KAARAWAN MO NA NGAYON

Ang nais ko sana ika’y mahandugan

Ng maikling tula sa ‘yong kaarawan

Ngunit lakad ko ngayo’y ‘di maiwasan

Kaya ako sana’y pagpapasensyahan

 

Ngunit ganun pa man, ako’y bumabati

Taos puso at walang pagkukunwari

Limampo mong taon, ‘di na mababawi

Sadyang sa patanda, iyan mauuwi

 

Maligayang bati sa ‘yo kaibigan

Sa ika limampo mong taong ka’rawan

Biyaya ng Maykapal nawa’y makamtan

At gabayan, landas, na patutunguhan

 

Sa araw na ito’y lubusin ang saya

Makamtan mo sana, tunay na ligaya

Sa iyong mga anak at kapamilya

Mga kaibigan at kaopisina

 

Hayaan ang sariling makapahinga

Kalimutan ang trabahong ‘sang katerba

Haraping may ngiti ang mga bisita

Masarap na pagkai’y ihanda mo na

 

At sa ‘yong kaarawan nais kong magbanggit

Nang ilang kataga na dapat masambit

Nagmula sa puso sadyang naka ukit

Na maaring sa damdamin mo’y gumuhit

 

Ilang taon na rin ba ang nakalipas?

Samahan natin ‘di pa rin kumukupas

Tanda ito na kahit ano mang oras

Pagkakaibigan nati’y hanggang wakas

 

Ikaw ay sumubaybay sa aking buhay

Halos magkapatid ang ating turingan

Sa oras malumbay ikaw ang takbuhan

Parang isang anghel sa’ki’y gumagabay

 

Ibang kaibigan at mga kapamilya

Pagkilala sa akin ay hindi iba

Kaya naman ako’y ganun din ang badya

Upang ang samahan ay lalong gumanda

 

Sana’y ‘di ka magbago ‘yan ang dalangin

Sa ‘yong ugali’t pakikitungo sa ‘kin

Ang magagandang pinagsamahan natin

Sa tuwa at lungkot ‘wag sanang kalasin

 

Maganda mong mukha na laging may ngiti

Sana sa ‘yong pagkatao’y mamalagi

Wag kokontrahin salitang namutawi

At sadyang namulos sa ‘king mga labi

 

Tamang tama, gabi kita pupuntahan

Isang halik, kita’y pasasalubungan

Sabay ang dalangin sa Poong Maykapal

Na dagdagan pa, kaarawang daratal

 

Mga labi ko sana’y mamantikaan

Nang marami mong handang kaabang abang

Ang masarap na pansit, luto ni Indang

Katakam takam, nais ko ng matikman

 

Pagdiriwang mo sana’y maging masaya

At ang puso mo’y aming mapaligaya

Ang ngiti mo sana’y umabot ng teynga

Habang binabasa tula kong kay ganda

KAIBIGANG EDNA

E-spesyal ang pagtingin sa ‘yo kaibigan

Kung anong dahilan ‘di ko malaman

Maaring ugali mo, aking naibigan

At pakikisama’y ‘di matatawaran

 

D-ahil sa angkin mong kabutihan sa ‘kin

Kay daling napalapit, aking damdamin

Mga paalala’y ‘di ko lilimutin

Pagkat lahat ng ‘yon sa puso’y tumanim

 

N-aging malapit tayo sa isa’t-isa

Kahit kay dalang ng ating pagkikita

Kahit layo mo sa aki’y milya milya

Pagkakaibigan natin, damang dama

 

A-ko’y nagpapasalamat at nakilala ka

Tunay namang sa aki’y nagbigay saya

Sa buhay kong payak nagbigay kulay pa

Nawa’y manatiling magkaibigan t’wina

 

Pagkikita’y sadyang kinasasabikan

Pakikipag “chat” laging inaabangan

Pagkat tuwa sa puso’y walang kapantay

At ngiti sa mga labi’y walang humpay

 

Sana kaibigan tula ko’y naibigan

Marahil ikaw ay namimiss ko lamang

Kaya ang pagtula ay aking naisipan

Upang ipadama damdaming nanahan

 

——————————

Ganyan ka nagmarka sa puso ko kaibigan

Lalo na’t kita’y nakaharap, nakahuntahan

Kaya nanariwa, masaya nating kwentuhan

Dumalang man noon, nauunawaan

 

Ala-ala mo ay tinik kung sumiksik

Sa bawat pagsungkit ano namang sakit

Mga kwentuhan natin ang tagapatid

Sa ‘yong mga ngiti ako’y nasasabik

 

Marahil kung ako ay malapit sa ‘yo

Inabala kita sa iyong trabaho 

Ika’y aayain kumain ng puto

At tinapay na monay doon sa kanto


Tula PARA SA’YO KAIBIGAN

B-Berlyn ang ngalan ng isa ko pang kaibigan

Maganda, mabait, masaya rin kakwentuhan

Mga katangian ‘nya’y aking hinahangaan

Lalo sa pag nenegosyo lagi sa isipan

……………

E-Extrang kakayahan sa pagkita kanyang taglay

Alam ano mang uri ng paghahanap buhay

Mag-isa man walang asawang umaagapay

Nakakayang iagdong kanilang pamumuhay

……………

R-radar kanyang damdamin nakabukas ang palad

Laging nakahandang tumulong sa mga anak

Ano mang pangangailangan bigay niya agad

Walang sabi sabi sarili man ay masagad

……………

L-Likas  sa kanyang pagkatao ang kasipagan

Pagkat tingin ko sa kanya’y walang kapaguran

Kahit ang gabi ginagawa ‘nya pa ring araw

Upang kita’y sumapat sa pangangailangan

……………

Y- ‘Yan ang mga katangiang ‘di kaya ng iba

Idagdag ko pa ang galing sa pakikisama

Mga problema’di ko nakitang iniinda

Maging sakit sa katawan ‘di alintana

……………

N- Naging dalawang papel ang kanyang ginampanan

Pagkat ina’t ama ‘sya sa kanilang tahanan

Lahat ay kanyang kinaya at pinaglabanan

Hirap na dinanas, pati na rin kalungkutan

……………..

Tula PARA SA AKING KAIBIGAN

Akin pang sinulat, pinadala pa sa e-mail,

Mga nais iparating ng aking damdamin,

Ang aking pasasalamat sana’y iyong damhin,

Nagmula sa puso na sadyang umuukilkil.

———-

Ako ay may kaibigan yollie ang kanyang ngalan,

Ang kanyang ganda hindi nakakasawang tingnan,

May mala porselanang kutis sa kakinisan,

Mabibighani ka kapag ika’y nangitian.

———-

May pitong taon na rin kaming magkakilala,

Sa pangingibang bansa ‘sya lagi ang kasama,

‘Sya ay mabait at maaasahan sa t’wina,

Mapagmahal sa kaibigan maasikaso pa.

———-

Halos araw-araw ko ‘syang katawanan,

Sa kwentuhan naming walang katapusan,

Kahit sa ym lang ang aming huntahan,

Halakhakan namin ay talagang kainaman.

———-

Pag usapa’y nasimulan kulang ang maghapon,

Pagkat ang kwentuhan kung s’an saan natutuon,

Katabi ‘nya sa upuan ay napapalingon,

Iniisip marahil kung sino ba ang kalipon.

———-

Ngalan ‘nya ang binabantayan lagi sa ym,

‘Sya ang hinahanap sa t’wina na mag login,

Kapag sa maghapon ay ‘di ko nakaulayaw,

Tiyak na puso ko’y makakaramdam ng panglaw.

———-

Sa halos araw-araw ng masayang kwentuhan,

Ay marami na rin akong sa kanya’y natutunan,

Na lagi kong itinatanim sa ‘king isipan,

Ang mga payo ‘nya lagi kong tinatandaan.

———-

Alam namin ang nangyayari sa isa’t isa,

Kung anong bagong balita sa aming dalawa,

Sapagkat unang pagbati ang pangungumusta,

Kasunod naman nito ay magkukwentuhan na.

———-

At sa bawat panahong kami’y nagkakasama,

Ang mundo namin ay nababalutan ng saya,

Lahat ng ala-alang aming pinagsaluhan,

Pamihadong naka ukit sa aming isipan.

———-

Bawat tao, nais magkaroon ng kaibigan,

Isang nakakasamang malapit sa kalooban,

Kaya anong saya ko nang ‘sya’y matagpuan,

Naging kasalo ko sa lahat ng kasayahan.

(Tula) UMAATIKABONG HAGIKHIKAN

Isang araw ng Abril taong kasalukuyan

Kaming magkakaibigan ay nagkayayaan

Na lumabas at kumain sa isang restoran

May ilang bagay kaming nais mapagkwentuhan

 

Kasabay sa pag-apaw ng hapag sa harapan

Ang umaatikabong impormasyong kaalaman

At sa bawat pag sandok ng mainit na sabaw

Umalingawngaw na ang matinding hagikhikan

 

Subo’y mainit na kani’t masarap na ulam

Higop ang bagong kaalaman at kamalayan

Sabay lunok, lagok at hagod sa lalamunan

Pulot ang magagandang aral na natutunan

 

Sa bawat taginting ng tinidor at kutsara

Ang pagkain sa hapag, wala na ring natira

Subalit ang masayang kwentuhan at tawanan

Ay patuloy pa rin, waring walang katapusan

 

Nabusog ang tiyan ganun din ang kaisipan

Ng mainit na kanin at masarap na ulam

Ng bagong kaalaman at masayang kwentuhan

Ng magkakaibigang maganda ang samahan

 

Naligpit ang hapag, sarado na ang restoran

Uuwing baon ang magagandang natutunan

Dalanging sisidlang napuno ay matunawan

Wag sumirit ng masamang hangin ang katawan

(Tula) K-A-I-B-I-G-A-N

K-ung kelan tayo nagkatagpo, nun din nagkakilala

A-ng masaya nating samahan, ay dito nag-umpisa

I-sinama ako upang kumain, tandang tanda ko pa

   (sa café Isabel)

B-agay na di ko akalaing kayo palang dalawa.

     ang kukumpleto, sa akin ng tuwa’t saya.

I-nisip kong mabuti, kung ako’y inyong magugustuhan

G-aya ng iba ninyong mababait na kaibigan

A-ko nama’y natuwa, pagkatao ko’y inyong naibigan at

N-gayon nga ang pagkakaibigan nati’y kay ganda ng 

     samahan

 

Sana sa pamamagitan ng aking tinahing salita,

Itong aking tula para sa inyo ay ikatuwa

Panahon ma’y lumipas, ngipin ko ma’y malagas

Ang samahan natin ay hinding hindi kukupas

Tulad nito’y ginto’t pilak na idinarang sa apoy

Ang tunay na kaibigan sa saya at panaghoy

Katulad ay puno ng narang hindi maitumba

Ganyang ganyan katibay ang ating pagsasama

(Tula) EMO KAMI

 

Aking kaibigan gusto kitang aliwin

Pagkat alam kong may tampo ka sa akin

Sa oras na iyon ako’y unawain

Pagkat sasakit lang ang iyong damdamin

 

Basta lagi mo lang sanang tatandaan

Ang mga kwento mo’y handa kong pakinggan

Ang ‘di ko pagdating ay nagkataon lang

Kaya pasensya kung ako’y inasahan

 

Ramdam ko ang pag-intindi mo sa akin

Lalo na sa braso kong idinadaing

Gusto mo pang ngang gamutin at hilutin

Hindi ba’t ang sarap sa iyong maglambing?

 

Ang araw na ‘yon ‘di ko binalewala

Alam kong malawak ang ‘yong pang-unawa

Ang puso’y may lakip na pagtitiwala

Ang ala-alang ‘yan ‘di ko iwawala

 

Kay rami na ng ating pinagsamahan

Ala-alang nakatatak sa isipan

Mga tampuhang tampororot lang naman

Nakakatuwa, sarap sa pakiramdam.

%d bloggers like this: