nagagawi

Sa puso ko’y patuloy na tumitiim pa rin ang hapdi

 

Kung bakit sa t’wing namamanglaw ang langit

Saka naman sumasabay sa pagngitngit

Ang pabugso bugsong galit ginigiit

Wala mang pasubaling ‘di maisingit

 

Kung bakit sa paulit-ulit mong paghagupit

Kahit padaplis daplis, katawan ‘di mangawit

At ‘di man lang nakakaramdam ng pagkamanhid

Kahit tagos laman hanggang buto ang pagsiksik

 

At kung bakit kapag ganitong bumubuhos ang ulan

May kung anong bagay ang pumapasok sa ‘king isipan

May parating natatanaw at pilit binabalikan

At nais ay ihinto ang oras ng kasalukuyan

 

LIBANGAN KO ANG MAGSULAT

Naging madalas kong aliwan ang pagsususlat

Ang humabi ng tula sa halip makipag chat

Dito’y madali’t malaya kong naihahayag

Ang mga katagang sa inyo’y nais  ilahad

—–

Kapag tuluyang dumaloy sa isip ang paksa

Para sa aki’y ‘di mahirap magtugma tugma

Madali kong naaabot tamang talinhaga

At sa pag-iisip ‘di ako natutulala

—–

Kahit anong pangyayari, aking masalabid

Agad kong ginagamit ang naisipang tiknik

Mabilis kikilos ‘di magpapatumpik tumpik

Hahagilapin ang keyboard at isasatitik

—–

At kung hindi ganado sa pag katha ng tula

Napaka hirap mahagilap tamang salita

Na waring utak ko’y mistula ng nakokorta

At pati mata kong dilat, nagmumuta na

—–

Tulad ngayong katahimikan ng hatinggabi

Di dalawin ng gana sa tulang hinahabi

Mabuti pang tumayo’t maghilamos sandali

Upang maibsan mga mata kong nanghahapdi

—–

Nagkabuhol buhol na rin itong aking utak

Sa kakaisip sa mga gawain ko bukas

Ang oras pa naman ay kay daling lumilipas

Nag-aabang na gawain ko’y namumutaktak

—–

Heto’t matutulog pa lang ay iniisip na

Ang pagkaing lulutuin bukas ng umaga

Ilang oras lang itutulog, ipapahinga

At manok ng kapit bahay ay titilaok na

—-

Magkakape pa sana ako’t magtitinapay

Pag tingin ko sa garapon ay walang asukal

Kaya tumungo sa paminggalan at namungkal

Subalit wala na rin palang natirang bahaw

—–

Mabuti pa kaya’y matulog ako ng mahimbing

Kaysa isipin ko na agad ang aking pag gising

Pagkat wala na rin palang bigas ni katiting

Pano na ang pag gising kung walang isasaing

—–

Mabuti na lang at bukas ay araw ng linggo

Tiyak tanghali ang gising ng mga anak ko

Makakapamalengke pa’t makakapag luto

Kaya may solusyon rin sa pinoproblema ko

—-

O’ Kay hirap naman ng walang kasambahay

Wala man lang makatulong pag-uwi ng bahay

Ang mga anak pagod na rin galing eskwelahan

Kaya lahat ng gawain ay pagsisikapan

—–

Dito sa pagsusulat sarili ko’y inaaliw

Nahahasa pa itong utak kong inaagiw

Kahit ano mang bagay ay isinisiwalat

Walang paki alam kung mga mata’y mapuyat

TULA SA AKING KAPATID

 

 

Si Necing na aming kapatid mabait mapagtiis

Lumisan sa bansa damdamin sa anak ay tiniis

Nagpunta ng Roma sa kagustuhan ay nagpumilit

Pangarap na mithiin isip nya’y doon makakamit

 

At ngayon nga ay natupad ang matagal na pangarap

Bagaman ang iniwang utang ay naging sandamakmak

Nagt’yaga sa trabaho upang agad ay makabayad

Kahit mga kamay niya ay nagkandalipak lipak

 

No’ng unang mga buwan panay ang aming kumustahan

Sapagkat naalala ‘nya ang aming mga magulang

Higit sumoporta sa kanya ng walang alinlangan

Nagpakita sa anak ng taos pusong pagmamahal

 

Hindi nagtagal unti unti niyang nakasanayan

Malungkot na ala-ala ay kanyang kinalimutan

Mahirap na trabaho ay lalo ‘nyang pinag igihan

Upang sa ganun ang kikitain ‘nya ay madagdagan

 

Mga anak na iniwan sa probinsya ay nagdiwang

Pagkat sinapit ng ina sa buhay ay nakagaan

Pag-aaral ng mga apo kanyang sinuportahan

Kinita’y ‘di alintana kung sa sarili’y nag laan

 

Lumipas ang mga taon ang utang ay nabayaran

Unang inisip ang mga anak naman ang tulungan

Bigyan ng puhunan para sa kanilang hanapbuhay

At yon nga ay naibigay at naisakatutaparan

 

Subalit sa hirap ng buhay sa probinsyang nilisan

Pinadalang pera ay unti unti na ring nalustay

Pagkat hindi naman sila sanay na maghanapbuhay

Tulad ng inang sa anak ay halos magpakamatay

 

Nang dahil pa rin sa kaniyang taglay na kabutihan

Awa pa rin sa mga anak ang ‘syang nangingibabaw

Hinaing nila’y isa isa pa ring pinakikinggan

Di na nag iisip para sa kanyang kinabukasan

 

Ganun pa man magulang namin ‘di ‘nya nalilimutan

Pagpapadala ng pera ay sadyang may nakalaan

Pagtanaw ng utang na loob laging kinalulugdan

Puso’t isip ‘nya nangunguna sa pinaglalaanan

 

Tuwing magpapadala kapatid nasa ala-ala

Giniling na malagkit, asukal at may nutella pa

Lulutuing spaghetti may mantika pang kasama

Pagkwenta sa halaga ng timbang ‘di ‘nya iniinda

 

Sa aming kapatid payo namin minsan ay pakinggan

Wag pairalin damdamin ng pusong nangangatwiran

Sa sarili ay maglaan para sa kinabukasan

Pagkat di masasabi panaho’y baka pagsisihan

 

Pag gawa ng tula sa’yo bigla na lang naisipan

Pagbangon sa pagkakahiga binulong ‘yong pangalan

Dalidaling tumipa ang daliring ‘di mapigilan

Sumabay na rin magdikta ang utak kong nag-iingay

 

Kumusta na ba diyan sa Roma ang ‘yong kalagayan

Bakit ‘di ko nakikita sa fb ang ‘yong pangalan

Waring abalang abala sa ‘yong paghahanapbuhay

Kailangan naman minsan ika’y makipagtawanan

 

Trabaho’y ‘wag mong seryosohin ingatan ang katawan

Pagkat edad mo ngayon ‘di na dapat mahirapan

Lagi mo tandaan magpahinga’y ‘di pinagbabawal

Nang  buhay mo’y lalong tumagal at mapakinabangan

 

Kaylan ka ba nagbabalak umuwi sa bansa natin

Pagkat gusto ni inay makita ka’t makapaglambing

Tagal ng paghihintay sa’ yo’y tiniis na magaling

Sakit ng mga paa’t kamay ‘di na idinadaing

 

Ang ating ama naman pagsusulat naging aliwan

Pakikinig ng musika nadayo sa’king tahanan

Dala lagi ang bigay mong papel ‘yon ay susulatan

Nang mga tulang pagdating mo ay kanyang ibibigay.

MATANDA SA KALYE

May nakita akong matanda sa daan

Nakaratay sa ‘sang tabi may kahinaan

Maitim ang mukha at buong katawan

Maruming damit ang kanyang kasuotan

—–

Nakita kong nakasahod kanang kamay

Nag hihintay ng barya kong ibibigay

Ibibili ng pagkaing ilalagay

Sa tyan ‘nyang nagugutom at nauuhaw

—–

Ako’y napalingon at biglang napaawa

Sa kawawang naghihirap na matanda

Sa buhay ng maralita’t walang wala

May kung anong pumapasok sa ‘king diwa

—–

Kung may ibang namumuhay na sagana

Labis labis sa buhay ang pagka ginhawa

Sana matutong magbahagi sa kapwa

Siguradong matututwa ang May likha

SALOT NA ANAY

Nakakainis itong mga anay

Sa loob ng kabinet ko’y namaybay

At doon sila gumawa ng bahay

Lahat ng kagamitan ko‘y kinatay

—–

Ang lupa ay kanilang kinutkot

At unti unti nilang hinakot

Sa mga gamit ko’y pinulupot

Asal nila’y nakakapanghilakbot

—–

Ang damdamin ko’y biglang nanlumo

Libro kong pinakatago tago

At iba pang gamit na tinago

Binasa ng laway at nagato

—–

Sa sobrang galit ko’t pang gigigil

Agad kong tinawag ang Rentokil

Upang lintik na anay, masupil

Sa ipapain nilang pagkain

—–

Sa kanilang pain masusubok

Kumpol ng anay na laging hayok

Sa katakawan agad susugod

Ang salot na anay matetepok

—–

Ang pagkaing nasa isang kahon

Ang laman akala’y maiinom

Lalantakan dahil laging gutom

Di nila alam ‘yon pala’y lason

—–

Tungo agad sa kanilang bahay

Dalang pagkain ipamimigay

Sa mga kasamang nag hihintay

Todo kain rin ang walang malay

—–

Sanay wala ng anay na bumalik

Dito sa loob ng aking kabinet

Pananalasa nilang sobrang lupit

Sa pain ng Rentokil, manahimik

Bait Station


AKO AT ANG PULIS TRAPIKO

Heto na naman ako’t nagsusumikap

Kinapa sa utak kwentong isusulat

Pag katha ng tula, ‘di maawat-awat

Kahit mata’y bumabagsak ang talukap

 —–

At ngayon nga’y nasalat sa isipan ko

Isang karanasan sa pagmamaneho

Sa kahabaan ng liko likong kanto

Habang natutuliro’t wala sa wesyo

 —–

Isang police sa sasakyan ko’y pumara

Di ko pinansin at ako’y nagtataka

Ngunit dibdib ko noo’y balot ng kaba

May batas ba ‘kong nilabag, wika ko pa

 —–

Patuloy kong tinapakan ang aking gas

Sasakyan ko’y humarorot, kumaripas

Ngunit sa paligid, ako’y nagmamalas

Baka kasunod ko’y alagad ng batas

 —–

Pagtawid ng kanto, sa trapik naipit

At sa harapan ko’y may biglang sumingit

Motorsiklo ng police aid, nangigitgit

Kumatok sa pintuan, ako’y sinilip

—–

Pumasok sa isip ko’y mukha ng pera

Pagkat nakita ko, ticket ang hawak ‘nya

Kaagad pang hiningi, aking lisensya

May nilabag raw akong batas kalsada

 —–

Patuloy pa rin ang aking pagtataka

Kaya naisip ko’y magtanong sa kanya

Ano po bang batas ang aking nilabag

At bakit ‘nyo po ako pinagbabayad

 —–

At napansin ko ang police aid, napailing

Saka ko naisip sasakyan ko’y coding

Labi ko’y napangiti, saka humiling

Mamang police ako’y inyong patawarin

 —–

Sa totoo lang po’y aking nalimutan

Ngayon pala’y coding ng aking sasakyan

Di ito pag-arte sa inyong harapan

O nagsisinungaling, batas lusutan

 —–

At mukha ko’y pinagmasdan ng police aid

Nabighani ‘sya sa ngiti kong kay tamis

Lisensya’y binalik, ako’y pinaalis

Wika’y pagbibigyan kita wag uulit

 —–

Mabuti na lang police aid walang bugnot

Mabait, kasalanan ko’y pinalusot

Kung nagkataon ako’y mapapakamot

Sabay kunot ng noo sa ‘king pagdukot

 —–

Kaya pagmamaneho’y laging tandaan

Kalsada’y may batas na pinaiiral

Maging disiplinado at ‘wag lumabag

Upang sa police aid ‘di tayo masilat

MASAYA KAHIT PAGOD

Pag sapit ng takip silim, dapat ako’y nasa bahay

Sandaling ipapahinga ang napagod na katawan

Bago masimulan ang ibang gawaing nakaabang

At nawa’y maikampay pa ang ngawit na mga kamay

 

Matapos makapag hapunan, akin ng sinimulan

Ang ilang trabahong bahay na sa aki’y naghihintay

Sana ang balikat at braso ko’y hindi manlupaypay

Upang gawain ko’y di abutan ng bukang liwayway

 

Matutulog na sana pagsapit nitong hating gabi

Ngunit sa aking paghiga, katawa’y hindi makali

Kung kaya’t hinagilap ang laptop na aking katabi

At ang tulang nasa isip unti unting kong hinabi

 

Ngunit kay raming bagay na gumugulo sa ‘king tuktok

At ang mata ko’y lumuwa na, kulang sa rin sa tulog

Kinalog ko na rin ang utak habang nagkukumahog

Ngunit ni isang kataga ay wala manding pumasok

 

Ang naisip ko tuloy mahiga’t matulog na lamang

Iunat ang aking likod sa matigas na higaan

Ngunit ang orasan ay bigla namang umalingawngaw

Upang ako’y bumangon, magluto ng aming almusal

 

Ipagmamaneho sila kahit ako’y inaantok

Kung kaya pagbalik sa trabaho’y tutuka tukatok

At pag harap sa computer ang ulo ko’y nauuntog

Magugulantang na lang kapag ang mesa’y kumalabog

 

Pagod ngunit wari ko’y nasa ulap at lumilipad

Kaakibat man ay hirap patuloy akong sasabak

Sapagkat inspirasyon ko yaring aking mga anak

Sa ‘king pagtupad ng mga pangarap na hinahangad

 

Dalangin ko sanang katawa’y parating puno ng lakas

Laging may ngiti sa labi sa mga darating na bukas

Dumadaang unos at problema’y agad magwawakas

At ang salitang salamat ay manatiling bigkas

 

 

SA PUSO MATATAGPUAN


 

Bakit kapag ako’y tulala at nag iisa…

Langit ay tinitingala, tuloy magtataka

Tatanungin ang araw, buwan at mga tala

Pati ulap paghahanapan ng nawawala

 

Bakit kay init ng araw at nakakasilaw

Tinatanong ang b’wan, bakit gabi lumilitaw

At ang mga ulap, may hugis at gumagalaw

Bakit ang mga tala wala pag umuulan

 

Pagtataka’y sinasambit sa buwang maliwanag

Ang tanong sa mga tala bakit makikislap

At inuurirat ang likod ng mga ulap

Pilit do’n hinahanap kasagutang kay ilap

 

Kung bakit mayrong nagagalit sa kalawakan

May nakabibinging dagundong sa pagpalahaw

At kung paanong lumuluha ang kalangitan

Wala mang sagot pauli-ulit ang pag-usal

 

Nais kong  mag isa sa gitna ng kalikasan

Dito’y ramdam ko ang sinag ng bukang liwayway

Samyo ko dito ang simoy ng hanging amihan

Tanaw ko ang agos ng tubig sa kabundukan

 

Paningin ko’y nalilibang sa ‘king natatanaw

Mga ibong lumilipad do’n sa kalawakan

Sabay sabay na huni parang nag-aawitan

 Kalooban ko rito’y payapa’t matiwasay

 

Mabuti pang dito manahan sa kaparangan

Kaulayaw ko’y bulaklak na nagbabanguhan

Kasaliw ko ang mga ibong nag-aawitan

Sa indayog ng mga dahon ako’y dinuduyan

 

At habang ako rito’y malayang nalilibang

Sa puso ko’y mayrong  namumuong katanungan

Ano nga baga itong tunay na kaligayahan

Kasagutan ba’y saan natin matatagpuan?

 

Doon ba sa lalim ng tubig sa karagatan?

O sa lawak ng masukal nating kagubatan?

Kung ‘di masagot ng langit sa kaitaasan

Baka nasa sulok ng pusong kinandaduhan

 

Di nga maaarok kung sarado ang isipan

Kung ang puso’y nakapinid at kinandaduhan

Di sapat ang manalangi’t parating umuusal

Manapa’y buksan ang puso’t do’n matatagpuan

BUTIKI SA KISAMI

 

Magmula pa noong aking kabataan

Nakagawian ko ng sila’y pagmasdan

Di matapos tapos na sila’y pagtakhan

Katanunga’y lagi sa aking isipan

Ang mga paa ba nila’y may pandikit

Bakit sa kisami’t dingding nakapagkit

Mahuhulog lang kung sila’y sinusungkit

Nang mga batang paslit na nangungulit

Wika ng matatanda kapagka hapon

Ang mga ito’y marunong mag orasyon

Animo’y meron din silang relihiyon

At tumitingala sa isang deriksyon

Akalain mong sila’y may pagka banal

Daig pa ang tao, marunong magdasal

Ngunit bakit sa lupa’t tuwing takipsilim

Di kaya ang lahi nila’y mga muslim?

Kapag ang kanilang buntot ay naputol

Di raw nagtatagal ito’y sumusuloy

Parang halaman pag kinunan ng talbos

Mga sanga nito’y hindi naluluoy

At lumalakad pa silang pabaliktad

Ang mga mata’y bilog, nakamulagat

Lapit agad sa ilaw na may liwanag

Sasakmalin, gamu-gamong lumilipad

Itong mga butiki ay mababait

Kahit pa sa ‘ting katawan ay kumapit

Di tulad nitong lamok, langgam at ipis

Na kung makakagat dulot ay hinagpis

Ito palang butiki, mayron ding saysay

Kinakain mga kulisap sa bahay

Tumutulong sa ‘tin, dapat ring mabuhay

Kaya mga bata ‘wag ‘nyong pinapatay

May nakita akong isang batang hangal

Hinuli ang butiki, buntot tinanggal

Matapos paglaruan at pagsawaan

Kawawang butiki hindi nakaangal

BAKASYON SA PROBINSYA

Minsan ako’y umuwi sa ‘ming probinsya

Kasama ko ang aking buong pamilya

Malakas man ang ulan ‘di alintana

Pagkat nais namin makapag bisita

 

Ang tuwa nitong puso’y walang pagsidlan

Pagkat parati kong kinasasabikan

Pagkakataong aking inaabangan

Na aming probinsya’y muling masilayan

 

Pag dating doo’y nagpahinga sandali

Nahiga sa papag at nagmuni muni

Ninamnam ang simoy ng hanging malamig

Habang sa buhos ng ula’y nakatitig

 

Pagkakahiga biglang napabaligwas

Pagkat oras nagmamadaling lumipas

Kaya ako’y tumalilis, kumaripas

Doon sa kusina’t naghanda ng sopas

 

Dito sa probinsya’y walang kabusugan

Lahat ng pagkain kinasasabikan

Ano mang uring hain nilalantakan

Kahit pa yata umasbag ang aming tiyan

 

Sumapit ang hapon may taong dumating

Mga taong nais kami’y salubungin

Baon nila’y mga kwentong babanggitin

At dala sa ‘min sari saring pagkain

 

Habang patuloy masarap na huntahan

Ang oras ay ‘di namin namamalayan

Pagkat nar’on din ibang kamag anakan

Kasalo sa ‘ming masayang hagikhikan

 

Mabilis lumipas maghapo’t magdamag

Magandang umaga’y agad nabanaag

Ang sikat ng araw ay nagliliwanag

Pinagbigyan kaming makapaglagalag

 

Nadagdagan pa ang aming kasiyahan

Nang dumating itong aming kaibigan

Ninais ‘nyang lugar nami’y mapuntahan

Mabuti na lang at tumila ang ulan

 

Lalong bumaha aming kaligayahan

Nang makaisip aming kalalakihan

Sila’y masayang nagkantaha’t kwentuhan

Waring bumabalik aming kabataan

 

Nagtungo pa kami sa tabi ng dagat

Kahit maalon, sabi nila’y habagat

Sa dalampasigan kami ay naglakad

Kahit paa lang ang mabasa ng alat

 

Di ko malilimutan sayang nagdaan

Ang mga oras na ‘di namamalayan

Ang walang humpay na kwentuha’t tawanan

Ang walang patlang na inuma’t kainan

 

NANG DAHIL SA ‘YO

Nanunukso ka na naman sa akin dyan

Parang ‘di makali na ako’y titigan

Mga sulyap, akala mo’y ‘di ko alam

May pa-irap irap ka pang nalalaman

—–

Ninanakaw mo, tamis ng aking ngiti

Na sa ‘yong pwesto mata ko’y nagagawi

Pano’y pang gayuma mo’y ganun katindi

Nang ako’y lumapit, wag mag atubili

—–

Ayaw kong patukso sa pang-aakit mo

Mga kilos at asta mo’y di ko gusto

Sarili kong plano ay ‘yong ginugulo

Pati takbo ng utak ko’y nababago

—–

Ngunit bakit nga ‘di kita maiwasan

Ano bang uring gayuma meron ka dyan

Kahit unti-unti  kang nilulubayan

Paglapit sa ‘yo, di ko kayang pigilan?

—–

Inaakit mo pa ang aking panlasa

Pakiramdam ko’y unti-unting nag-iba

Naantig na rin pati puso ko’t diwa

At ngayon nga ako’y iyong nahalina

—–

Sabi ko pa naman na ikaw ay iwasan

Ngunit pasaway at ‘di mapagsabihan

Ang “cholesterol at uric” nagtaasan

Kawawang katawan gamut ang kelangan

—–

Lechon sa handaan ayaw ko na sa’yo

Wag akong titigan, wag kang manunukso

Pagkat sakit sa puso, mapapala ko

Hayaan mo na lang kung sinong may gusto

 

HINDI AKO NAPIPIPI

 

Kailangan ko ng kataga maibibigay mo ba?…

kahit ang talinhaga mahahanap mo ba?

blanko ang isipan ko’t ‘di mawatasan,

kasagutan sa katanunga’y nasaan?

Gusto kong malaman ang totoo sa hindi,…

ibig kong makita ang tama sa mali

habang sinisikap mahanap sandali,

ayaw kong sa isang sulok ay magkubli.

Nasaan ba ang maliligayang araw…

bakit pawang lahat bigla lang natunaw?

dahil ‘di ako bulag o nabibingi,

‘di ako namamanhid o napipipi

Marunong lang magtimpi’t tumahimik…

magpasensya sa magulong paligid

ayaw kong punahin kahit magsumiksik

ang nanunukal na sakit sa ‘king dibdib.

Ako’y natutunaw sa kilos at galaw mo….

huwag kang masanay na ok lang ako

sapagkat bawat bigkas ng ‘yong salita

 nakakaramdam ako ng aligaga.

Puno ng pag aatubili itong diwa….

kung kaya ang puso ko ‘di ka matantya

nalulunod nauubos ang hininga

dahil hindi bago ang ganitong drama.

Lahat ng guni guni ayaw kong makita…

nawa’y maglaho sa isang kisap mata

at unti-unting mabura sa gunita

ang  lalim ng diwa sa pagkatulala…

 

KATAKAWAN

Sa hirap ng tulang aking ginagawa

Sa tagal pag isipan, tyan ko’y nagwala

Agad naisip puntahan ang kusina

Namungkal para sa gutom na sikmura

 

Ako’y napapikit at may  naalala

Inaanak ko pala’y may dala-dala

Isang platong pansit, na napakasarap

Paborito pagkain, sa tuwina’y hanap

 

Pag silip sa ref ay ‘di magkandatuto

Sa ‘king nakita ako’y biglang nalito

Pagkat may tira pang masarap na biko

Ito’y bigay rin ng pasyente kong gwapo

 

Paboritong binibili sa probinsya

Tawag sa Batangas sinukmani baga

Masarap kanin kape ang kapareha

Kahit almusal, pati na sa meryenda

 

May nakita pa akong tapang espesyal

Mula naman ito sa bayan ng Taal

Tapang masarap sa aking almusal

Lalo kung ang kanin sinangag sa bawang

 

Ako talaga’y nakaramdam ng gutom

At natalo ko pa, ang hilong talilong

Sa dami ng nakain, t’yan ko’y umusbong

Di alintana kung tumaas ang presyon

 

Dahil sa mga pagkaing nilantakan

Pusod ko’y umusli ‘di na nakagalaw

Ito ang napala sa ‘king katakawan

Sa pag gawa ng tula, ‘di nakahataw

 

GAWING MALINAW

Naku! ‘wag ka sanang tumulad sa ulan.

Pabugso-bugso ‘di ko maintindihan

Ang dulot na baha ‘di ko mapigilan

Tulad ng luhang likha ng kagagawan

 —–

Kaya ang salita ay gawing malinaw

Biglang init ng ulo’y nakakatunaw

Tulad ay yelong napabilad sa araw

Sa tindi ng init bigla ng nalusaw

—–

Kung sanay kawangis ka ng isang aklat

Matapos mangawit ang mga talukap

Sa pagbabasa ng mga nakasulat

Ay kaylangan kang ihinto sa pagbuklat

—–

Sanay kagaya ka ng aking panulat

Matapos iguhit, letrang sandamakmak

Sa taglay ‘nyang galing at husay na armas

Di kaylangang pagurin kusang aagwat

—–

Subalit katulad ka rin ng aking tula

Hindi laging tama at mayroong tugma

Ngunit laging may nakalaang kataga

At may magagandang mga talinhaga

LARAWAN NG BUHAY

life is beautiful

Ang larawan ng buhay nati’y maganda

Katulad ng liwanag na nakikita

Kung dumidilim ay itawag sa Kanya

Ito’y papalitan ng kaaya-aya

——

Kaya huwag padadala sa ‘yong lungkot

At sa mga bagay na makakabagot

Manapa’y iwaksi ang mga himutok

Nang ‘di madagdagan ang mga kulubot

—–

Dumarating na pagsubok ay labanan

Na pagka minsa’y dumadaan sa buhay

Pagkat ito’y nagagawan ng paraan

Kalutasan minsa’y ‘di namamalayan

—–

Masamang pangyayari ay kalimutan

Ang hinaharap dapat mapaghandaan

At gawing payapa ang ating isipan

kaysa maglupagi’t umiyak na lamang

—–

Laging umasa sa ‘ting Poong May Kapal

Pagtiwalaan ang Kanyang pagmamahal

Sadyang makikita at mararamdaman

Ang katiwasaya’t payapang isipan

—–

Walang uuna sa ‘ting nilalapitan

Sa bawat oras ‘Sya ang tinatawagan

Sapagkat ‘Sya lang ang tanging kalutasan

Sa ‘ting suliraning pinagdadaanan

—–

Nararapat lang lahat ay maging handa

Sa pagharap ng biro nitong tadhana

Ano mang unos ang dumating sa buhay

Itawag sa Poon tayo’y tutulungan

MASAHE SA AKIN NG BULAG

Bakit ganito ang aking pakiramdam

Lahat masasakit ang aking kalamnan

Waring nanghihina ang buong katawan

Sakit at kirot ‘di matukoy kung saan

_____

Kapag tumayo parang mababaligtad

Araw-araw pakiramdam ay may lagnat

Laging masasakit braso at balikat

Ang tuhod at siko’y ‘di ko maiunat

_____

Di ko na matiis, ‘di rin mapakali

Ito’y maidaing sa aking katabi

Sa bulag raw ako ay magpamasahe

Kayat sa nabanggit ‘di nag atubili

_____

Sa mga mall raw sila matatagpuan

Di gumagamit ng langis sa katawan

Diin at pisil ng kamay na marahan

At giginhawa na aking pakiramdam

_____

Kami nga’y nagtungo ng aking kaibigan

Upang masahe nila ay masubukan

Pinaupo ako’t kamay hinawakan

Sa ganung paraan ako’y sinimulan

_____

Pag hawak sa kamay ko’y may lumagutok

At matapos ay dumako sa ’king batok

O’ kay sarap naman ng kanyang paghagod

Nawawala ang dagok sa aking likod

_____

Ipikit raw ang mata para marelaks

Marahang haplos sa aki’y pinamalas

Hagod ng kanyang kamay sa ’king balikat

Dulot sa katawan ko’y ibayong lakas

_____

At ngayon katawan ko nga ay sumigla

Sa masahe mula ulo hanggang paa

At bawat diin ng mga daliri ‘nya

Tila nasa langit aking nadarama

_____

Umuwi akong may ngiti sa ’king labi

Tila may magic ang kamay ‘nyang dumampi

Bawat diin ng kanyang mga daliri

Ginhawa ang dulot, kirot napapawi

Tense ako

Sa totoo lang stress-reliever ko ang pagsusulat kaya hangga’t may pagkakataon ako lalo sa umaga o oras ng pananghalian kahit narito ako sa aking trabaho ay nagsusulat ako, ngunit may kalahating oras na akong tumitipa sa keyboard walang ayos at walang tema ang lumalabas sa aking utak, nakakailang pangungusap pa lang ako biglang hihinto at nawawalan ako ng gana magsulat, walang saysay ang bawat letrang lumalabas, magulo ang bawat talatang nabubuo. Hindi na nanggagaling sa aking puso ang bawat katagang aking tinitipa. Siguro bukas ko na lang itutuloy ang nais kong isulat sa aking blog. Na mental block na yata ako.

Isa lang akong tao, at paminsan minsan ay natetense din at nakakaranas ng kabog sa dibdib, ng pakiramdam na ‘di mawari na para bang may kakaibang nararamdaman ang aking katawan, nenenerbyos at para akong inaatake ng matinding sakit ng tiyan. May isang bagay kasing nagbigay ng sobrang tension at pressure sa akin ngayong linggong ito. At ayan tuloy may nakapagsabi sa akin na suplada raw ako sa personal. Yan naman ang madalas na unang impression sa akin. Sabi nga ng isa kong kaibigan na suplada rin, ugali na raw ito ng mga magaganda. Hehe! Ganun kasi ako, posible pa kung madalas ko ‘syang nakikita o nakakausap, pero kung ngayon lang nag pang-abot ang aming tingin tapos dami na ‘nya kwentong kung ano ano, mas malamang na pansinin ko pa ang alikabok sa paligid ko.

SA AKING BALINTATAW

Ngumiti at humalakhak

managinip at mangarap

magtiis ka at magtimpi

kahit lahat ay pakunyari

………………………….

Sumulat ka at gumuhit

iukit ang mga titik

ang larawang nasa isip

sa pusong kaibig-ibig

………………………………

Pumikit ka at maglakbay

lumipad ka at kumampay

habang pangarap ay bitbit

sa mundo ng panaginip

…………………………………

Tumakbo ka at tumakas

tuntunin mo tamang landas

sa patag na binabagtas

habulin mo ang pangarap

…………………………………

Humakbang ka at maglakad

‘wag hihikbi at iiyak

sa landas na tinatahak

may bubulaga’t bubungad

…………………………………

Lumakad na mabilis

‘Wag na ‘wag kang lilihis

magpatuloy at ‘wag lilingon

sa ala-ala ng kahapon

(Tula) HUWAD NA DAMDAMIN

Nakakaramdam na muli akong magsulat ng mahaba

Nagbalik ang pananabik kumatha ng aking diwa

Malungkot man, madrama o may halong buntong hininga

Kusang bumubuo ng mga salitang nadarama

—–

Para kasing ulang pabugso bugso kung saan saan

Pigilan mang ibuhos lalabas at lalabas rin yan

Sapagkat iyan ay ikaw alam na alam mo na ‘yan

Itago mang pilit lilitaw rin ang katotohanan

——

Ang mga kilos kahit ‘di bigyan ng ibig sabihin

Ang lahat ay pawang kay bigat kung iyong papansinin

Masakit sa ulo kung ito pa’y pakakaisipin

Mabuti pang iwaksi at ‘wag ng pakaintindihin

—–

Mayrong mga pagkakataong naka tikom ang bibig

Ngunit ‘di man magsalita sa mga kilos ay batid

Di rin mahirap basahin mga sulimpat na titig

Kahit ako’y nakapikit pagkat walang pagkamanhid

—–

Di maipinta ang aking mukha at nais magsungit

Pagkat puno na ang dibdib ng ‘sang laksang hinanakit

Di rin mawatasan mga kilos na nakakasakit

Kaya nais ng puso ko sa sulok ay magsumiksik

—–

Di ko malaman saan lulugar o kaya’y pupwesto

At ‘di rin maisipan kung saang sulok magtutungo

Naliligaw ba ako o parang wala sa huwisyo

Bakit ‘di mapalagay pakiramdam ko’y gulong gulo`

—–

Hanggang kelan ba magiging totoo ang kahuwaran

Bakit ba kailangan pang dayain ang katotohanan

Kailangan bang hintaying sumabog na parang bulkan?

O sumambulat pa na parang kidlat sa kalawakan?

—–

Ganitong bagay dinaraan lang sa buntong hininga

At ang ibang kataga mababasa sa mga mata

Kawawang sarili’y nawiwindang minsan ay tulala

Ngunit pag nagugulantang ay biglang napapa tula

(Tula) NOONG ARAW NG KAARAWAN KO

Dumaan na naman ang aking kaarawan

No’ng ika isa ng buwang kasalukuyan

Di na ako naghanda sa aming tahanan

Pagkat walang ibang taong naimbitahan

_____

Ngunit may dumating rin sa aking regalo

Ipinabigay ng isang kaibigan ko

Tamang tama, pagkat iyon ay paborito

Na niluluto ko tuwing araw ng linggo

_____

Kasama ng regalo na aking natanggap

Ay isang kahon ng cake na waring kay sarap

Namangha pa nga ako sa aking pagbukas

Pagkat ‘yon ang paborito ng aking anak

_____

Iyon ay nanggaling sa aking kaibigan

Wala mang kandila na aking sisindihan

Ay nag wish rin naman ako, bago tinikman

At saka inihain, sa hapag kainan

_____

Nais nilang malaman, aking kahilingan

Di ko na sinabi, sinarili ko na lang

Masyadong personal, ‘di pwedeng ipaalam

Baka ‘di mangyari, nakakahiya naman

_____

Naging masaya ang aking buong maghapon

At pasasalamat ang aking unang tugon

Pagkat bihira, ganitong pagkakataon

Buong araw kaming mag-asawa’y naglipon

_____

Noong oras ng meryenda’y aking naisip

Mag order na lang isang bilaong pansit

At iabot sa mga taong nagtotong its

Na nakatira sa tapat ng aking clinic

_____

Sumapit ang gabi at kami ay lumabas

Ang hapunan namin ay doon na ginanap

Umorder kami ng pagkaing masasarap

Hanggang ang tiyan naming lahat ay nabundat

(Tula) KAARAWAN KO NA NGAYON

Maaga akong bumangon ngayong umaga

May ngiti sa labi katawan ay masigla

Pagkat ang araw na ito ay kakaiba

Di tulad ng kahapon at kamakalawa

—–

Ang almusal ko ay hindi pang mayaman

Simpleng kape’t tinapay na walang palaman

Masarap na pagkain ‘di ko na kelangan

Tama lang sa akin malamanan ang tiyan

—–

Wala naman akong ginawang plano ngayon

Basta gusto ko’y masaya buong maghapon

Bigyan ang sarili ng ‘sang pagkakataon

Huwag mag trabaho at saglit maglimayon

—–

Espesyal kasi ang araw na ‘to sa akin

Kaya’t bawat sandali’y ‘di palalampasin

Ang sarili ko ay aking pasasayahin

Ibibigay ang mga simpleng nanaisin

—–

Ang maghanda ay ‘di ko nakaugalian

Sa tuwing sasapit ang aking kaarawan

Tama lang ang D’yos ay aking pasalamatan

Sa kalusuga’t mga biyayang nakamtan

—–

Maaring ako’y kumain na lang sa labas

Kasama ang aking asawa’t mga anak

Doon na mag kukwentuhan at hahalakhak

Magdaos ng kasiyahang walang katumbas

—–

Salamat sa mga bumating kaibigan

Dulot ‘nyo sa ‘kin ay ngiting pang matagalan

Pagkat kaarawan ko’y ‘di ‘nyo nalimutan   

Ngunit kung may regalo ay lalong mainam

—–

Pero ang pag bating nagmula sa puso ‘nyo

Ay higit pa sa regalong matatanggap ko

Sapagkat simple lang naman ang aking hiling

Sa kaarawan ko, pamilya ay kapiling

—–

Sa bawat dagdag na taon sa aking gulang

Nawa’y manatili, magandang kalusugan

At ano mang problemang pinagdadaanan

Ay ilipad na lang doon sa kalawakan

—–

Dalangin ko rin ang magaang pamumuhay

Sa piling ng aking mga mahal sa buhay

At ang aking mga anak ang ‘syang gagabay

Sa panahong kelangan ko ng aalalay

“Tuwing unang araw ng Agosto, ang unang bagay na pumapasok sa isip ko ay ang
unang araw ko dito sa mundo.”

(Tula) BUSOG NGUNIT GUTOM

Matagalan ko kaya ang ganitong sitwasyon

Di ko mawari animo’y meron akong misyon

Malayo ang tingin hindi man lang lumilingon

Busog ang aking diwa ang tiyan ko ay gutom

 

Itong aking utak ay talagang nagwawala

Hindi ko mapigilan sa pagkatha ng tula

Kahit wala sa tono at hindi tugma tugma

Pilit ring isinisigaw ang mga kataga

 

At sa bawat pagbigkas ko ng mga salita

Ay sumasabay ang emosyon sa ‘king pagtipa

Bumibilis din ang pagtibok ng aking puso

Kasunod ang tulang unti-unting nabuboo

 

Kung minsan pag katha ng tula ‘di ko malaman

Kung saan nagmumula at pano sisimulan

Basta ang alam ko’y nagbuhat sa ‘king isipan

At sadyang dumarating kung kinakailangan

 

(Tula) DAMDAMIN

Nais kong magsulat ng maliligayang sandali

Ngunit pawang dilim ang namumutawi sa labi

Nahihirapan ang puso kong doo’y mamalagi

Sa mga ala-alang nagdulot ng saya’t ngiti

__________

Ang sarili ko ay para bang ‘di na mapakali

Walang humpay mga salitang ‘di masabi-sabi

Ang katahimikang tinago sa sulok sandali

Di mabinbin at nagbabalik ayaw mamalagi

__________

Damdaming nagpupuyos at itinatagong pilit

Ay sasabayan pa yata ng pagluha ng langit

Kumaripas ang paghawi ng araw na pusikit

Ang pumalit ay kulog at kidlat na kumukudlit

__________

Itong damdamin kong punong puno ng alinlangan

Pumapayapa lang pag bungad ng bukang liwayway

Pati ang isip ko’y sumasabay sa pag-iingay

Sa hiwaga ng mga kataga’y nag uunahan

__________

Pilitin mang ikubli ang sidhi nitong damdamin

Hindi mapigilan at nagwawala sa pag amin

Ang lungkot ng mga mata ‘di na kayang ilihim

At ang hikbi nitong labi’y sadyang kapansin pansin

__________

Pagbubuntong hininga ang parating ginagawa

Malalim ang iniisip, nakatitig sa wala

Bibig ay tahimik at salat sa pananalita

At nang dahil dito ‘di mapigilan ang pagtula

%d bloggers like this: